Tulad ng nakagawian na, nag-inat si Barbara nang magmulat ng mga mata; pagkatapos ay kumunot ang kanyang noo. Kaninong silid ang kinaroroonan niya? Hindi iyon ang kanyang kuwarto. Very masculine ang motif! Akmang babangon siya nang mapansing wala siyang anumang saplot sa katawan!
Kinilabutan si Barbara. Sino ang huling nakasama niya nang nagdaang gabi? Si Dave Lorenzo, ang mahal niyang kaaway! Bilang sagot, nakaramdam siya ng pananakit sa punong katawan. Pingsamantalahan siya ng lalaki!
Natuon ang kanyang pansin sa pinto. May pumipihit ng seradura hanggang bumukas iyon. Pumasok si Dave na nakasuot ng sando at shorts. Ngumiti ito nang makita siyang gising na.
Sumikdo ang kanyang dibdib. Ngayon lang niya nakitang ngumiti ang lalaki. Ang guwapo-guwapo nitong tingnan, walang-kaparis ang ngiti at nakakabighani.
"Good morning." Naupo si Dave sa gilid ng kama at hinalikan siya sa pisngi. Muling nagwala ang kanyang puso. Pero nangibabaw ang kanyang pagkasuklam sa lalaki. Hindi nito nagawang iiwas ang pisngi nang umigkas ang kanyang palad.
"Hayup ka!" Pinagsusuntok niya ito sa dibdib. "Bakit mo nagawa ito sa akin? Pinagsamantalahan mo ako!" Hindi siya nagpakita ng kahinaan. Ni hindi siya umiyak.
Nagawang hawakan ni Dave ang kanyang mga kamay. Naging mabangis ang maamong mukha ng lalaki. Tila ito naging leon at siya naman ay tigre nang mga sandaling iyon.
"Hindi kita pinagsamantalahan," kontrolado ang tinig na sabi ni Dave. "Kusang isinuko mo ang iyong sarili sa akin," may-pagmamalaking sabi nito.
"Kailanma'y hindi ko pinangarap na ibigay sa iyo ang aking sarili. Isang kahangalan iyon. Pinuwersa mo ako! Idedemanda kita ng rape! Dito magtatapos ang buhay mo, pati na rin ang iniingatang pangalan ng pamilya ninyo!"
Humagalpak ng tawa si Dave na ikinagulat niya. Binitiwan ng lalaki ang kanyang mga kamay, pagkatapos ay lumapit sa player. May isinalang itong CD at tumingin sa kanya.
"Ang magpapatunay na hindi kita pinilit, Barbara." Iminuwestra nito ang TV.
Titig na titig si Barbara sa TV screen. Before her eyes, what transpired last night was being uncovered. She was aghast and bewildered! The woman she was seeing on the screen was burning with passion.
Ang kanyang tugon at ekspresyon habang nagma-make love sila ni Dave ay tangible and visible. Hindi siya makapaniwalang magagawa niya ang mga encouragement na iyon. She was so wanton.
"Sorry, pero ipinagkanulo mo ang iyong sarili. Nagpapatunay lang iyan ng pagiging babae mo, ang matinding pangangailangan mo na tanging ako lamang ang makakatighaw!"
"Bastard!" galit na galit na sigaw niya. "Ginawan mo ng paraan para madala ako sa kama mo."
"Ginusto mo ito. Napilitan lamang akong gawin ito sa iyo. Nakipaglaro ako sa gusto mo. Now, it's my time para hawakan ka sa leeg, Barbara. Ang una kong demand, iurong mo ang demanda laban sa Lorenzo Air, ngayong araw na ito mismo!"
"Hayup ka! Hindi ka marunong lumaban nang patas. Walanghiya ka..." Sa pagkakataong iyon, hindi na niya napigilan ang mapaluha. Naisahan siya ni Dave Lorenzo!
"I can destroy you easily now, Barbara." Halatang hindi ito nagbibiro. "With our sex video, susundin mo ang lahat ng gusto ko. At ito pa pala ang isa kong sorpresa sa iyo." Kinuha nito sa ibabaw ng TV ang apat na litratong Polaroid. "Pang-Playboy ang kuha ko, ano? Wala kang masabi?"
Bago pa niya mahawakan ang mga litrato, inilayo na ng lalaki ang mga iyon. Kung tuso siya, mas tuso ito, nababasa ang nasa isip niya.
"Souvenirs ko ang mga ito. Iyong CD na lang ang kunin mo, nakakopya na ako, eh." Inilagay ni Dave ang Polaroid pictures sa sobre at ipinasok sa isang safety vault. "Magbihis ka na. Mag-aalmusal na tayo."
