Elzion Bautista
Ngayong araw ko susunduin si Liana at tatay Dencio sa kanila. Bago iyon ay inayos ko muna ang lahat, ang condo ko, ang opisina ko, at sinabihan na rin si Andrew na mag-leave muna.
Hindi siya puwedeng makita ni Liana dahil paniguradong mahuhulaan kaagad nito kung ano ba talaga ang nangyayari.
"Ready na po ba kayo?" Nakangiting salubong ko kina Liana at tatay Dencio. May mga bitbit silang bag dahil sinabihan ko sila na kung maaari ay ilang araw sila manatili sa akin. Pumayag naman kaagad si 'tay Dencio at tanging si Liana lamang ang kumokontra kaya medyo natagalan kami sa pagdedesisyon.
"Ano pa nga ba?" Mataray na tugon ni Liana. Napilit na kasi siya ni 'tay Dencio kaya wala siyang magawa kung 'di ang pumayag na lamang din.
"Anak, magpasalamat na lamang tayo kay Elzion dahil kahit papaano ay makakagala at makakapagbakasyon tayo sa Manila. Pangarap mo 'yon, 'di ba?"
"Noon, no'ng buhay pa ang inay," sagot nito.
Nawalan pareho ng imik ang mag-ama kaya ako na ang bumagsak ng katahimikan nila. Kinuha ko ang bitbit na bag ni 'tay Dencio at Liana at ipinasok sa loob ng kotse.
"Siguraduhin mong worth it ang pagsasara ko ng karenderya." May pagbabantang wika ni Liana na siyang ikinangiti at ikinatango ko. Hindi ko maitatangging napakagandang dalaga niya. Maganda na siya kahit sa simpleng ayos niya. Kutis-porselana at namumula-mula pa ang kaniyang malambot at matambok na pisngi. Maliit ang kaniyang mukha at tama lamang ang kapal ng kaniyang kilay. Brown na brown ang kaniyang bilugang mga mata at may katangusan ang kaniyang ilong.
Ooh—crap!
I really love her heart-shaped lips!
Pagkarating namin sa Manila ay huminto muna kami sa isang malapit na restaurant. Paniguradong gutom na ang mag-ama at nahihiya na naman magsabi sa akin.
"Grabe, super dami na pala talagang buildings dito, ano?"
Nakatulalang wika ni Liana habang pinagmamasdan ang mga matataas na gusali. Marahan akong tumango habang inaalalayan si 'tay Dencio pababa ng sasakyan.
"Kaya pala yung amin naman ang balak nilang sirain, hays, mga tao nga naman. Imbes na mahalin ang kalikasan mas pinipili nilang sirain ito at palitan ng matataas na gusali kagaya niyan." Turo ni Liana sa isang building.
Hindi ako nakaimik. Pakiramdam ko kasi ako ang taong tinutukoy niya. Wala na akong pinagkaiba sa ibang sariling kapakanan lamang ang iniisip.
"Liana, anak, hindi tayo narito upang manghusga. Ang magagawa na lamang natin ay protektahan ang lupain natin laban sa mga mapang-abusong tao." Pagputol ni 'tan Dencio sa mga iniisip ni Liana.
Mariin akong napalunok. Sinubukan kong umilag sa mga pinagsasabi ni Liana.
"Alam niyo ho, gutom lang 'yan! Tara, masarap ang mga pagkain dito."
Inakay ko ang mag-ama papasok ng restaurant. Kaagad naman kaming binati ng guwardya at matamis naman itong nginitian ni Liana.
Napairap na lamang ako sa kawalan.
Pagkaabot sa akin ng menu ay kaagad kong pinapili sina 'tay Dencio at Liana.
Tahimik lamang akong nakikinig sa kwentuhan ng dalawa. Bakas ang saya sa mukha ni 'tay Dencio at may halong lungkot naman ang kay Liana.
"Kung sana buhay pa si inay, tatlo sana tayong narito ngayon."
Tinapik-tapik ni 'tay Dencio ang balikat ng kaniyang anak.
"Sigurado naman akong masaya si Amanda para sa atin at alam mo naman na gusto lang ng nanay mo na maging masaya ka—tayo palagi."
Nakaramdam ako ng pagkailang dahil sa usapan nilang dalawa. Kaya nagpaalam ako saglit na may kukuhanin sa counter.
“Sir, ito lang po ba?” tanong ng crew. Tumango ako at binuhat ang tray na may lamang ice cream at dinala sa table namin.
Kaagad namang nagningning ang mga mata ni Liana.
Liana Amante
Matapos namin kumain ay kaagad kaming dinala ni Elzion sa condo niya. Habang papasok kami ay kaagad kong napansin ang kaaliwalasan ng buong unit. Kakaunti lamang ang kagamitan at malawak ang espasyo sa loob.
