3

69 2 0
                                    

Ipinakita sa mga balita sa TV ang pagtatalo nina Barbara at Dave sa parking area ng korte. Ngunit pinatungan ang binitiwang salita ng lalaki na "bitch" at ipinarinig nang buo ang karugtong ng sinabi nito. In-edit din ang pagtawag ni Barbara dito ng "asshole."
Hindi nakaligtas sa camera ang naging reaksiyon ni Barbara. Hindi niya inakalang from a distance ay kinukunan sila. Ipinakita rin ang pag-amin ni Dave na "in love" na ito sa kanya.
Ni wala man lang binanggit tungkol sa kasong isinampa ni Barbara laban sa Lorenzo Air. Tinutukang mabuti ang "love angle" sa kanilang dalawa ni Dave. Suyang-suya ang kanyang pakiramdam. Gusto niyang magwala. Maging ang kanyang pagtulog ay naapektuhan. Naroong magbasa siya ng magazine para antukin, makinig ng music; pero hindi nakatulong ang mga iyon.
At kung bakit naman tuksong pumasok sa kanyang balintataw ang guwapong mukha ni Dave. Sa kalikutan ng isip, nagawa niyang pangitiin ang lalaki. Gusto kasi niyang makita ang hitsura nito kapag nakangiti.
Wala siyang mapagtuunan ng pansin kaya si Dave ang napagbalingan ng kanyang isip. Tama ang mga ginamit na adjective sa pag-describe sa binata. Drop-dead gorgeous, dashing, at kung ano-ano pang magagandang adjective. Ang problema lang, masyado itong seryoso. Hindi man lang ngumingiti. Marunong kaya itong ngumiti? Or did he ever smile?
Maliban sa personal appearance ni Dave, isa sa flaws nito ay ang pagiging bastos. Masyado pang mayabang. Hindi ito ang tipo ng lalaking mamahalin ni Barbara. Hindi sila bagay at compatible.
Pero sa hinuha niya, mas guwapo si Dave kung palaging nakangiti. Problemado siguro ang ina ng lalaki nang isilang ito kaya masyadong seryoso. Kung sa katawan naman, sa tingin niya ay palaging nagwo-workout si Dave. Macho ito at sexy.
Nakatulog siya na si Dave ang laman ng isipan.
Kinabukasan, paggising ni Barbara si Dave pa rin ang laman ng kanyang isip ay napangiti siya.
Inutusan niya ang katulong na bumili ng mga diyaryo. Halos lahat ng pahayagan ay pinabili niya. Binasa niya lahat ng balita tungkol sa kanila ni Dave. Tulad ng TV, tinutukan ng mga taga-print media ang pilit na binubuong romansa sa pagitan nila ni Dave.
Habang pinagpipiyestahan ng mga mambabasa ang mga isinusulat ng reporters, itinuon naman ni Barbara ang pansin sa kanyang negosyo. Mabenta ang kanyang RTW sa States at Thailand. Halos buwan-buwan ay may shipment sila. Tumaas nang ilang porsiyento ang order sa dalawang bansa.
Ang kanyang boutique ay bumebenta naman. Mula nang maging laman sila ni Dave ng mga pahayagan at nang malamang si Barbara ang may-ari ng Clothing International Boutique ay dumami ang parokyano sa pag-aakalang makakadaupang-palad siya ng mga namimili roon.
"Talaga? Iniisip nilang tumatambay ako rito?" nakangiting tanong ni Barbara sa kanyang store manager. "Ang mabuti pa yata ay dito na lang ako para dumami ang ating mga suki." Napansin niya ang ilang customers nila na nakatingin sa kanila ni Brenda.
"Kita mo, o. Dito na nakatingin ang ilan sa ating customers. Namukhaan ka nila. Pero teka, guwapo ba talaga sa personal si Dave Lorenzo?"
"Guwapo." Kay dali niyang tinanggap ang katotohanang iyon. Hindi naiiba si Brenda sa ibang kabarong Eba na humahanga sa binata. "Pero bastos at walang-modo."
"Nabasa ko nga sa diyaryo. Pero kumusta na kayo?"
"Kumusta na kami?"
"Kung nag-uusap ba kayo?"
"Bakit naman ako makikipag-usap sa kanya? Para ano? Kung anuman ang mga nababasa mo sa diyaryo ay huwag na huwag mong paniwalaan. Pinapaasa lamang kayo ng mga iyon."
Ngumiti si Brenda. "Nakakatuwa, ano? Mina-match kayong dalawa at hinuhulaang wedding bells ang kahahantungan ninyo. Paano mo naman natatanggap ang transition na iyon ng balita? Napansin ko, mas binibigyan ng halaga ng mga reporter ang invisible love affair ninyo ni Dave Lorenzo."
"Nagkikibit-balikat lang ako. Hindi ko pinapansin ang mga sinusulat nilang iyon. Basta sa akin, tuloy ang laban sa Lorenzo Air at walang atrasan iyon kahit abutin pa ng matagal na panahon. Hayaan mo na silang maglubid ng romansa."
"Pero sa totoo lang, bagay kayo."
"Nino?" Kumunot ang noo ni Barbara.
"Ni Dave Lorenzo."
"Naku, isa ka pa. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko nang narinig iyan. Tell me, paano kami naging bagay ng hinayupak na iyon?"
"Una, pareho kayong intelihente, guwapo't maganda. Pangalawa, parehong successful at may-kaya sa buhay. At pangatlo, parehong matapang."
"Hindi iyon mga dahilan para magkatuluyan kami."
"Pero inamin na ni Dave na mahal ka niya."
"Naniwala ka naman? Palabas lang iyon ng tarantado."
"Pero kung sakaling ligawan ka niya, may tsansa ba siya?"
"Wala."
"Diosme. Ako lang ang ligawan n'on, hinding-hindi siya magdadalawang-salita," tila nangangarap na sabi ni Brenda na napatingin sa kawalan. "Siya kasi ang dream man ko."
Napangiti si Barbara. Hindi na siya nagtagal at pumasyal naman sa shop. Makahulugan ang mga ngiti ng kanyang mga trabahador. Napailing na lamang siya. Gayunpaman, hindi niya masisisi ang mga ito na kasama sa mga umaabang ng romansang balita tungkol sa kanila ni Dave.

ISANG gabi, nagulat si Barbara nang magkaroon siya ng panauhin—si Dave Lorenzo at ang abogado nitong si Atty. Mendez. Bumati ng "good evening" ang abogado nang makita siya, pero hindi man lang tumango o kumibo si Dave.
"What a surprise!" naisatinig niya. Ano ang kailangan ng mga ito? At paano nalaman ang kanyang tirahan? "Ano ho ba ang maipaglilingkod ko sa inyo, Attorney?" Binalingan niya ang abogado na parang hindi nag-e-exist si Dave.
Tumikhim muna ang abogado, pagkatapos ay tinapunan ng tingin ang kasamang walang kakibo-kibo. "As you can see, Miss dela Fuerte, apektado ang management ng Lorenzo Air. At isa pa, hindi sanay ang pamilya Lorenzo na araw-araw ay isa sa kapamilya nila ang pinag-uusapan ng madla. Hindi iyon gusto ng pamilya," panimulang sabi ng abogado.
"Bakit hindi n'yo na lang ako deretsahin, Attorney? Huwag na kayong magpaligoy-ligoy pa." Ngayon ay siya naman ang kinakabahan. Nakikipag-out-of-court settlement ba ang kalaban?
"Para matapos na ang lahat ng ito, handang magbayad ng kalahating milyon ang aking kliyente, iurong mo lang ang kasong isinampa mo. Ang negative effect ng mga balita ay nakakasira sa magandang reputasyon ng kanilang pamilya."
Hindi kaagad nakaimik si Barbara. Hindi niya inaasahang makikipag-areglo ang pamilya Lorenzo. Ang inaasahan niya, makipagbakbakan nang husto ang maimpluwensiyang pamilya laban sa kanya.
"Dala namin ang tseke." Inilabas ng abogado ang tseke mula sa dalang attaché case. "Walang may gusto ng nangyari, Miss dela Fuerte. Isang aksidente ang lahat."
Saglit siyang napatingin kay Dave Lorenzo na tila sinusuri ang kanyang bahay. "Sorry, Attorney, pero hayaan na lamang nating magdesisyon ang korte sa usaping ito." Wala siyang balak makipag-areglo. Wala nang atrasan ang inumpisahan niyang laban. "If you'll excuse me, oras na ng pamamahinga ko."
"Miss dela Fuerte, hindi por que nakikipag-areglo kami sa iyo ay tinatanggap naming matatalo kami," ani Dave na sa wakas ay nagsalita na rin. "Kung ako lang, walang atrasan ang laban. Desisyon ito ng mga magulang ko. Apektado sila sa mga naglalabasang negatibo."
"Kung ganoon, sabihin mo sa iyong mga magulang na huwag silang makialam dahil alam mo ang iyong ginagawa. That you're old enough to decide."
"Baka puwedeng pag-usapan natin ito nang maayos, Miss dela Fuerte," sambot ng abogado na tila nakaramdam ng tensiyon sa mainitang pagpapalitan nila ni Dave ng salita. "Pinoprotektahan lamang ng pamilya Lorenzo ang kanilang integridad."
"Dapat ay tine-train nilang mabuti ang kanilang mga empleyado sa Lorenzo Air, pati na rin ang kasama ninyo, Attorney. Malaking pera ang bigla na lang nawala sa kompanya ko dahil sa kapalpakan ng Lorenzo Air. Idagdag pang hiniya niya ako sa maraming tao."
"Ipinapaabot nga ng pamilya Lorenzo ang kanilang paumanhin, Miss dela Fuerte."
"Huli na. Puwede na kayong umalis."
Tumayo si Dave at naunang umalis. Tila hindi pa tapos sa pangungumbinsi ang abogado, pero bago ito muling makahirit ay tinungo ni Barbara ang pinto at tumayo siya roon. Napilitang tumayo si Atty. Mendez.
"Ipaabot mo sa pamilya Lorenzo na hindi kayang bilhin ng salapi ang desisyon ko. Goodnight." At nang makalabas ang abogado, isinara niya ang pinto.
Kaagad niyang tinawagan si Atty. Legarda at ikinuwento ang pagsulpot ng kalabang kampo.
"What? Nakipag-areglo sila?" Maging ito ay hindi rin makapaniwala. "Oh, my, hindi ko ito inaasahan."
"Pero tinanggihan ko."
"Magkano raw ang handa nilang ibayad?"
"Half a million." Idinugtong ni Barbara ang dahilan kung bakit nakikipag-areglo ang kalaban. "Pero tuloy ang laban. Walang atrasan. Inumpisahan ko na ito."
"Pero natitiyak kong hindi iyon ang una't huling pakikipag-usap nila sa iyo, hija. Asahan mo, babalik sila para silawin ka ng salapi. Pero hindi ko ipinapayong hindi mo pag-isipan ang kanilang offer. Ikaw rin kasi ang inaalala ko. Alam kong napepeste ka ng mga balitang naglalabasan tungkol sa nonexisting romance ninyo ni Mr. Lorenzo."
"Salamat sa concern ninyo, Attorney."
"Para na rin kasi kitang anak. Alam kong hindi mo naman talaga kailangan ang fifty million lawsuit na isinampa mo sa Lorenzo Air. Sobra-sobra ang perang iniwan sa iyo ng mga magulang mo. Hindi lamang ang iyong sarili ang ipinagtatanggol mo sa labang ito kundi pati na rin ang ibang inaapak-apakan." Family lawyer na nila si Atty. Legarda noon pa mang bata pa siya. "Ipinapakita mo lamang na hindi ka natatakot kahit kanino, lalo na sa maimpluwensiyang pamilya Lorenzo."
"Sige ho, pag-iisipan ko ang payo ninyo," nasabi ni Barbara at tinapos na ang kanilang pag-uusap. At sa pangalawang pagkakataon, nakatulog siya na si Dave Lorenzo ang laman ng kanyang isipan.

TAMA si Atty. Legarda, pagkalipas lang ng ilang araw, naging bisita na naman ni Barbara sina Dave at Atty. Mendez. Nang gabing iyon, ang binata na ang nagbukas ng usapin. Titig na titig ito sa kanya. Ni hindi man lang kumukurap.
"Isang milyong piso, iurong mo lang ang kaso." Tinanguan ng binata ang kasamang abogado. Inilabas naman ni Atty. Mendez ang tseke. "Para makasiguro kang hindi ka namin nais na isahan, puwede mo nang ipa-encash iyan bukas."
Hindi pa nakakapagdesisyon si Barbara tungkol sa pakikipag-areglong iyon ng kalaban. Lately ay abala siya sa kanyang kompanya. Hindi niya inakalang babalik kaagad ang dalawa.
"Kung inaalala mo ang pagkawala natin sa sirkulasyon, huwag kang mag-alala, bibigyan natin ng kaligayahan ang ating followers. Ituloy natin ang romansa."
Napakunot-noo siya. Kumulo na naman ang kanyang dugo. How dare he insinuated such thing? Ituloy nila ang romansa? Bakit? May romansa bang namumuo sa pagitan nila?
"I think you're talking to the wrong person, Mr. Lorenzo!" Contempt coated her words. "Wala ka talagang pinipiling lugar kung mambastos!" asik niya, gustong kalmutin ang lalaki, mantsahan ang guwapong pagmumukha nito na ilang gabi nang gumugulo sa kanyang isipan. "Maging dito sa pamamahay ko'y binabastos mo ako."
