Aba'y walang tututol kung sasabihin kong kakaiba ang ating lahi.
Hindi lang dahil sa namumukod tangi ang ilang paglalarawan sa atin ng ibang lahi kundi dahil na rin ito sa mga kakaibang gimik, paandar at pakulo ng marami sa ating mga kababayan. Marami kumbaga ang mga aspiring stars na gagawin ang lahat makuha lang ang libo-libong likes at reviews ng kanilang mga pagpapakitang gilas sa iba't ibang larangan.
Ang isa pa ay mayaman tayo sa mga kuwento na lalong nagbibigay ng deskripsyon sa kalagayan ng lipunang Pilipino. Napupulot natin ang mga ito kahit saan, mula sa ilalim ng imburnal sa Quiapo hanggang sa pinakatuktok ng PBCom Tower sa Makati at minsan kahit na nasa Timbuktu ang ating kababayan ay kaya pa niyang ibato ang mga kaganapan doon live via satellite!
At minsan, gaya ko, nakukuha ko ang mga kuwentong buhay sa loob mismo ng dyip.
Maraming mga alamat, pabula, mga kuwentong bayan ang nagbibigay-kulay sa ating pagka-Pilipino. Sa mga akdang ito sa ating sariling panitikan ay masasalamin ang kultura at tradisyon na tatak na ng ating pagkatao at nagiging tanda ng ating pagkakakilanlan bilang lahi. Yaong ang taguri eh mga pihikan at may discriminate na panlasa at nagtataguyod sa mas malalalim (mas malalim pa sa balon) na pagdulog sa panitikang hindi naman maiiwasang mag-evolve sa paglipas ng panahon na kinabibilangan ng mga dakila at mga premyadong makata, manunulat, kritiko at mga purista na klasiko ang pananaw sa pagpili sa mga pinakamagagandang obra, siyempre eh, nagtataguyod ng mga pinakamalilinis, pulido, mainam at dalisay na mga obra na karaniwang bumebenta sa mga pinakahenyo at sa mga may malalim na pang-unawa at panlasa sa kung ano ang dapat na tawaging panitikang Pilipino. At minsan ang mga mumunting salitaan gaya nito, na minsan ay humihiwalay sa kung ano ang kinagisnan, yaong sumusunod sa kung ano ang may koneksyon sa bituka at kiliti ni Juan ay inilalagay lamang sa isang pedestal na hindi dinadakila kundi tinatapakan upang lalo pang itaas ang ipinaglalabang kumbensyon sa pagbuo ng mga berso o diyalogo at istrukturang siyang nagbibigay ningning sa anila'y dapat na mabatid ng mga nangangarap maglaro ng mga titik sa anumang plataporma ng komunikasyong pasulat. Ito naman ay hindi ko tinututulan ni inaayunan. Ang sa akin lang ay mailahad ko ang mga larawan ng totoong buhay ni Juan gamit ang mga salitang buhay, malinaw at may puwersang bumubukas sa bintana ng kanyang kaluluwa upang mas maunawaan niya ang kanyang paligid, ang kanyang daigdig, ang kanyang pagkatao. Ito naman eh esensya ng tunay na kalayaan ng tao na maipahayag ang kanyang nakikita sa isang pamamaraang demokratiko ngunit hindi rin nawawala ang katangiang estitiko at siyempre, may konek sa buhay ng isandaang milyong Juan dela Cruz, gaya mo.
Maliban sa pagkain ng balut, pagsa-shopping sa Divisoria, pagpapahula sa mga fortune tellers sa Quiapo, paniniwala sa kung ano-anong mga anik-anik, pagdidiskubre ng mga bagay na sinasabing "only in the Philippines" gaya ng pusang tumatahol at asong nagsu-zumba, maraming gimik ang mga Pinoy. Minsan ay creative din ang serbisyo ng ilang establisyemento, gaya ng pagpaparenta ng ataul na may aircon at kulang na lang ay lagyan na rin ng wifi sa loob nito.
Ngunit ang isa pang pinakasinasabing paglalarawan sa ating mga Pinoy ay ang pagiging mananakay natin sa dyip. Wala naman kasing choice. Marami sa atin ang walang kotse. Mahirap ang buhay. Kung mayroon mang maraming sasakyan, malamang kabilang sila sa filthy rich sa bansa, yaong nasa tuktok ng tatsulok na bumubuo ng limang bahagdan ng ating populasyon, mga pulitiko at negosyante. Siyempre mayroon din ang mga media-clase na may maayos na trabaho at sumusuweldo nang sapat para may panghulog sa kotse, kahit second hand, at ang ilang mga carnapper sa bansa ang may prebelihiyo sa ganitong katayuan.
Ngunit karamihan ay...nganga. Ayun. Tagaktak ang pawis sa loob ng dyip.
Hindi ka raw Pilipino kung hindi ka pa nakasasakay sa dyip. Siyempre, konsuwelo de bobo na lang ito para sa ilang nagsa-sourgraping dahil hindi makabili kahit model '70 na Toyota. Ang totoo, wala naman sigurong magsasabi na Pilipino ang isang dayuhan basta siya ay sumakay ng dyip o kaya ay lahatin na hindi Pilipino ang narito sa Pilipinas na hindi pa nakasasakay sa dyip dahil sila ay may cadillac. Laking kababawan naman kung magkaganoon.
Ngunit magkaganoon pa man, ang dyip, sa aminin man natin o hindi ay kasama sa mga bagay na sadyang atin. At dahil tayo lang ang may ganito, nagiging tatak na ito ng kung ano tayo bilang lahi.
Bilang "hari ng kalsada", ang dyip ay saksi sa mga kuwentong minsan ay puno ng aral, minsan naman ay wala ni kaunting moral. Bilang mga pasahero ng pinakapopular na moda ng transportasyon, tayo ay nagkaroon ng mga katangi-tanging "jeepney fiber" at "jeepney spirit" na dumadaloy sa ating mga ugat bilang tatak ng ating pagkatao. Sa mahigit isandaang milyong Pilipino sa kasalukuyan, aba'y late ka sa trending at mga hashtags topics kung hindi mo naririnig sa loob ng dyip ang mga kuwentong bumubuo sa maghapon ng mga Pilipino, lalo na ng masa na karaniwang pasahero ng masasabing pambansang sasakyan ng masang Pinoy.
Noon pa man ay sumikat na ang galing ng mga Pilipino sa pagbuo ng sasakyang tinatawag ngayong dyip. Kasabay halos nito ang pagkakabuo ng mga makulay na historyang nabuo sa loob ng dyip. May pagkamakasaysayan kasi ang mga kuwentong nabuo rito, lalo't si ganoon pala ay dating ganoon, o kaya si ganoon pala ay ginanoon ni ganon. Ang masaklap, iyong kagaganoon nila, sila ay ginanon ni ganon.
Hindi mo aakalain na sa mga tira-tirang sasakyang iniwan ng mga sundalong Amerikano sa bansa ay mabibigyang buhay ni Juan ang isang obra sa kalsada na siyang maghahabi ng mga bagong kuwento ng mga karakter sa kanyang bayan. At dito nga sa loob ng dyip ay nabuo ang mga tsismis na bahagi ng kasaysayan o ng mga kuwentong bunga lang ng mga malilikot na imahinasyon ng mga reyna at hari ng tsismis na ang tanging hangad ay magpalipas oras sa pagkakatengga sa napakahabang oras ng trapik sa maraming dako ng bansa. Sa kawalang pag-asa ay hinahayaan ng ilan na dalhin nila ang kanilang problema sa loob ng dyip, mag- inarte sa loob nito, at pagkatapos ay bumaba sa dyip nang magaan ang pakiramdam, paano'y sa loob mismo ng dyip ay mapapansin nilang hindi lang pala sila ang may pinakamabigat na suliranin sa mundo. Kung titingnan nila ang hindi kukulangin sa dalawampung pasahero ng dyip kabilang na ang drayber na may nakahandang tubo o kutsilyo sakaling may mangholdap, marerealize nila na ang problema pala nila ay higit na magaan kung ikukumpara sa katapat nilang ale na nagkikikisay sa epilepsy o sa isang mama sa dulo na nakayapak at nanlilimahid sa maghapong pangangalakal sa kung saang bahagi ng lungsod. Kumbaga, makikita nila ang kabuuan ng daigdig sa loob ng dyip-daigdig ng mga Pilipino na makulay, masalimuot at may malalim na pinag-uugatan ang kasiyahan, kalungkutan, kapighatian, kamalasan o maging kababawan.
