Kabanata 12: Memory of A Dear Place

10 4 0
                                    

***

Natigilan si Ricardo sa paglalakad sa tahimik na hallway nang marinig ang nakabibighaning musika na nagmumula sa kung saan. Natulala siya nang ilang minuto sapagkat pamilyar sa kaniya ang himig. Kung hindi siya nagkakamali, isa iyon sa mga likha ni Franz Schubert, ang Ave Maria. At isa rin iyon sa mga paboritong tugtugin ng kaniyang yumaong asawa. Anong nagaganap? Muli bang nabuhay ang dati niyang kabiyak?

Dahil sa kuryosidad na malaman kung sino ang nagpapatugtog ng musikang iyon, nagpatuloy siya sa paglalakad at pumunta sa pinagmumulan ng tunog.

Pagkarating niya sa bulwagan, tila muli niyang nasilayan ang mukha ng kaniyang asawa. Tila muli silang nagkita... subalit ito ay isang ilusyon lamang. Hindi na magbabalik ang dating namatay na. Kilala niya ang babaeng tumutugtog sa lobby, ito ang babaeng bunga ng kaniyang pag-ibig sa dating asawa.

Sa bulwagang iyon, hindi lamang siya ang nanonood kina Lucita at Alexei habang tinutugtog ng dalawa ang kahalihalinang musika. Ang mga taong napadaan din doon ay tumigil upang panoorin sila.

Ang babae'y may kapayapaan sa mukha habang ikinikiskis ang kuwerdas ng biyolin at ang lalaking nagpipiyano ay nasa likuran lamang ngunit maiging sinusundan ang bawat tunog na nililikha ng babae. At sa isang iglap, binigyan nila ng kapayapaan ang paligid.

Hindi ba't sa ganito rin niyang paraan nakilala si Angelita? Una niyang nakita ang magandang dilag sa loob ng teatro. Umibig siya at tumugon naman ito. Biniyayaan sila ng Diyos ng isang anak. Payapa ang kanilang naging buhay subalit nasira dahil na rin sa kaniyang pagkakamali.

Kung ang babae ay may pangarap, siya rin ay mayroon.

Nais niyang maging kilalang journalist at makadayo sa iba't ibang panig ng mundo. Hindi pumayag ang kaniyang asawa, lalo pa't may isa na silang anak subalit hindi siya nakanig. Aniya, "Sayang ang pagkakataon. Kung may pangarap ka, may pangarap din ako."

Iniwan niya ang mag-ina para hanapin ang sariling pangarap. Isang kahangalan dahil pagkaalis niya ng bansa ay siya namang pagsisimula ng digmaan sa pagitan ng Japan at Pilipinas. Ilang buwan pa lamang ang lumipas niyon nang mabalitaan niyang binomba ng mga hapon ang Manila.

Sa kasawiang-palad ay naroon ang kaniyang asawa at anak. Nais niyang umuwi, subalit hindi siya pinayagan sa trabaho sapagkat delikado. Wala ring eroplano na dadaan sa Manila. Sino bang tanga ang pupunta sa bansang may digmaan?

Lumipas ang tatlong buwan nang makatanggap siya ng sulat mula sa kaniyang mga magulang. Nasa kanila raw si Lucita, ligtas ang kaniyang anak, subalit hindi nakaligtas si Angelita.

Nang umatake ang mga hapon sa Manila, isinakripisyo ni Angelita ang sarili upang masagip ang anak nito. Ang kwento sa kaniya noon ng mga magulang, ginahasa at pinaslang daw ng mga hapon si Angelita.

Nasaksihan din iyon ni Lucita na limang taong gulang pa lamang. Isusunod daw ng mga hapon ang bata kung hindi lamang dumating ang grupo ng mga sundalong guerrilla. Nasagip ang bata at nadala sa tahanan ng mga lolo at lola nito.

At nang malaman niya ang nangyari sa kaniyang mag-ina, hindi niya napigilan ang umiyak nang malakas.

Nang binomba ng Amerikano ang Hiroshima at Nagasaki, at lumagda ng kasunduan ang Japan government, umuwi siya sa Tubabao at hinanap ang kinalakihang tahanan. At pagkalipas ng tatlong taon ay muli niyang nakapiling si Lucita.

Pero ang trauma ng bata ay nanatili. Nauunawaan niya kung bakit galit ito sa mga dayuhan o kung bakit parati na lamang mainit ang ulo nito.

Tinatanggap niya ang sama ng loob ng anak. Hindi siya naging mabuting ama.