Hindi na niya puwedeng kalabanin si Dave, hawak na siya nito sa leeg. Sunod-sunuran siya rito. Pero hanggang kailan? Hanggang kailan siya magiging robot sa taong kinamumuhian?
"Ano pa'ng hinihintay mo? 'Di ba sabi ko'y magbihis ka na?" Biglang gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Dave. "O, baka naman gusto mo pa ng isang bout?"
"Manyak." Kinuyom niya ang mga kamay.
"Paniniwala mo iyan. Tatanggapin ko ang mga salita mong iyan kung tayong dalawa lamang ang magkaharap. Pero ingat ka 'pag nasa pampublikong lugar tayo, isang pagkakamali mo lang ay pagsisisihan mo."
Binalot ni Barbara ng kumot ang kanyang kahubdan at kinuha ang damit na maayos na nakatupi sa ibabaw ng lampshade table. Mabigat ang mga hakbang na tinungo niya ang banyo na itinuro ni Dave.
Nag-shower siya, sinabon nang mabuti ang kanyang buong katawan. Gusto niyang alisin ang kamandag ni Dave Lorenzo, na sa pamamagitan man lang niyon ay gumaan ang kanyang pakiramdam.
Muling kumulo ang dugo ni Barbara nang lumabas ng banyo. Paano'y pinapanood ni Dave ang sex video. Napakagat-labi siya. Noon niya nakita ang camera sa isang kanto ng kisame, nakatutok sa kama. Sadya bang inilagay iyon ng lalaki dahil alam na sooner or later ay madadala siya nito sa sariling kama?
"Puwede bang patayin mo na iyan?" nahihiyang pakiusap niya.
Kaagad namang pinatay ni Dave ang player. "Halika na."
Sumunod siya sa lalaki. Halos malula siya sa tarik ng hagdan. Noon niya napagtanto, dinala siya ni Dave sa family house ng mga Lorenzo. Pulos antigo ang mga gamit sa spacious living room. At sa isang panig ng dingding, naroon ang family portrait ng mga Lorenzo.
Ang akala ni Barbara ay silang dalawa lamang ni Dave ang mag-aalmusal, pero ganoon na lamang ang kanyang gulat nang pagpasok nila sa dining room, naroon ang mga magulang at mga kapatid ni Dave.
"May bisita pala tayo," sabi ng isang kapatid ni Dave, pero hindi matandaan ni Barbara ang pangalan. "Oh, yeah, Barbara dela Fuerte, right?"
Pilit ang ngiting sumilay sa kanyang mga labi, saka marahang tumango. Kakutsaba kaya ni Dave ng mga ito?
"I would like you to meet my family, Barbara." Isa-isang ipinakilala ni Dave ang mga kapatid nito. Si Dean ang nagtanong sa kanya kanina. "Wala rito ang bunsong kapatid namin, nasa Japan, may show doon. And this is our loving mommy, Dolores Lorenzo." Itinuro nito ang matanda ngunit kagalang-galang na babae na nakangiti. "And last, our father, si Andrew Lorenzo. Dad, si Barbara dela Fuerte."
"Good morning." Yumuko siya nang bahagya, pero tunay na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. Tulad ni Mrs. Lorenzo, tunay na respetado ang matandang lalaki.
"Nice meeting you, hija. Maupo na kayo't kakain na tayo," yaya ni Mr. Lorenzo. "Mabuti naman at nahikayat ka ni Dave na dito magpalipas ng gabi."
"Siyanga pala, Dad, Mom, nakapagdesisyon na si Barbara na iurong ang isinampang kaso laban sa Lorenzo Air," wika ni Dave.
Napatingin ang matandang lalaki kay Barbara, kapagkuwan ay ngumiti. "Salamat naman kung ganoon, hija. Walang may gusto na mangyari ang kaguluhang iyon. But personally, ako na ang humihingi ng paumanhin sa ginawang pambabastos sa iyo ni Dave sa opisina. Nagkataon kasing mainit ang ulo niya nang mga panahong iyon."
"Dapat ho yatang si Dave ang humingi ng paumanhin, hindi kayo." Tinapunan niya ng tingin ang binata. Nasa tinig niya ang sarkasmo.
"Anyway, nangyari na iyon. Kalimutan na natin ang lahat," muling sabi ng matandang lalaki. "Sayang at hindi kompleto ang mga anak ko. Sana'y nakilala mo rin si Doel."
