"Ang galing mo palang sumayaw, Barbara," humihingal na sabi ni Blue, ang kanyang ka-date nang gabing iyon. Naroon sila sa Embassy. Kasama nila si Mavie at ang ka-date nitong striving actor na si Marvin na nakilala nila noong nakaraang linggo sa bago nilang hangout.
Si Blue Azarcon ay nagmula sa kilalang pamilya sa Kabikulan. Barkada nito ang aktor na ka-date ni Mavie. Guwapo ang binata, palangiti at masarap kausap. Sa katunayan ay standout ito sa lugar na pinuntahan nila. Lahat ng mga babaeng naroon nang gabing iyon ay naghahangad na makilala't makadaupang-palad si Blue.
Nagulat na lamang sila ni Mavie nang lumapit si Blue sa kanilang mesa. Kasama ng lalaki ang kaibigan. Nagpakilala ang mga ito sa kanila at niyaya silang sumayaw. Hindi na sila hiniwalayan ng dalawa. Kinuha ng mga ito pati phone numbers nila.
"Ikaw rin, eh," nakangiting sabi ni Barbara. Bumalik sila sa kanilang mga mesa samantalang nagpatuloy sa pagyugyog sina Mavie at Marvin. "Ang lambot pala ng katawan mo." Iyon ang kanilang unang labas.
"Puwede ko bang malaman ang address mo, Barbara?" tanong ni Blue pagkatapos uminom ng malamig na inumin.
"Bakit?" natatawang tanong niya. "Bibisitahin mo ako?"
"Binata ako, dalaga ka. Wala naman sigurong magagalit kung aakyat ako ng ligaw sa iyo, hindi ba?"
"Sa tingin mo, may magagalit ba?"
Nagkibit-balikat si Blue. "Hindi naman siguro magagalit ang rumored boyfriend mo."
"Sino?" Nagtaka si Barbara sa tinuran nito.
"Si Dave Lorenzo."
Saglit siyang natigilan. "Hindi ko akalaing mapaniwalain ka rin sa mga tsismis na walang katuturan," hindi kawasa'y sabi niya. Pero pagkarinig sa pangalan ng ex-lover, bigla niya itong naalala. Mag-iisang linggo nang wala siyang balita kay Dave. Hindi ito nangahas na kontakin siya. Pero ang masama niyon, kapag nag-iisa siya, lalo na sa gabi, naiisip niya ang binata. "Hindi ko boyfriend iyon."
Tumango-tango si Blue. "Eh, di wala palang magagalit sa akin 'pag nanligaw ako sa iyo," nakangiting sabi nito. "Paano 'yan, obligado ka nang ibigay sa akin ang address mo."
"Bakit? May gusto ka ba sa akin?" Wala namang masama kung magpaligaw siya sa lalaki. Mukha naman itong mabait at parang mapagkakatiwalaan.
"Hindi ba halata?" Ang sarap ngumiti ni Blue. Lantad ang pantay at mapuputing ngipin. "Frankly speaking, gusto kita. Bukod kasi sa taglay mong ganda, mabait ka't masarap kausap. Mayroon kang sense of humor. Hindi tulad ng iba riyan na nagpapa-class pero bimbo naman."
Hindi siya sumagot.
"Sa tingin mo ba'y may pag-asa ako sa iyo, Barbara?" Sumeryoso si Blue habang titig na titig sa kanya.
"Hindi ko masabi, Blue," sabi niya. "Pero bibigyan kita ng tsansang ligawan ako. Kilalanin nating mabuti ang isa't isa. Malay natin, matuklasan nating mahal pala natin ang isa't isa." Well, she was hoping na magugustuhan niya ang lalaki. "Just try your best to win my elusive heart."
"Gagawin ko ang lahat makamit lang ang matamis mong oo," nakangiti at optimistic na sabi ni Blue. Noon dumating sina Mavie at Marvin. Pawisan ang mga ito sa kasasayaw.
Nang pauwi na sina Barbara at Mavie, inurirat ni Barbara ang kaibigan.
"Sa wakas, langit na," nakangiting anas ni Mavie. "Tapos na ang ating pagha-hunting." Buhay na buhay ang tinig nito, parang nakalutang sa hangin. "Para ko nang nakikinita ang sarili ko na nakasuot ng virginal white gown."
Mukhang tulad ni Blue kay Barbara, nagpahiwatig din ng pagkakagusto si Marvin kay Mavie.