Lumipas ang mga panahon, at hindi naghilom ang sugat na dala ng digmaan. Hindi niya matanggap ang sinapit ni Angelita, ni wala silang bangkay na mapaglamayan. Kapag nakikita niya si Lucita, nakikita niya rin ang kaniyang asawa.

Hindi siya makahanap ng kasiyahan sa sariling lupain kaya bumalik siya sa Amerika upang makalimot.

At sa dayuhang bansa, saglit niyang kinalimutan sina Lucita at Angelita. Nais lamang niya ng panandaliang kaligayahan. Datapuwat ang dapat na saglit ay nagkaroon ng sabit.

Nabuntis niya ang isang babae at sa kamalasmalasan ay napikot pa siya. Hindi planado ang pagkapanganak ni Paulita.

Bakit niya iyon ginawa? Iniwan niya ang nag-iisang anak at nagpakasal sa ibang bansa.

Ang daming masalimuot na pangyayari nang gawin niya iyon. At dahil hindi seryoso ang kanilang relasyon ng pangalawang asawa kaya nangaliwa rin ito. Pinaglaban niya ang kustodiya ni Paulita bago siya bumalik sa Pilipinas. At mukhang wala rin namang balak ang babae na akuin pa ang bata.

Bumalik siya sa Pilipinas at muling nakipagkita kay Lucita. Sa panahon na ito, ganap nang dalagita ang anak at malaki ang pagkagalit sa buhay. Kasalanan niya.

At ngayon, nakikita niya ang anak na tumutugtog ng biyolin habang pinapalakpakan ng mga tao. Nakaramdam siya ng pagmamalaki sa puso subalit hindi siya karapa'tdapat. Dahil malaki ang pagkukulang niya bilang ama.

Hindi niya namalayan na tumutulo pala ang kaniyang luha habang nanonood sa anak. Tumalikod siya at bumalik sa sariling silid. Nagtago siya sa likod ng umpukan ng mga tao na parang naduduwag.

***

Nahihiyang ngumiti at nagyuko ng ulo si Lucita sa harap ng mga tao. Hindi niya namalayan na pinapanood na pala sila sa bulwagan. Ito ang unang beses na nagpakitang gilas siya sa harap ng iba. Gayunman, nakaramdam siya nang kasiyahan habang pinapalakpakan siya ng madla.

Pagkatapos ng pagsasanay ay bumalik si Lucita sa kaniyang silid, kabuntot naman niya sa likod si Alexei. Ang mga tao roon ay nagsibalikan na rin sa kaniya-kaniyang gawain.

Habang naglalakad sa pasilyo, nakatingin si Alexei sa scorebook ng kaniyang yumaong ina. "Who's Francisco Buencamino?" tanong nito sa kaniya nang makita ang mga notang binuo ng kompositor.

"I don't know him that much, all I know is that he's the teacher of Nicanor Abelardo," aniya na tumingin sa kausap. "You wanna try his composition, Ang Larawan?"

"Seems like... it's difficult to play."

"Ikaw pa!" wika ni Lucita na mukhang nakalimutang hindi marunong magtagalog ang kausap.

"If your mom also owns this piano score sheet, does she play piano too?"

Natahimik si Lucita sa tanong ng binata. Sa totoo lamang, wala siyang masyadong matandaan sa ina sapagkat binura niya halos lahat ng alaala rito. Masakit kasi kapag nagugunita niya ang nakaraan kaya ayaw din niyang pag-usapan.

"I guess so..." may lungkot ang kaniyang tinig.

"You know, it's kinda sad that people make masterpieces that will be forgotten after years." At mukha namang nakaramdam si Alexei kaya iniba na rin nito ang paksa nila. Isinara nito ang hawak na scorebook.

"But at least they experienced being appreciated. They left a remembrance in the world, and I believe that is enough." Muli siyang lumingon sa binata. "By the way, to participate in the audition, we must have at least three musical pieces. What if we choose a composition by Tchaikovsky?

"Oh, you mean the most famous Russian musician, Tchaikovsky?" bahagyang natawa si Alexei. "Okay then let's practice Op.42, No.3, Souvenir d'un lieu cher ."

"What the hell is that?" Kunot-noong baling niya rito dahil nagsalita sa ibang wika ang kasama.

"In English it's translated to, Memory of a Dear Place. It's a set of three pieces for violin and piano but let's just do the No.3," maikling paliwanag nito.

"Memory of a Dear Place, huh?" ibinulong niya sa sarili ang pangalan ng tugtuging binanggit nito. Mukhang tamang-tama ang napili nitong music score batay sa sitwasyon niya.

***

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 12 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

𝐻𝑦𝑚𝑛𝑠 𝑜𝑓 𝑇𝑢𝑏𝑎𝑏𝑎𝑜Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon