Kabanata 3 : Refugee Camp

45 8 0
                                    

Gawa sa bato ang mansyon at binubuo ito ng una't ikalawang palapag. Ayon sa kaniyang ama, namana pa raw nila ang bahay at lupang ito sa kanilang mga ninuno. Antique na ang mga gamit ngunit orihinal at matitibay. Sa unang palapag ay may opisina at isang guest room. Mayroon din parking lot para sa mga karwahe at tambakan ng farming supplies. At sa labas ay may lumang kuwadra na tahanan ng dalawang kabayo.

Sa ikalawang palapag naman ay may sala,  komedor, oratorio, azotea at apat na silid-tulugan. Sa bungad ng hagdanan,patungong ikalawang palapag, may mga naka-display na mga larawang ipininta pa ng mga sikat na pintor.

Dumiretso sina Lucita at Paulita sa hagdan. Umakyat sila sa ikalawang palapag at sa azotea, nakita nila ang kanilang ama. Kanina ay nagpaalam ito sa kanila na pupunta lamang sa palimbagan ng dyaryo kung saan ito nagtratrabaho bilang manunulat. Nahulaan nilang kauuwi pa lamang ng lalaki at maaaring nagpapahinga lamang nang kaunti.

Kasalukuyang nagkakape ito at sa lamesang katabi, nakalapag ang ashtray para sa tobacco.

"Papa, nakauwi na pala kayo." Lumapit si Lucita sa ama.

"Saan ba kayo nagpunta?" tanong nito at tumitig sa kaniya.

"Ah ... eh..." Hindi gustong sabihin ni Lucita ang totoo dahil pagagalitan siya ng ama kapag nalaman nitong inaway na naman niya ang nakababatang kapatid. Napasulyap siya kay Paulita na nakayuko lamang at malaki ang simangot sa mukha.

"Nagpunta kayo sa daungan ano?" Nanghula na lamang si Ricardo Garcia.

"Uhmm..." Hindi masagot ni Lucita ang tanong.

"Alam mo ba na nasa 5,000 o mahigit pang dayuhan ang darating ngayon," kaswal na sabi ng ama niya at humithit ng tobacco.

"5000?! Kaya pala halos mapuno na nila ang baybaying dagat!" sabi ni Lucita.

Natawa nang bahagya ang ama niya at tumingin sa kanya. "Nahuli kita ano? Nagpunta nga kayo roon."

Napasapo si Lucita sa bibig at mailap ang mga matang hindi pa rin makatugon.

Natawa na lamang ang ama. Inilapag nito ang tasa ng kape sa mesa, tumayo at lumapit kay Lucita. "Pasaway talaga kayo! Pero sana hindi kayo nag-away roon, ano?" Pinagkrus nito ang mga braso.

Nagkatinginan ang magkapatid pagkatapos ay inirapan ang isa't isa.

Lalo lamang natawa ang lalaki sa reaksyon ng mga anak. "Kailan ba kayong magkakasundong dalawa?"

Impossible. Sa isip ni Lucita pero hindi na niya sinabi. Nanahimik na lamang siya.

"Oo nga pala Lucita," pag-iiba bigla nito ng usapan.

"Ano po iyon?"

"Idaraos ang paligsahan sa pagtugtog ng biyolin ngayong taon. Hindi ba't nais mong makasali sa orchestra?"

"Ha?" napaawang ang bibig ni Lucita. "Kailan daw po, ama?"

"Wala pang eksaktong petsa pero kung gusto mo, hahanap tayo ng magiging maestro mo hangga't wala pa ang paligsahan."

"Sige papa! Ayos lamang sa 'kin." Nagningning ang mga mata ni Lucita dahil sa katuwaan.

"Kung ganoon ay gagawa ako ng mga paskil sa labasan at magpapalimbag tayo sa dyaryo," pangako nito ngunit naudlot ang sinasabi nang mag-ring ang rotary dial phone. Kaagad itong naglakad palapit doon at inangat ang handle.

