Kabanata 2: Welcome to Tubabao

69 8 0
                                    

"Im iroy!" Malutong na mura ni Lucita habang binabaybay niya ang kahabaan ng Camparang Beach upang hagulapin ang kapatid na umalis sa bahay. Ayaw pa rin niyang aminin sa sarili na siya rin ang may kasalanan kung bakit siya naghihirap ngayon.

"Agi!" Natigilan siya sa paglalakad nang may tumusok na kung ano sa kaniyang tsinelas. Sinuri niya ang talampakan at nakitang may matulis at maliit na batong bumaon sa kaniyang sapin sa paa.

"Pisteng yawa!" gigil na sambit niya na hinugot ang bato at hinagis sa kung saan.

Kunot-noong nagpatuloy siya sa paglalakad na animo'y may susuungin na labanan. Bawat hakbang niya ay mabibigat at nagdadabog. Tumatalsik ang mga buhangin sa tabing dagat kasabay ng mga yapak niya.

Wala sa huwisyo na sinunod niya ang utos kahit labag ito sa kaniyang kalooban. Para sa kaniya ay okay lamang kung tuluyan nang maglaho ang batang babae. Ngunit kung susundin niya ang damdamin at hindi maibalik si Paulita sa bahay, siguradong pupukpukin siya ni Nanay Pasing ng walis tambo.

Muli siyang napahinto sa paglalakad nang matanaw ang nasa unahan. Malapit sa Pier ng Manicani ay may isang barkong padaong. Saka lamang niya naalala ang artikulong sinulat ng kaniyang ama tungkol sa grupo ng mga dayuhang titira pansamantala sa bayan.

"Hindi kaya...." bulong niya sa sarili at naisip na maaaring doon nagtungo ang nakababatang kapatid.

***

Usad pagong ang paglapit ng barko. Kapansin-pansin ang kupas na kulay nito at kalawang na nakapalibot sa katawan. Pinagmamasdan ni Paulita ang unti-unting pag-urong ng malaking sasakyan upang mag-adjust at magkasya ito sa daungan.

Nakanganga siya habang pinapanood ang paglapit nito, hindi niya masukat sa pamamagitan ng mga maliliit na mga mata ang napakalaking barko na ngayo'y nakahinto na sa kaniyang harapan.

Hindi niya namalayan na umabot na ng tatlumpung minuto na nakatayo lamang siya sa Pier. Hinihintay niyang bumaba ang mga lulan ng malaking sasakyan. Sa main deck pa lamang ng barko ay kitang-kita na ang mga dayuhan na nakadungaw sa mga bintana.

Maya't maya pa ay lumabas sa sasakyang pandagat ang mga hagdan na dumugtong sa docked ng Manicani. Pinanood ni Paulita ang mga dayuhang bumababa sa barko daladala ang kaniya-kaniyang mga bagahe. May mga Pilipinong trabahador ng Pier ang tumulong sa mga ito na makababa nang matiwasay.

Napanganga at namangha si Paulita sa tangkad ng mga taong iyon. Kung ihahambing ang mga Russian sa mga Pilipino ay magmumukha lamang na unano ang huling binanggit.

Habang tumatagal ay padami nang padami ang mga dayuhang nakakaapak sa isla. Unti-unti nang nauubos ang mga lulang pasahero ng barko. Halos magsiksikan na ang mga ito sa dami at masakop nila ang buong espasyo ng daungan.

Tinitigan niya nang maigi ang mga itsura ng mga dayuhan at inihambing niya ito sa sarili. Nang suriin niya ang angkin kutis ay napagtanto niyang halos parehas lamang ang kulay ng kanilang mga balat. May napagtanto si Paulita sa sarili. Wala siyang pinagkaiba sa mga dayo. Isa rin siyang banyaga sa sariling bansa.

Naglakad siya palapit sa mga ito. Nagtungo siya sa gitna ng mga dayuhang naninibago sa tanawin. Wala ngang sumita sa kaniya o nakapansin. Hindi halata na hindi siya kabilang sa mga refugees.

***

Samantala, hinihingal na nakapadpad si Lucita sa daungan at naabutan niya ang magulong senaryo. Natigilan siya sa pag-usad upang pagmasdan muna ang angking katangkaran, kaputian at pagkakaiba ng anyo ng mga ito kumpara sa kaniya. Ngunit balisa ang itsura ng karamihan na para bang hindi nila alam kung anong gagawin doon.

𝐻𝑦𝑚𝑛𝑠 𝑜𝑓 𝑇𝑢𝑏𝑎𝑏𝑎𝑜Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon