Agad na pinulot ng apatnapung taong gulang na si Michael ang nadaanang flashlight sa isang parte ng kanilang lugar papunta sa kanyang bahay. Nakauwi narin siya sa wakas matapos ang isang linggong pagbabakasyon. Binati siya ng mga kapitbahay at iilang mga kaibigang nagkukumpulan sa may eskinita. Agad na nagpang-abot ang kanyang mga kilay. Nagtataka kung bakit may itinayong tent at may maraming tao sa harapan ng bahay nina Aling Doring.
Inimbita siya ng nakasalubong na kababata na si Andrei na magpunta sa lamay ni Teresa mamayang gabi. Biglang nanlamig ang kanyang buong katawan. Ipinaliwanag ng kaibigan ang nangyari. Tumakas daw isang gabi ang dalagita. May humarang daw rito at ginahasa nang walang habas. Nang hindi pa makontento ay pinagsasasaksak pa raw ito.
Nanghihinang napaupo si Michael sa sala ng kanyang bahay. Napansin niya ang hawak na flashlight na napulot sa daanan kanina. Iyon ay ang flashlight na iniregalo niya kay Teresa noong nakaraang kaarawan nito. Iyon ay ang flashlight na gamit nito nang umalis ito ng bahay upang makipagkita sa kasintahan nito. Iyon ay ang flashlight na hawak nito nang makipaghiwalay ito sa kanya ng gabing iyon. Iyon ay ang flashlight na nabitiwan nito mula sa kakatakbo habang habul-habol niya ito ng kutsilyo nang mapag-alaman niyang may iba na pala itong minamahal at matagal na siyang pinagtataksilan nito.
BINABASA MO ANG
Playlist ni Kamatayan
TerrorHi! Ako nga pala si Kamatayan. Oo, ‘yong kinakatakutan ninyong lahat dahil dala-dala kong karet. Pero huwag kayong maniwala sa mga walang kwentang kwentong ‘yon. Hindi naman talaga karet ang dala ko kung hindi iphone at headset. Ang sosyal ko no? Aw...