Batay sa tono ng ama habang kausap ang nasa kabilang linya, nahulaan nilang trabaho na naman ang uunahin nito. Lihim silang nakaramdam ng kalungkutan.

Nang maibaba ni Ricardo ang telepono, lumapit dito ang bunsong anak.

"Are you leaving again, Papa?" Nakasimangot na tanong ni Paulita.

Pilit na ngumiti ang ama at hinawakan ito sa ulo. "I don't want to, but I have to." Pakatapos ay bumaling kay Lucita. "Both of you should behave, okay? Don't give your Nanay Pasing a hard time."

Napasimangot lamang si Lucita at nag-iwas ng tingin. "Ano pa bang magagawa ko?" Hindi na siya sinagot ng ama dahil nagmadali na itong bumaba ng hagdan. Narinig na lamang niya ang papaalis na yapak nito.

Mabait naman ang kanilang ama at alam nilang ginagawa nito ang lahat upang mabigyan sila ng marangyang buhay. Subalit inaamin nilang nais nila itong makasama. Wala na itong oras sa kanila at kahit sa araw ng pahinga, mas binibigyan nito ng atensyon ang trabaho.

Ngunit wala silang karapatan na magreklamo. Anak lamang sila... Isa pa, hindi naman sila minamaltrato at pinapabayaan nito. Sadyang gipit lamang ito sa oras.

Naiwan muli ang dalawang magkapatid na kapag nagtatama ang mga paningin ay sumasama ang hilatsa ng mukha. Napabuntong-hininga si Lucita at pumasok muli sa sariling kwarto. Sinundan ni Paulita ng tingin ang ate bago siya nagpalumbaba sa balkonahe.

***

Sa kasamaang palad, hindi alam ng mga Russians kung saan sila mananatili. Mukhang hindi napaghandaan ng mga tao sa isla ang pagdating ng mga refugees. Naroon pa rin sila sa buhanginan at halos magsiksikan. Naroon din si Alexei, ang lalaking bughaw ang mga mata na nakabangga ni Lucita sa dalampasigan. Halata sa mukha nito ang pag-aalala lalo pa't wala itong nauunawaan sa pag-uusap ng mga lokal na opisyales.

"Paano ba 'to?" nasabi ng isang opisyal. "Saan sila mananatili?"

"Pwede natin silang dalhin do'n sa abandonadong hospital," suhestyon ng isa.

"Magandang ideya 'yan. Gawin na lang kampo iyon," sabi ng pangalawa.

Ang hospital na tinutukoy nila ay itinayo pa ng mga sundalong amerikano na nanatili sa lugar, ngunit inabandonado ito at napabayaan dahil sa pagsisimula ng ikalawang digmaang pandaigdig.

Kaya naman kinausap ng mga Pilipinong opisyal ang mga dayuhan at sinabing doon na lamang sila magtatayo ng mga temporary tent. Pumayag naman ang mga Russians at sumunod sila sa mga Pilipino.

Pagdating ng mga refugees sa lugar, hindi nila inaasahan ang maaabutan.

What a terrible place to live! Giba na ang gusali, mukhang delikado na ring manatili pa roon. Matataas na ang mga damo at hindi maayos ang mga daan. Gayunman, ano pa ba ang magagawa nila? Ito ang ibinigay ng Diyos kaya sa ayaw man nila o gusto ay dito sila pansamantalang mananatili.

"Kailangan po nila ng mga gamit para makapagtayo ng kampo rito," suhestiyon ng kasamang opisyales.

"Mas mabuti pa nga. Pahiramin na lang natin sila ng mga panghukay at tent."

"Oo tama."

"Ang iba rito ay maiwan at ang iba ay humanap ng mga gamit. Mag-aanunsyo rin ako sa bayan kung sino ang gustong mag-donate sa kanila," sabi ng pinaka-pinuno. Pumayag naman ang lahat.

***

𝐻𝑦𝑚𝑛𝑠 𝑜𝑓 𝑇𝑢𝑏𝑎𝑏𝑎𝑜Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon