Ace POV
"HAYAN, kumulo na. Pwede mo nang ilagay ang mga gulay." Ani Tatay Joel nang buksan nya ang takip ng kaserola.
Sinunod ko naman sya. Nilagay ko ang mga gulay sa kumukulong tubig na may isdang bangus.
"Sunod nyan, ilagay mo na ang sabaw ng pinaglagaan mong santol kanina. Tapos timplahan mo na."
Tumango tango ako. Tinatandaan ko ang instructions ni Tatay Joel. Madali lang pala magluto basta may instructions lang.
"Pasensya na ho, tay. Naistorbo ang pamamahinga nyo. Bigla kasing nag-request ng sinigang na bangus sa santol si Joella. Napanood nya kasi sa video kaya hayun, biglang gustong kumain nito. At gusto nya ako ang magluto, eh hindi naman ako marunong. Mabuti na lang dito na kayo sa malapit nakatira."
Pitong buwan na ang tiyan ni Joella at hanggang ngayon ay naglilihi pa rin sya. Hindi pwedeng hindi ibigay agad ang gusto nya dahil nag iiba ang mood nya. Nagiging bugnutin at masungit. Naiintindihan ko naman dahil pinaliwanag sa akin ng doctor na magiging paiba iba ang mood nya dahil buntis sya. Kaya hangga't maaari ay ibigay agad ang gusto na syang ginagawa ko naman. Yun lang ang tanging magiging ambag ko sa kanya dahil alam kong di biro ang pagbubuntis. Isang buhay ang nasa loob ng kanyang katawan at yun ang unang anak namin.
"Wala yun, Ace. Saka ganyan talaga ang mga buntis. Kailangan sundin agad kung hindi buong araw kang sisimangutan." Natatawang sabi pa ni Tatay Joel.
"Ganun nga ho si Joella tay, kapag hindi agad nabibigay ang gusto." Nakangising sabi ko.
"Pagpapasensyahan mo na lang ang anak ko, Ace."
"Wala hong problema, tay. Pinaliwanag naman po sa akin ang tungkol doon ng doctor."
"O hayan na, pwede mo nang ilagay ang sabaw ng nilagang santol."
Sinunod ko na ang sinabi ni Tatay Joel. Kinuha ko ang salaan at nilagay na sa niluluto ang pinakuluan kong santol kanina. Hindi pa ako nakakatikim ng sinigang sa santol dahil ang lagi ko lang natitikman ay sinigang sa sampalok. Pero mukhang masarap din ang sinigang sa santol. Minsan pakiramdam ko naglilihi din ako. Dahil anomang gustong kainin ni Joella ay gusto ko ring kainin.
"Salamat ho, tay. Iuuwi ko na ho ito para makain na ni Joella. Si Jessa at Sonny ho doon muna sa bahay para malibang naman si Joella."
"Walang problema, Ace."
Lumabas na ako sa bahay ni Tatay Joel na kapitbahay lang namin dala ang kaserola. Ilang hakbang lang ang layo ng bahay nya sa bahay namin ni Joella. Dito na namin silang mag aama pinatira ni Joella sa village para may titingin sa dalawang bata habang nagtatrabaho si Tatay Joel sa kumpanya bilang company driver. Mabuti ay pumayag na sya. Mas safe dito sa village namin ang dalawang bata dahil may magbabantay habang nasa trabaho sya. Sa bahay muna tumatambay ang mga ito kapag walang pasok at binabantayan ng dalawa naming kasambahay. Kumuha na rin ako ng dalawang kasambahay para hindi na masyadong magkikilos si Joella. Tutol si Joella nung una pero pinayuhan sya ng doctor na hindi na sya pwedeng magpakapagod ng husto kaya pumayag an rin sya. Pumapasok pa rin sya sa school at active pa rin. Malapit na rin ang bakasyon nya kaya hindi na sya maaabutan ng kabuwanan sa school.
Pagpasok sa bahay ay naabutan ko si Joella na inaayusan ng buhok si Jessa habang si Sonny naman ay naglalaro ng truck nyang laruan sa couch.
"Babe, heto na ang sinigang sa santol mo." Untag ko sa asawa.
Tumingin sya sa akin at bahagya pang sumimangot. "Ang tagal mo. Nagkwentuhan pa kayo ni tatay, no?"
Kumamot ako sa batok. "Medyo. Nagkwentuhan lang kami tungkol sa mga asawang buntis. Binigyan lang nya ako ng mga tip."
BINABASA MO ANG
Can't Help Falling In Love With Sir Ace
Ficción GeneralHindi naniniwala si Joella sa true love. Para sa kanya hindi nag e-exist sa mundo ang true love. Dahil kung totoo ang true love bakit iniwan nang tatay nya ang nanay nya at sumama sa ibang babae. Namatay tuloy ang nanay nya sa sama nang loob. Kaya n...