Ngayong kaharap na ni Barbara ang ibang mga kapatid ni Dave, hindi niya magawang pagkomparahin ang limang lalaki. Tama ang mga balita, stunning at dashing ang Lorenzo brothers. May mga personalidad na makaka-attract ng atensiyon ng mga babae.
Pinilit niyang kumain, kahit tila bumabara iyon sa kanyang lalamunan. Maliban kay Dave, pare-parehong nakabihis ang apat na lalaki at handa nang pumasok sa opisina.
Sino sa mga ito ang nakakaalam sa ginawa sa kanya ni Dave? Imposibleng ang mga magulang nito. Hindi iyon kukusintihin ng mag-asawa na sa tingin niya ay kapwa mabait.
Pagkatapos mag-almusal, dumeretso sila sa living room. Hindi sila nagtagal doon dahil isa-isa nang umalis ang mga nakababatang kapatid ni Dave. Nang wala na ang apat na kotseng sunod-sunod na lumabas mula sa malawak na bakuran, si Barbara naman ang nagpaalam na aalis na. Naroon din kasi ang kotse niya na katabi ng kotse ni Dave.
Naalala niya na sa kotse ng binata sila lumulan nang nagdaang gabi at naiwan sa hotel ang kanyang kotse. Ngayon ay nagtataka siya, sino ang nagdala ng kotse niya roon?
"Sana'y muli kang mapasyal dito sa amin, hija," sabi ni Mrs. Lorenzo.
"Welcome ka rito sa pamamahay namin, hija," dugtong ni Mr. Lorenzo. "Sa tingin ko nama'y kukulitin ka nitong si Dave na muling bumalik dito." Ngumiti ito nang makahulugan.
Sa pagkakataong iyon, walang halong kaplastikan na ngumiti si Barbara. Nagbeso-beso pa sila ng ginang bago pumanhik ang mag-asawa. Naiwan sila ni Dave sa labas ng bahay.
"Wala silang kaalam-alam na sa silid ko ikaw nagpalipas ng gabi," sabi ng binata. "Tungkol naman sa kotse mo, isa sa mga bellboy sa hotel ang naghatid niyan dito kagabi."
Hindi siya umimik. Hanggang ngayon, nasa kanyang puso at isip ang pagkamuhi sa taong ito. Pero tila nabunutan siya ng tinik sa dibdib nang mabatid na walang nakakaalam sino man sa mga kasambahay sa ginawang pambababoy ni Dave sa kanya.
"Makipagkita ka na sa iyong abogado at pumunta kayo sa korte para iurong ang isinampa mong demanda." Isang utos iyon mula sa tuso at makapangyarihang si Dave Lorenzo.
"Ang susi ng kotse ko?" Malamig ang trato niya nang balingan ang lalaki.
"Nagkakaintindihan ba tayo, Barbara?"
"Hindi ako bingi!" nagngangalit ang mga bagang na anas niya. "Inaasahan kong ito na ang huli nating pagkikita."
Ngumiti lamang si Dave, isang ngiting nagpalambot ng kanyang mga tuhod. Pagkatapos ay ibinigay nito sa kanya ang susi. Bago pa nakakilos, sinambilat siya nito sa baywang at hinalikan sa mga labi. When his tongue explored the recesses of her mouth, she was lost in the circle of her desire. Then she clung to him, surrendering to him.
Matagal na naglapat ang kanilang mga labi. Si Dave ang unang kumalas mula sa pagkakayakap sa kanya at mataman siyang pinakatitigan.
"You can go now, Barbara," he dismissed her.
Batid niya na pinamulahan siya ng mukha. Hiyang-hiya. Bakit ganoon? Bakit hindi niya mapaglabanan ang damdamin? Bakit tumitiklop ang kanyang mga tuhod sa lalaking ito?
Pagdating sa bahay ay muli siyang naligo. Nang matapos, humarap muna siya sa salamin, sinuri nang mabuti ang kanyang mukha. She looked radiant, beautiful. Hanggang nang mga sandaling iyon, damang-dama pa niya ang mapangahas na mga labi ni Dave sa kanyang mga labi.
Dumeretso siya sa opisina ni Atty. Legarda at ipinaalam na iuurong na niya ang demanda. Ngumiti ang abogado. Ibig sabihin niyon, natuwa rin ito sa kanyang desisyon.
"Tapos na ang battle of the decade," nakangiting sabi nito. "'Buti naman at nang manahimik na rin ang lahat. Kung hindi ko lang nakikitang masyado kang pressured sa kasong ito, hindi ko ipapayong makipag-negotiate ka sa kanila. Pero alam mo bang ito ang pinaka-sensationalized na kasong nahawakan ko?"