Nang makarating sila sa town house ay naligo si Barbara. Lagkit na lagkit ang kanyang pakiramdam. Napailing siya nang maalala si Blue. Sa tingin niya ay playboy at happy-go-lucky ang lalaki. Gayunpaman, kikilalanin niya itong mabuti. Baka naman magustuhan niya ito at mapagbago.
Naghahanap siya ng damit sa closet nang makita ang dalawang CD. Bigla niyang naisip si Dave. Hinahanap-hanap niya ang maaalab na halik ng binata, ang mga yakap, at mga mabangong hininga nito na kumikiliti sa kanyang leeg at pisngi.
Kumusta na kaya siya? Naaalala rin kaya niya ako ngayon? Bakit ba hanggang ngayon ay naiisip pa niya si Dave? Bakit parang naka-glue ang nakangiting mukha nito sa kanyang isipan?
Dala ang CD na lumapit si Barbara sa player at isinalang iyon. Pagkaraan lang ng ilang sandali, pinapanood na niya ang palabas kung saan sila ni Dave ang mga pangunahing bida. Titig na titig siya sa screen. Sinimulan siyang halikan ng lalaki sa paa paakyat sa kanyang hita, habang pabiling-biling siya sa kama, ninanamnam ang kakaibang sensasyon.
Kasunod niyon ay sinimulan siyang hubaran ng binata ng damit. Nang malantad ang kanyang mayayamang dibdib, pinagpala iyon ng mga labi nito. Niyakap niya ang ulo ni Dave. Ayaw niya itong patigilin sa ginagawa.
Napapailing na pinatay ni Barbara ang player, pagkatapos ay nahiga sa kama na si Dave ang laman ng isip. Ini-imagine na kasama niya ngayon ang binata, nasa kanyang tabi, at hinahalikan siya sa mga labi. Naglalakbay ang mga kamay nito sa kanyang buong katawan.
Nakatulog siya na si Dave ang nasa isip. Isang inspirasyon sa kanya ang binata. Ipinagpapasalamat niya na kahit paano ay naging bahagi siya ng buhay nito.
ISANG araw, nagulat si Barbara nang may nagpadala ng isang dosenang bulaklak. Ang sekretarya niya ang nagpasok niyon sa kanyang opisina.
"From a certain Blue Azarcon daw, sabi ng naghatid," anito na ipinasa sa kanya ang mga bulaklak. "Mukhang nanliligaw sa inyo, Ma'am," nakangiting sabi nito.
Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Barbara. Inamoy-amoy niya ang mga bulaklak. Nag-uumpisa nang manligaw si Blue. Determinado talaga itong mapasagot siya. Lihim siyang natuwa. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakatanggap ng bulaklak galing sa isang lalaki.
May kalakip na card ang bulaklak. Nanginginig ang kamay na kinuha iyon ni Barbara at binasa. Simply remembering you... Ang napakasimpleng mensahe lamang na iyon ni Blue ang nakasulat. Muling gumuhit ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi.
Pero bigla naman ang pagpasok ng mukha ni Dave sa kanyang isip. Parang ayaw nitong magpatalo kay Blue. Bakit hindi siya lubayan ng alaala ni Dave? Hanggang kailan siya makikipagtunggali sa alaala nito?
Bago tuluyang masira ang kanyang araw, itinuon ni Barbara ang pansin sa trabaho.
Iyon ang naging simula ng pagdating ng mga bulaklak sa kanyang opisina araw-araw. Pagsapit ng Sabado ng hapon, ginulat siya ni Blue nang walang-pasabing dumating ito sa kanyang bahay.
"Ang ganda-ganda mo ngayon."
"Dati naman akong maganda, ah. Tuloy ka." Nagpatiuna siya sa paglakad. "Upo ka, Blue."
Bago naupo ang binata, ibinigay nito ang pumpon ng mga bulaklak.
"Thank you. And thank you rin pala sa flowers na ipinadala mo sa opisina ko. Talagang resourceful ka, ano? Nalaman mo ang opisina ko."
"Naitanong ko lang kay Mavie," pagtatapat ni Blue na kampante sa pagkakaupo. "Nice place you have here." Nilibot nito ng tingin ang kabuuan ng sala. "You live here alone?"
