Bumungad sa akin ang lamig na dulot ng aircon nang makapasok ako sa conference room kung saan ako naimbitahan.
Wala na akong klaseng papasukan para sa araw na ito kaya napagtanto kong paunlakan ang naging paanyaya. Magaan naman ang aura ng paligid, pero nababalot pa rin ako ng nakamamanghang kaba.
Nandito kaya siya?
Isang tapik ang naramdaman ko sa balikat ko.
“Bago ka?” Maaliwalas at malaking ngiti ang pinakawalan ng babaeng tumapik sa akin, matapos niyang itanong ang bagay na iyon.
Nakahinga ako nang malalim at nagawa ring ngumiti pabalik. “Opo… Ah, actually hindi pa ako member. Nag-aapply pa lang po for apprenticeship,” paliwanag ko. “Ipakikilala raw ako nung editor-in-chief, hindi ko po nakuha ‘yung pangalan niya eh.”
Inanyayahan niya akong umupo sa visitor mesh back chair na nasa tabi.
“You must be Aeshan? The only Grade 12 apprentice.” Naglahad siya ng kamay. She seems nice and welcoming. “Drop the po and opo. I am Linette Siquando, by the way, a sophomore.”
Tinanggap ko rin ang pakikipag-kamay niya. Nakita ko ang pagsingkit ng mata niya dahil sa mas lalong lumawak niyang ngiti.
Bumukas muli ang pinto ng conference room tanda na may bagong dating. Pumasok ang isang lalaki at hindi man lamang niya kami nagawang tignan.
Inilapag niya ang dalang mga folder sa harap namin. “Last na utos mo na ‘to, Lin,” aniya habang pinagpapantay ang mga folder.
Tinawanan ni Linette ang lalaki. Mukhang magkakilala sila. “Hindi mo naman ako matitiis kahit damihan ko pa ang utos sa‘yo.” Bahagyang tumawa ang babae. “You can’t resist my charms, can you?”
Saglit na napadpad ang paningin ng lalaki sa akin. Nagawa niya pa akong tignan mula ulo hanggang paa. That was rude!
Mukhang napansin ni Linette ang naging pagsusuplado sa akin ng lalaki kaya binali niya ang saglit na katahimikan.
“This is Aeshan Mikaela Cathedral. She will be the new member of the publication. Mukha siyang magaling ‘no? She's young pero magt-train na siya with us before she gets to her freshman year.”
Tumikhim ang lalaki matapos akong tignan muli nang panandalian. “Wala akong pake sa gawain ninyo. Not my thing.”
Lumabas na siya ng conference room matapos akong matahin. Nangingiting napailing na lamang ang babae.
“Masasanay ka rin kay Yuki lalo na kapag 1st year mo na. He's always here to annoy everyone.”
Tinanguan ko na lamang iyon.
Unti-unting nagdatingan ang mga tao. Nalaman ko na ang pangalan ng editor-in-chief na si Kuya Kyler.
Nakilala ko rin ang iba't ibang uri ng mga manunulat ng publikasyon gaya ng literary, entertainment, features, at sports writers. Maging ang mga layout artists, managing editor, at creative director ay present din.
Sa huli, nalaman kong associate editor pala si Linette, at alam kong marami akong matututunan sa kaniya.
Nagkaroon ako ng pagkakataon na ihayag ang sarili ko sa pamamagitan ng panel interview at nagkaroon din ng written exam kung saan ipinamalas ko kung anong kakayahan ang mayroon ako sa pagsulat.
Matapos ang medyo matagal nilang deliberasyon sa mga pinaggagawa ko, sinabi na rin nila agad ang resulta.
“We would like to officially welcome you to campus journalism,” anunsyo ni Kuya Kyler. “Actually matagal na kitang minamata, after mong manalo sa NSPC when you are in Grade 10. Nakilala rin kita dahil sa kuya mong si Walter. He spoke highly of you. That's why I am excited to collaborate with you. I hope you are, too.”