Chapter 2

0 0 0
                                    

Liana Amente

“Tay, bakit mo naman siya sinama rito?”

“Anak, hayaan mo na. Ayaw mo bang makita niya na maganda ang lugar natin?” Napakamot na lamang ako ng ulo.

Hindi naman namin kilala personally ang lalaki pero si itay, talagang inaya pa niya sa bahay namin!

“Itay naman, paano kung may masama ’yang balak sa lupa natin?”

Hindi naman sa pinag-iisipan ko siya ng masama. Ayaw ko lang ma-take advantage kami. Palagi na lang kasi ganoon ang nangyayari. Ending, mamimilit pala na ibenta namin sa kanila ang lupain.

“Anak, hindi naman yata siya ganoon. Tingnan mo, oh, tuwang-tuwa siya sa lugar natin. Kumukuha pa ng litrato!” Napailing na lamang ako kay itay at napabuntong-hininga.

“Anak, alam ko namang masama ang tingin mo sa mga mayayaman. Pero itong isang ito, mukhang hindi naman siya gano’n. Halatang bago lamang din siya rito kaya hayaan mo na, ha?” Napatango na lamang ako.

“Basta itay, huwag mo akong uutusan na igala ’yan dito dahil ikaw nag-aya riyan, kargo mo po ’yan,” sagot ko at ipinagpatuloy ang paghuhugas ng mga ginamit sa karenderya.

Natatawang ginulo ni itay ang buhok ko.

“O siya, sige na, ako na ang bahala sa kaniya.”

Naabutan kong nagkikwentuhan at tawanan si itay at Elzion sa labas ng bahay pagkatapos ko maghugas at ligpit ng pinaggamitan.

Hindi ko na sila inistorbo at kaagad na naghanda ng hapunan dahil mukhang dito pa balak kumain ng lalaking iyon.

“Itay, kakain na po!” Pagtawag ko mula sa loob ng kusina.

Maliit at barong-barong lamang ang bahay namin kaya mabilis lang nila akong maririnig.

“Papunta na 'nak!”

Tahimik lamang akong kumain habang patuloy pa rin sa kwentuhan si itay at Elzion.

“Elzion, hijo, sigurado ka bang hindi ka hahanapin sa inyo?” Paninigurado ni itay. Kaagad namang tumango si Elzion. “Yes ho,”

“Mabuti naman kung gano’n. Basta kung gusto mo bumisita sa amin, welcome na welcome ka rito.” Dagdag pa ni itay.

“tatandaan ko ho iyan.”

Pasimpleng tumaas ang kilay ko. Well, in-approach ko siya kanina dahil customer din iyon at sayang ang kikitain ko kung sakaling kakain siya sa karenderya.

Pero hindi ko alam na aabot kaagad sa ganito na iimbitahan siya ni itay na pumasyal sa amin.

Mula nang mamatay si inay, ayaw na ayaw kong may kung sino-sinong ang pumupunta rito sa amin. Hindi sa pagdadamot pero gusto kong protektahan lahat ng pinaghirapan ng magulang ko.

“Elzion...” mahinang tawag ko na kaagad niyang ikinalingon sa akin.

Uminom ako ng tubig at sinalubong ang kaniyang tingin.

“Taga Manila ka, ’di ba?”

Kaagad naman siyang tumango.

“Kumusta naman sa Manila? Puno na ba ng buildings?”

Marahan siyang tumango sa akin kaya tumango-tango rin ako.

“Ahh, kaya pala itong lupain na namin ang pinagtitripan ninyo.”

Mabilis na inabutan ni itay ng tubig si Elzion nang mabulunan ito.

“Liana! Hindi tamang pag-usapan ’yan sa harap ng hapagkainan. Bisita natin si Elzion, 'nak.” Natahimik na lamang ako.

Ang Mapangahas Mong PagsuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon