I- Ang Pabebe
(Kasabihang kasinggasgas at kasingpudpod ng gulong ng dyip na biyaheng Alabang-Pasay Rotonda: " Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan")
Napapailing ang katapat kong ale dahil ang mga katabi niyang kabataan ay wagas kung makanguso at hindi mo aakalaing may nabubuhay palang mga nilalang na walang ginawa kundi ang magselfie-kahit na sa mainit at siksikang dyip. Biyaheng Alabang ang dyip buhat sa Pasay Rotonda bandang alas sais ng gabi. Karamihan ay galing sa trabaho at sa eskwela. May mangilan- ngilang ding galing marahil sa probinsiya, dahil sa mga kahon, tandang na sasabungin na nasa bayong na may butas at mga dahon-dahon ng kung ano-anong gulay ang sumusungaw sa isang berdeng SM bag ang kandong ng babaeng may kandong ding batang dumedede sa kanya. Itong katabi ko ay malagkit, nangungulatim ang suot na damit at may kaunting grasa pa ang kamay. Ayaw kong isiping isa siyang carnapper. Masama ang ganoon. Puwede ko namang isipin na nakakita siya ng isang kotseng nakaparada, tinanggal niya ang gulong at ipinagbili ito sa talyer. Hindi rin tama. Seriously, isa siyang mekaniko. Halata naman. Sa harap ko ay isang ale, marahil nagsimba sa Baclaran. Sa kanan ng babae ay tatlong kabataang babae na sa pagsakay pa lamang ay aakalain mong nabili nila ang dyip dahil sa sobrang ingay at kabebehan. Pabebe ang tawag ng mga makabagong kabataan sa mga nilalang, anuman ang edad at kasarian na walang ginawa sa buhay kundi ang mag-inarte at magpakalat ng kacheesy-han o pagpapacute sa harap ng camera, celfone o kahit sa madlang pipol. Hindi naman into isang uri ng sakit o isang bagay na sukat dapat husgahang kahalay-halay o kahindik-hindik. Isa lang marahil ito sa sinasabi ng mga sikologo at sosyolohista na social change na dulot ng mga social phenomena at kung ano-ano pang kasosyalan o pagpapasosyal. Sa mata ng ilang mga oldies, ito ay isang bagay na walang kwenta, at sa halip na mag-aral ay puro kabebehan ang inaatupag ng ilan. Well, alam mo naman ang karamihan sa matatanda. Akala mo ay sila lang ang pinakamabubuting species of living organisms na nabubuhay sa planetang ito. Palibhasa lamang sila sa edad at sa wisdom kahit hindi naman sila tanyag gaya nina Pilosopo Tasyo at Kung Fu Tze, iyon ang pakiramdam nila. At bilang pinakamarurunong na tao sa daigdig, hawak nila ang kataas-taasang hukuman sa sambayanan bilang mga prosecutor at abogado de campanilla sa buhay ng mga kabataang bago pa lamang humaharap sa buhay. Huwag na huwag kang magkakamaling sumagot..."Papunta pa lang kayo roon, ay naku! ako'y pabalik na!" Iyan ang linya ng kilusang kontra-pabebe. At ang konsehong ito ay binubuo ng mga senior citizens na nabuhay mula pa noong mauso ang mga katagang "noong araw" ," kami noon ay ganire", "pasasaan ba't mapupunta kayong mga damontris kayo sa impyerno","aba, haliparot ka, para kang papandot" at "hindi maaari sa akin iyan, sumulong ka at baka mabato kita ng sandok sa bumbunan!"
"Bhe, konting buka ng bibig, ilabas ang dila sa kaliwa...hihihi." (At talagang tatlo lang ang hihihi). Sa isang pabebe, mahalaga ang measure ng mga bagay-bagay, pasalita, pasulat o paakting man. Ika nga dapat nasa tamang anggulo, kahit na ang mga posing sa pag-a-aura. " Iyan, ganyan nga bhe..." Tila director ang kabataang ito na mahihinuhang galing sa eskwela dahil sa paldang uniporme, ngunit ang pang-itaas ay pinalitan na ng blusa na para bagang sinasadyang ipasilip ang hupyak na dibdib dahil sa mababang v-shape na korte ng leeg ng damit.