Ngumiti lamang si Barbara. Hindi niya puwedeng ipagtapat kay Atty. Legarda ang ginawang kahayupan sa kanya ni Dave. Nakakahiya at kahihiyan niya iyon. It was better keep it to herself.
TATLONG araw bago ipinaalam ni Barbara kay Mavie ang pag-urong niya ng demanda laban sa Lorenzo Air. Naroon silang dalawa sa condominium unit nito sa Makati.
"Magkano ang ibinayad nila sa iyo?"
"Wala."
Nanlaki ang mga mata ng kaibigan. "Akala ko ba'y handa ka nilang bayaran ng isang milyon?"
"Hindi ko naman kailangan ang pera nila, eh," tanging nasabi ni Barbara. Kahit kapatid na ang turingan nila sa isa't isa, hindi niya puwedeng sabihin kay Mavie ang pamba-blackmail ni Dave.
"Sana'y tinanggap mo."
"Mabuti na ito, nang matapos na ang lahat."
"Pero alam mo bang last night ay may ibinalita ang kalaban naming network na nakita kayo ni Dave na nag-date sa isa sa mga hotel na pag-aari nila?"
"Hindi 'yon date. Doon lang namin tinapos ang kaguluhan." Sigurado si Barbara na iyon na ang huling balitang maririnig ng mga tao tungkol sa kanila ni Dave.
"Kahit ano ang sabihin mo, date pa rin iyon," giit ni Mavie. "So, wala na pala kaming aabangang romansa sa pagitan ninyo ng guwapong si Dave?"
"Bakit? May romansa bang nabuo sa pagitan namin sa kainitan ng aming giyera?"
"Wala naman."
"Pakiusap lang, Mavie, huwag mo nang ibalita ang pag-urong ko ng demanda laban sa Lorenzo Air. Malilimutan din nila na nagsampa ako ng kaso laban sa naturang airline company."
"So, balik sa dati ang buhay?"
"Mas gusto ko nang tahimik na buhay kompara sa naranasan ko nitong mga nakalipas na araw. Hindi ko masasanayang mamuhay na halos binabantayan ang lahat ng aking galaw."
"Hindi ka lang kasi sanay. Pero hindi ka na ba kinontak ng mahal mong kaaway? Wala ba siyang planong ilabas ka? Imposible namang hindi niya napansin ang beauty mo."
Sa totoo lang, wala na siyang balita kay Dave mula nang manggaling sa bahay ng pamilya nito. Pero mabuti nga iyon, wala na siyang intensiyong makipagkita pa sa lalaki. Umabot na yata hanggang langit ang galit niya sa ginawa nito sa kanya.
"Iyon ang una't huling paglabas namin, Mavie. Imposible namang yayain niya akong lumabas gayong parehong mabigat ang dugo namin sa isa't isa."
NANG umuwi sa bahay, naabutan ni Barbara na ring nang ring ang telepono. Walang sumasagot dahil umuwi sa Batangas ang kanyang katulong at sa makalawa pa ang balik. Solong-solo niya ang bahay. Akmang sasagutin na niya ang telepono nang tumigil iyon sa pag-ring.
Naligo siya. Dahil nakapaghapunan na, minabuti niyang magpahinga. Pero kaiidlip pa lang niya nang muling tumunog ang telepono. Nayayamot na sinagot niya ang extension line sa kanyang silid.
"Hello?"
"You're home."
Hindi na niya kailangang magtanong kung sino ang caller. Sumikdo ang kanyang dibdib nang marinig ang boses ni Dave mula sa kabilang linya.
"Ngayon ka lang dumating?"
"Ano ang kailangan mo?"
"Wala. Natanggap na namin ang notice galing sa korte. Gusto ko lang magpasalamat."
"Iyon ang gusto mo, 'di ba?"
"Para sa ikatatahimik ng lahat."
"Kung ganoon, patahimikin mo na rin ako. I want you to erase that video and burn those pictures."
"Masyado ka namang apurada, eh."
"Nakuha mo na ang gusto mo sa akin, ano pa ang gusto mo?"
"Hindi pa ako nagsasawa sa iyo."
Nanikip ang dibdib ni Barbara nang marinig iyon. "Hayup ka talaga! Manggagamit!" Pinagbagsakan niya ito ng telepono. Nanginginig ang kalamnang napahiga siya sa kama.
Hindi agad siya dinalaw ng antok dahil galit ang umookupa sa isang panig ng kanyang utak. Kung ilang beses na pinatay niya si Dave sa kanyang isip. Kahit sa ganoon man lang ay gumaan ang kanyang dalahin sa dibdib.