Umiling si Barbara. "May kasama ako, katulong ko." Tinawag niya ang katulong at nagpahanda ng kanilang merienda. Nang wala na ito, muli niyang ibinaling ang atensiyon kay Blue. "Saan ka nga pala nagtatrabaho, Blue?" Gusto niya itong makilala nang mabuti.
"May travel agency ang pamilya namin dito sa Manila at ako ang nagma-manage ng mga iyon."
"May sangay na pala kung ganoon."
Tumango ito. "Ewan ko kung pamilyar ka sa Diamond Travel and Tours."
"Kayo ba ang may-ari niyon?" May sangay iyon na malapit lamang sa kanyang opisina. Hindi basta-basta ang nasabing travel agency. May pangalan na kasi at pinagkakatiwalaan ng mga biyahero.
Ngumiti si Blue nang marahil ay makitang na-impress siya. "Apat kaming magkakapatid at ako ang sumunod sa panganay naming nasa States. Ang sumunod ko pang mga kapatid ay puro mga babae. Dalawa kaming lalaki. Ang parents ko'y nasa Naga, abala sa iba naming negosyo."
Tumango-tango si Barbara. Noon nag-ring ang telepono. Kaagad siyang nag-excuse sa bisita para sagutin ang tawag. Lumapit siya sa mesitang kinaroroonan ng telepono. "Hello?"
Walang sumagot sa kabilang linya.
"Hello?" ulit niya.
Nakarinig siya ng pagtikhim.
"Hello?" Nagsimula nang bumangon ang inis sa kanyang dibdib.
"Kumusta ka na?"
Her heart went wild hearing his voice. Hindi na kailangang magpakilala ang nasa kabilang linya. Kahit matagal silang walang komunikasyon, hinding-hindi niya malilimutan ang tinig ni Dave; it reduced her to a blushing woman, kahit hindi ito nakikita.
Tila umurong ang kanyang dila. Wala siyang maapuhap na isagot sa simpleng katanungan ng binata. Patuloy na tila tinatambol ang kanyang dibdib. Tila natuwa ang kanyang puso nang marinig ang boses ni Dave.
"Barbara..." tila nahihirapang sambit nito mula sa kabilang linya.
Ibinaba niya ang phone receiver. Ayaw niyang makausap si Dave. Para ano? Ang muling sariwain ang nakaraan? Para lalo siyang pahirapan?
Binalikan niya si Blue. Nagtaka ito nang makita ang kanyang pagsimangot.
"Bakit? Sino ang tumawag?"
"Nang-iistorbo lang. Wala yatang magawa sa buhay niya ang tarantado." Muli siyang naupo paharap sa binata.
Tumango ito. "May gagawin ka ba mamayang gabi?"
"Wala naman. Bakit?"
"Yayayain sana kitang mag-dinner at mamasyal."
"Sige. Libre naman ako mamaya, eh."
Muling gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Blue.
"Kumusta ka na pala sa isinampa mong kaso laban sa Lorenzo Air? Wala na kasi akong nababalitaan."
Nagkibit-balikat si Barbara. "Huwag na nating pag-usapan iyon, Blue."
Wala na ngang naisusulat o naibabalita sa mga newspaper at TV station tungkol sa kaso o maging sa kanila ni Dave. Gayunpaman, kapag tinatanong ay hindi siya nagkokomento. Iniiwasan niya ang topic na tapos na.
Hindi naman iyon iginiit ni Blue. Marahil ay napansin nito ang kanyang tila panlalata kaya minabuting magpaalam na. Hindi naman niya ito pinigilan.
"I'll be here at seven tonight."
Nang makaalis na si Blue, napasalampak si Barbara ng upo sa sofa. Gusto niyang mabuwisit kay Dave. Nasira ang kanyang mood sa pakikiharap sa bisita dahil sa pagtawag ni Dave.
Akmang babalik na sa silid nang muling mag-ring ang telepono. Nag-atubili siya kung sasagutin iyon. Baka si Dave na naman ang tumatawag.
Nagpatuloy sa pag-ring ang telepono. Minabuti niyang sagutin na lang ang tawag. Pero naidalangin niya na sana ay hindi si Dave ang nasa kabilang linya.
"Barbara dela Fuerte's residence?" bungad niya nang iangat ang phone receiver.
"Si Dave ito."