"Huwag diyan bhe, I don't like the view...makukunan si Lola". Hindi ko na huhulaan pa ang ibig sabihin ng mga primera claseng pabebeng ito. Ayaw niya marahil ang photo bomber. Parang nakikita ko na ang kaluluwa ng aleng ito ay nagnanais na ihampas ang bagong almirol na alampay sa maitim na batok ng pabebe number 3.
Hindi marahil alam ng ale ang translation ng sinabi ng dalagitang nasa kanan niya o sadyang hindi niya narinig. Napapikit na lamang ito ng bahagya at napahawak sa dibdib na natatakpan ng shawl na amoy alcampor nang masiko ng dalagita ang kanyang kanang braso dahil sa paghaharutan ng mga dalagitang ito. " Umisod lang kayo mga iha" mukhang sintunado ang tono ng mamang drayber. Parang ang ibig sabihin ay, " kayong mga pangit na dalagita na pang-estudyante ang ibinayad at kabilang sa mga gaya ng katabi ninyong senior citizen na nagpapababa sa kita ko maghapon eh umayos kayo, kung hindi isusumbong ko kayo sa guidance counselor sa katabi ko. Ito eh haka-haka ko lang naman. Napansin ko kasi ang isang mukhang manang na nakapusod at umiismid sa bawat pagsulyap sa salamin sa mga dalaginding na nasa likod niya. Paano ba namang hindi maiinis ang mukhang manang na ito sa mga dalagitang nasa likod eh halos masira ang magandang pagkakapusod ng kanyang buhok sa tuwing matatamaan ng magaspang na keypad at mga burloloy sa braso ng humahawak sa celfone habang nagseselfie nang wagas ang mga ito. Nakita kong napangiwi ang manang na sa tantiya ko eh mga 30 taong gulang pero mukhang matanda sa kanyang hitsura. May hawak pa itong polyeto na may nakasulat na Tayo na sa Paraiso. Palagay ko ay galing sa pagsamba. Lagot.
Para kong nakikinikinita na lalamukusin niya o gagawing maliit na tubo ang polyeto saka ihahamampas sa bunganga ng mga dalagitang pabebe. Pero magalang din naman ang isang pabebe na nakaupo sa likurang bahagi ng ale. " Hala, bhe, tahimik nang kaunti, nakakahiya sa ibang pasahero..." Habang nasa express ay express din ang bunganga ng pabebe number 2. Ikinukuwento niya sa dalawang katabi ang nangyari kina Alden at Yaya Dub kanina lang tanghali. Parang sa tono niya ay walang tv ang dalawang pabebe kaya't kailangan niyang i-acting, kasama ng pagmumustra gamit ang pinabibilog na bibig at dila pakaliwa pakanan na ginagaya ang pagdadub ni Yaya Dub. Nariyang ingunguso niya ang sadyang may pagkamatulis niyang bibig at ilalalabas ang mga ngiping hindi rin naman kagandahan ang tubo habang nagpapasipagtawanan ang mga parang hindi makamove- on na pabebe number 1 at 3. Napapasinghap ang mamang mekaniko sa sandaling igigiling ng pabebeng ito ang kanyang ulo na gaya ng sa isang nasasaniban sabay sigaw ng MAHALDEN KITA! Ay talaga nga namang kahindik-hindik kapag ganitong eksena ang masasaksihan ng mekanikong mgahapon eh turnilyo at lyabe tubo lang naman ang nakikita sa buong maghapon. Sa ganitong kalagayan ay mas pinili ng manang na nagsimba marahil sa Baclaran na ipikit ang mga mata, sabay takip ng kanyang alampay mula sa tuktok ng