“Ikaw lang mag-isa ang nakatira rito, hijo?” Hindi napigilang tanong ni itay. Tipid na ngumiti si Elzion habang pinapagpagan ang mga sofa.
“Nasaan pala ang mga magulang mo?”
Ramdam ko ang pagkailang ni Elzion sa mga tanong ni itay.
“Nasa work po. They have their own house po, kaniya-kaniya na po kami.” Magalang na sagot ng lalaki.
Pinalibot ko ang aking tingin sa kabuuan ng unit niya bago naupo.
"Ano po ang gusto ninyo? Juice or coffee?" Alok pa niya.
"Kahit tubig na lang ang akin, Elzion," sagot ko habang si itay naman ay gusto raw magkape.
Habang pinaghahanda kami ni Elzion ay hindi ko maiwasang mapatingin sa mga paintings na nakakabit sa wall. Wala man lang ni isang picture ng lalaki roon.
"Magmeryenda ho muna kayo. Dadalhin ko muna sa taas ang mga gamit n'yo." Tumango kami ni itay sa kaniya. Bago umakyat si Elzion ay binuksan niya ang isang malaking TV. Hindi namin maiwasang hindi mamangha ni itay.
"Ang yaman pala ni Elzion, ano?" komento ni itay. Hindi ako umimik at pinagmasdan pa ang palagid. "Siguro ay sobrang ganda ng trabaho n'ya."
"Basta itay, matuto ka rin tumanggi. Nakakahiya na masyado kay Elzion dahil halos sagot niya lahat ng gastusin natin dito." Pagpapaalala ko.
Inalok ko naman si Elzion ng bayad ngunit paulit-ulit niya akong tinanggihan. Nirarason niya palagi na siya ang nadala sa amin dito kaya sagutin daw niya kami ni itay.
Ilang minuto rin bago bumaba si Elzion at tumabi sa amin. Kaagad na nanuot sa ilong ko ang kaniyang pabango.
"Liana, puwede na kayong magpahinga ni 'tay Dencio sa taas kung gusto ninyo." Bulong ni Elzion sa akin. Parang may kuryenteng dumaloy sa buong katawan ko nang madikit siya sa akin.
Hindi ko siya magawang tingnan dahil sa kaniyang suot.
Nakasuot lamang siya ng maluwag na sando kaya naman lantad na lantad ang kaniyang pagiging maskulado.
"O—okay, sigurado namang hindi pa pagod si itay." Pasimple akong umusog upang hindi kami magdikit.
"Hahahaha," tawa ni itay habang nanonood ng telebisyon.
Ngayon ko na lamang ulit siya narinig tumawa ng gan'yan.
"Mukhang tuwang-tuwa si 'tay Dencio sa pinapanood niya..." Natatawang sabi ni Elzion sa akin. Ngumiti ako at tumango. Tahimik na pinagmasdan si itay.
"Salamat pala sa pagpapaayos ng tricycle ni itay, kung wala ka siguro naroon pa rin ang tricycle niya sa bayan at baka mas natagalan si itay makauwi. Grabe naman kasi si Aling Cora." Dismayadong wika ko. Sobra pa rin akong naiinis sa kaniya hanggang ngayon.
Paano na lamang kung may masasamang tao noong gabing iyon at napahamak ang tatay ko?
Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung nagkataon.
"Ang mahalaga ligtas ang tatay mo. Hayaan mo na 'yon, babalik din sa kanila ang masamang ginawa nila sa inyo ng tatay mo."
Tumango ako.
"Tama ka, Elzion, babalik din sa mga taong iyon ang masama nilang ginawa sa amin. Isama na rin 'yong mga mayayamang balak na kumuha ng lupain namin." May diin ang bawat salitang binitawan ko.
Balang-araw ay maiisip din nila ang mga maling ginagawa nila. Ang maling paggamit ng kakayahan nila.
"Yeah," tipid na sagot ni Elzion sa akin sabay iwas ng tingin.
Sa tuwing tititigan ko si Elzion, kumakalma ako. Hindi ko alam pero may parte sa akin na parang nakokonsensiya na ako kakasabi ng masasakit na salita tungkol sa mga mayayaman.
Alam kong iba si Elzion. Labas naman siya sa mga taong gustong umabuso sa amin. Labas siya sa kung anong kinahaharap namin sa aming lupain.
BINABASA MO ANG
Ang Mapangahas Mong Pagsuyo
RomanceMagmula nang mamatay ang ina ni Liana Amante ay ipinangako niya sa kaniyang sarili na poprotektahan niya ang kanilang lupain laban sa mga mayayamang abusado na nagtatanakang ito ay kuhanin at bilhin mula sa pangangalaga ng kaniyang ama. Kaya nang ma...