Kasingkulay ng dyip ang daigdig ni Juan.
Minsan ito ay matingkad gaya ng mga maskarang nakadisenyo sa katawan ng dyip. Mayroon pa ngang tugtog na malakas pa kaysa busina o sa mga ingay sa kalsada. Ang sarap kaya sa tainga ng Pusong Bato na sinasabayan pa ng mamang sintunado. Minsan ay nagbabagong anyo- may aircon at mukhang grandiyoso, kahit na ang gulong ay pudpod na at ang manibela ay isinalpak na manibela ng Toyota. Ngunit madalas, ang mga dyip na lumilipad sa mga kalyehon ay yaong kakarag-karag, na sa kaunting lubak ay halos tumitimbuwang at pati kaluluwa ng mga pasahero ay humihiwalay sa pisikal nilang katawan. Marahil ito ay sumisimbolo sa gumigiwang at nanghihinang katawan ni Juan, ng ekonomiya, politika, negosyo at iba pang bagay sa kanyang daigdig.
At sa akdang ito na may temang hindi mo iisiping nasa loob ng mga dyip sa mga kalsada sa Pilipinas ay makikilala mo ang iyong sarili, ang kapwa mo Pinoy, bata man o matanda, makabago man o konserbatibo, makamundo man o maka-Diyos, makalupa, makahayop o makatao man, makulay o walang kinang, mayaman man o mahirap, matalino o mangmang, nakakurbata ka man o nakatsinelas, naka t-back man o nakahapislip (half-slip), naka jogger man o nakaboxer, naka eyeliner man o ahit ang kilay, may ngipin man o iisa na lang ang bagang, taga UP, Ateneo o University of the Barangay, taga Balic -balic man o Forbes, kamag-anak man ng sinasabing may pakana ng masaker sa Kamindanawan o deboto nina San Pablo't San Juan, magnanakaw man o mapagbigay, maitim man o maputi, makinis man o mapimples, amoy putok man o cologne, mataba man o buto-buto, nagde-date man sa mall o sementeryo, naka hummer man o dyip sa pagpasok sa trabaho, pabebe man o mukhang santo, nasa depressed area man o nasa mansiyon sa subdibisyong eksklusibo, ang mga kwentong ito ay para sa inyo, para sa masang mananakay ng dyip o kaya sa dating mayaman na inagawan ng kapalaran ng kinagisnang karangyaan, o ng mayayamang gusto lang i-try ang happenings sa loob ng dyip, upang masaksihan sa pananaw ng isang "eye witness" ang mga istorya, tsismis, kasaysayan at kuwentong maaaring totoo o gawa-gawa lang ng mga nababagabag na mga pasahero.
Sino ka? Sino ang katabi mo?
Nilalaman
(Maraming chapter ito kasi nga, araw- araw eh may bagong pasahero. Malay mo bukas, ikaw naman ang laman ng kwento ko.)
BINABASA MO ANG
Juan's World Is Juan Jeepney
SonstigesJuan's World Is Juan Jeepney (istorya atbp. sa loob ng dyip) Maraming kuwento sa bayang ito. Ang ilan ay kathang isip, ang ilan ay katotohanan. Ngunit marami eh walang kabuluhan. Nagkakaroon lang ng kahulugan kung ang konteksto eh akademiko o an...