kanyang ulo hanggang sa kanyang tuhod. Tinakpan niya ang halos kabuuan ng kanyang kaluluwa para hindi matalsikan ng laway ng mga dalagitang naghahagikhikan. Sa aking pananaw naman eh hindi ko nakikita ang aking sarili na hahawak ng placard na may ALDUBYU sa gayong pagkakataon lalo pa at hindi marahil akma sa sitwasyon na halos lahat ng pasahero gaya ko ay nagnanais mamahinga mula sa maghapong pagkahapo sa trabaho kesa makipagsabayan sa ingay ng nagbabagong mukha sa mga kalsada ng Maynila, dahil sa mga pabebe at sa kalyeserye, bagama't ang totoo, kailangan natin ang mga gaya nila na sa kabila ng kaguluhan at kawalang katiyakan ay nagagawa nilang paghugutan ng inspirasyon ang mga bagay na nakatutuwa sa ilan, although mayroon ding ayaw ng ganitong kaasalan. Malapit nang dumating sa Alabang ang dyip. Itinago na ng pabebe number 3 ang kanyang celfon. Nagsuklay naman si pabebe number 1. Inayos ng pabebe number 2 ang kanyang bag na halos maihampas niya sa mukha ng kaibigan habang ikinukuwento nito ng may 100 percent energy ang muntik nang pagkikita nina Yaya Dub at Alden. Tiningnan ko ang kanilang kaanyuan. Naroon ang kainosentehan gayong sila ay nasa gulang na ng pagdadalaga. Sila marahil ang mga larawan ng ating kabataan na hindi naman dapat tingnan bilang kakaiba. Sila pa rin ay mga batang nangangailangan ng gabay (para sa ekonomiya) at pagkalinga. Sila pa rin ang inaasahan ng ibang pasahero na tutulong sa kanilang makaahon sa darating na panahon. Malay natin, isa sa kanila ay maging si Nancy Binay, o si Napoles (bago pa masangkot sa scam) o kaya'y si Miriam Santiago, lalo na ang pabebe number 2 na siyang pinakamatabil sa lahat. May tsansa pa akong nakikita sa mga kabataang ito. Sila'y mga hilaw pang bunga na dapat hutukin, pahinugin at alagaan hanggang mamunga ng mga kabataan na marahil ay ipinagdarasal ni manang na katabi ng drayber.
Pabebe man sila, nakatutuwa silang panoorin sa kanilang kawalang malay. Naroon ang ilang punto na dapat natin tingnan bilang mga pasahero na araw-araw ay nagbibiyahe ngunit paulit-ulit lang naman ang ruta at pinatutunguhan. Sa nakakaumay na biyahe ay maswerte tayo kung may gaya ng ilang pabebeng ito, na bagamat nalilisya ang ilan sa mga itinakdang beheyvyor ng mga moralista sa lipunan ay pinipili nila ang magpakatotoo (para sa ekonomiya) at walang bahid ng pagkukunwari.
Magaan ang aking mga paa ng humakbang palabas ng dyip. Hindi ako mahilig sa kalyeserye ngunit tunay na nakakaaliw ang mga pabebeng hindi alam na sila ay nakakaaliw pagmasdan sa kanilang mga mumunting kagagahan.
Sana naman ay makatapos sila ng pag-aaral.
Nang sa kanilang paglaki ay mabawasan ang negatibong pagtingin sa mga pabebe.
BINABASA MO ANG
Juan's World Is Juan Jeepney
OverigJuan's World Is Juan Jeepney (istorya atbp. sa loob ng dyip) Maraming kuwento sa bayang ito. Ang ilan ay kathang isip, ang ilan ay katotohanan. Ngunit marami eh walang kabuluhan. Nagkakaroon lang ng kahulugan kung ang konteksto eh akademiko o an...