"Hindi kita binabastos, Miss dela Fuerte," kampanteng depensa ni Dave. "Napagtanto ko lang na baka iyon ang nagiging hadlang sa pakiusap namin."
"For your information, kailanman ay hindi ko inasam na ma-link ang pangalan ko sa iyo. At para makaalis na kayo, puwede n'yo nang dalhin ang tseke ninyo. Hindi ako makikipag-areglo sa inyo."
Tumayo si Dave. "Name your price!"
"How dare you! Lumayas na kayo sa pamamahay ko! Hindi n'yo ako kayang bilhin. Hindi ako nasisilaw sa pera ninyo. At kailanman ay hindi kita magugustuhan!" Bigla siyang natigilan sa huling sinabi. Huli na para i-retract iyon. "Puwede na kayong umalis. Tapos na ang sadya n'yo sa akin," mahinahon nang sabi niya.
"Shit!" paanas na sambit ni Dave na pinangunahan sa paglabas ng pinto ang kasamang abogado.
Kahit wala na ang dalawang bisita, naninikip pa rin ang dibdib ni Barbara. Naroon pa rin ang galit. Matagal-tagal na sandali rin ang nagdaan bago kumalma ang kanyang kalooban.

NANG sumunod na araw, nagsadya si Barbara sa opisina ni Atty. Legarda. Ipinagtapat niya rito ang muling pagsulpot ni Dave at ng abogado sa kanyang bahay nang nagdaang gabi.
"This time, they tried to offer me a million-peso settlement."
"Muli mong tinanggihan?"
Tumango siya. Pero sa totoo lang, silakbo lamang iyon ng kanyang galit. For the second time, nagmatigas siya. Inumpisahan kasi siya ni Dave ng pambabastos na nagpasiklab sa kanyang galit.
"Hindi ko pa kasi napag-isipan ang payo ninyo, Attorney. Hindi ko kasi akalaing babalik sila kaagad. Naging abala ako sa aking negosyo. Marami kaming PO."
"Tutal nandito ka na, ang maipapayo ko lang, gayong nakikipag-areglo sila, tanggapin mo na. Kaysa maghintay pa tayo ng mahabang panahon sa pakikipagtunggalian sa kanila. Isa pang rason kung bakit naipayo ko ito sa iyo ay dahil sa mga isinulat ng mga taga-press. Alam kong hindi mo gusto ang mga isinusulat nila."
"Sukang-suka ako."
"Tumiklop na ang defense nila. Pero hindi ibig sabihin n'on ay natatakot sila sa iyo. Alam kong gusto rin nilang matapos na ang lahat ng ito para manumbalik na sa normal ang lahat."
"Kung muli silang babalik, tatanggapin ko na ang offer nila," naisatinig ni Barbara. "Susundin ko ang payo ninyo, para sa ikatatahimik ng lahat." Isa pa, ayaw na ayaw na niyang makita si Dave na tuwing maiisip ay nagpapakulo ng kanyang dugo at nagpapalukso ng kanyang puso.
"Do that, hija, para matapos na ang problema mong ito. Alam ko namang nahihirapan ka, eh. Nape-pressure ka. To end all this baloney, accept their out-of-court settlement. Then it's over."
Tumango si Barbara. Pero bigla niyang naalala ang naging reaksiyon ni Dave nang huling pumunta sa kanila. "Paano kung hindi na sila muling bumalik para makipag-usap?"
"Kung gusto talaga nilang lagyan na ng tuldok ang kaguluhang ito, muli't muli silang makikipag-usap sa iyo para iurong mo na ang demanda. Pero teka, malapit na ang second hearing."
"Sana'y muli silang bumalik," nahiling niya pagkaraan ng ilang sandali. "Huwag na sanang umabot ng second hearing para matahimik na rin ako."
Nang pauwi na, napansin ni Barbara ang isang puting kotse na sumusunod. Kaagad na pumasok si Dave sa kanyang isip. At napagtanto niyang kotse nga iyon ng binata nang mabasa ang insignia ng sasakyan. Sinusundan siya ng lalaki?
Kinabahan siya. Bakit siya sinusundan ni Dave? May binabalak kaya itong masama sa kanya? Nakaramdam siya ng takot. Pero nang papasok na siya sa subdivision, umatras ang kotse at tumigil sa pagsunod.

Lorenzo Empire: Dave Andrew, The Barbaric Lover | PATT VALENTINOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon