Joella POV
three years later..
"SALAMAT Joella, tinutulungan mo kami ni mama. W-Wala na talaga kaming malapitan eh. Kaya kahit nahihiya ako naglakas loob na rin akong lumapit sayo para magbakasakali. M-Maraming salamat talaga." Naiiyak na sambit ni Kyla.
"Wala yun, importante ay gumaling si Tita Nadia." Sabi ko at tinapik tapik ang balikat nya.
Nakikipaglaban ngayon si Tita Nadia sa sakit nya sa bato na malala na at kailangan ng operahan. Dahil mahal ang operasyon at kumplikado at walang ipon ay lumapit na si Kyla sa akin. Wala namang pagdadalawang isip na tumulong ako. Tinulungan din ako ni Ace. Pinalipat nya dito sa pribadong hospital sa Manila si Tita Nadia.
Wala na akong galit na nararamdaman sa mag ina lalo na kay Tita Nadia. Napatawad ko na sya at si Kyla. Sa tatlong taon naman ay nakikita kong nagbabago na sila at nagsisikap na. Nagtitindahan si Tita Nadia sa inuupahang apartment nila ni Kyla. At si Kyla naman ay nahinto sa pag aaral at nagtrabaho na lang. Nagkaroon sya ng anak sa nobyo na iniwan din sya. Nakikita ko din sa pinsan ang malaking pagbabago nya pati sa ugali. Hindi na sya mapagmataas kung makipag usap. Siguro ay dahil na rin sa hirap na naranasan nila sa loob ng tatlong taon. Humingi na rin silang mag ina ng tawad sa akin kaya pinatawad ko na sila. Sa bandang huli ay kadugo ko pa rin sila. Sila na lang ang kamag anak ko sa side ni nanay.
Pumasok na kami ni Kyla sa loob ng kwarto ni Tita Nadia. Gising na sya at nang makita ako ay ngumiti sya sa akin. Ang laki ng ipinayat nya at lalong tumanda ang hitsura.
Lumapit ako sa tiyahin at nagmano. "Kamusta na po ang pakiramdam nyo, tita?"
"Heto, medyo nanghihina sa mga gamot. Pero nilalabanan ko para maoperahan na ako." Bahaw ang boses na sabi nya.
Tinapik tapik ko ang kamay nya. "Kaya nyo po yan, tita. Malakas po kayo." Sambit ko.
Ngumiti sya kasabay nun ang pagtulo ng luha nya. May sumungaw ding lungkot sa kanyang mga mata.
"M-Maraming salamat Joella.. Sa kabila ng mga ginawa ko tinutulungan mo pa rin ako. Patawad sa lahat lahat.."
"Wala na po yun, tita. Napatawad ko na po kayo."
"Maraming maraming salamat.. Pero alam mo.. naisip ko.. k-karma na rin itong nangyayari sa akin. K-Kabayaran sa mga nagawa ko sayo n-noon.. P-Patawad talaga.." Pumiyok na ang boses nya at sunod sunod ng tumulo ang kanyang luha. Pati si Kyla na nasa tabi nya ay lumuluha na rin.
Pinisil ko naman ang kamay nya. "Tita, huwag na po kayong mag salita ng ganyan. Pinatawad ko na kayo. Alisin nyo na ang bigat sa dibdib nyo at huwag na kayong mag isip ng kung ano ano dahil mai-stress lang kayo. Pangako ko sa inyo ay tutulungan ko kayo hanggang sa gumaling kayo. Magpalakas kayo para maoperahan agad kayo."
Pinunasan nya ang luha sa pisngi at tumango tango. "Salamat.. salamat.."
Tumahan na rin si Tita Nadia at huminahon na. Pinag usapan na lang namin ang tungkol sa operasyon nya. Kinokondisyon pa kasi ang kanyang katawan para sa operasyon. May nakuha na ring donor sa tulong ni Ace..
"Kamusta naman ang anak mo, sino ang naiiwan sa kanya?" Tanong ko kay Kyla habang hinahatid nya ako palabas ng hospital. One year old na ang anak nyang babae sa dating nobyo na iniwan sya.
"Nasa kaibigan ko, sya muna ang pinag aalaga ko. Wala kasing magbabantay kay mama. Hindi naman pwedeng isama ko dito sa hospital si baby." Bumuntong hininga si Kyla. Ramdam ko ang pagod nya.
"Malalampasan nyo rin ni tita ang lahat ng ito. Pakatatag ka lang at laging magdasal. Basta kung may kailangan kayo huwag ka nang mahihiyang magsabi sa akin."
BINABASA MO ANG
Can't Help Falling In Love With Sir Ace
General FictionHindi naniniwala si Joella sa true love. Para sa kanya hindi nag e-exist sa mundo ang true love. Dahil kung totoo ang true love bakit iniwan nang tatay nya ang nanay nya at sumama sa ibang babae. Namatay tuloy ang nanay nya sa sama nang loob. Kaya n...