Napahigpit ang pagkakahawak niya sa awditibo. Muli na namang sumikdo ang kanyang dibdib. "Puwede bang tigilan mo na ako? Nananahimik na ako. Huwag mo na akong guluhin, pakiusap," aniya, sabay bagsak ng phone receiver. Akma na siyang aalis nang muling tumunog ang telepono. Mabilis na muli niyang dinampot ang receiver at pasinghal na sumagot. "Hindi mo ba ako talaga titigilan?"
"Barbara?" Si Mavie ang nasa kabilang linya, na nagtaka nang marinig ang tinig niyang nanggagalaiti. "Ganyan ka na kung sumagot ng telepono? Sino ba ang bumubuwisit sa iyo?"
"W-wala. Wala," pagde-deny niya.
"C'mon..." Halatang ayaw nitong maniwala. "Para que pa't naging magkaibigan tayo kung paglilihiman mo ako, Barbara. Let me guess, si Dave ba?"
"Dalawang beses siyang tumawag." Napilitan siyang umamin.
Saglit na natahimik si Mavie sa kabilang linya. "Ano raw ang kailangan niya?"
"Ewan ko. Hindi ko alam," nahihirapang tugon niya. "Bakit kailangang guluhin pa niya ako, Mavie? Pilit ko na siyang kinakalimutan."
Muling natahimik ang kaibigan, parang may ina-analyze. "Nahihirapan ka, ano?" kapagkuwan ay sabi nito. "Labis kang nasaktan sa paghihiwalay ninyo, hindi ba?"
"Hindi ko dapat maramdaman ito, 'di ba? Pero bakit nahihirapan ako? Bakit lagi siyang laman ng isipan ko?" she lamented, on the brink of crying.
"Barbara..."
"Hindi ko siya dapat na iniisip. Hindi ako dapat na masaktan. Dapat pa nga akong matuwa at naghiwalay na ang aming landas. Hindi naman siya ganoon kaimportante para palagi kong maisip, hindi ba?" Now, the golden tears bubbled on her cheeks.
"As in gabi-gabi mo talaga siya naiisip?"
"Yes." Tila nahihirapan siyang aminin iyon. Pinahid niya ang kanyang mga luha, saka suminghot. "Kanina, when I heard his voice, para bang nasisiyahan akong hindi ko mawari."
"Then your heart fluttered?"
"Oo."
"Nami-miss mo ba siya?"
"Terribly. Gusto ko siyang makita't mayakap." Lumabas na ang labis na pangungulila niya kay Dave. "Bakit ganoon? Kapag kaharap ko siya ay galit na galit ako sa kanya? Pero kapag hindi ko naman siya nakikita ay hinahanap ko?"
"Ipinagkakanulo ka na ng tunay mong damdamin sa kanya, Barbara." May nahimigan siyang katuwaan sa boses ni Mavie. "Hindi na biro iyan. Masyado nang hubad ang puso mo."
Alam na niya ang tinutukoy ng kaibigan. Noon pa sumisiksik sa bahagi ng kanyang utak ang katotohanang iyon, pero binale-wala lamang niya. Ayaw niyang maniwala. Ayaw niyang tanggapin dahil kakatwa iyon sa kanyang paniniwala.
"Mahal mo siya, hindi ba?"
"Pero huli na ang lahat, Mavie."
"Pangit din iyong ikaw lang ang nagmamahal."
Pinatatag ni Barbara ang kanyang dibdib. Wala siyang mapagpipilian kundi ang limutin nang tuluyan si Dave. At least, nadiskubre niyang minahal niya ito kahit paano. Na may rason kung bakit hindi niya mapaglabanan ang maaalab na halik ng binata. Kung bakit ganoon na lang ang pagsuko niya ng kanyang katawan.
"Bakit ka nga pala napatawag?"
"Ibabalita ko kasing magde-date kami ni Marvin mamaya. Magdi-dinner daw kami at manonood ng sine. O, 'di ba, nakakatuwa? Naku, sa wakas, mahahalikan na rin ang mga labi kong uhaw."
Napahagikgik si Barbara, na very ironic dahil kani-kanina lang ay kaiiyak lamang niya. "Madilim sa loob ng sinehan. Samantalahin mo na ang pagkakataon. Don't be bashful."
Natapos ang pag-uusap nila ni Mavie na hindi niya nabanggit na magde-date din sila ni Blue. Mabuti na lang at may Blue na lilibang sa kanya habang nasa gitna siya ng pagdadalamhati.