(Ayon sa paboritong kanta ni Pilosopo Asiong na kapitbahay ko sa Tondo: "Kung ano ang inutang ay siya ring kabayaran")
Kung paangasan din lamang ang laban, walang makadadaig sa pasaherong maton. Sila ang magaling sa balyahan at sikuhan. Madali nilang napapatalsik sa dulo ng dyip ang mga may maliliit na katawan at yaong mga hindi na kailangan ng x-ray para makita ang kalagayan ng kanilang internal organs. Samakatwid, sila ang hari sa loob ng dyip. Kadalasang makikita na puno ng tattoo ng ibon, ahas, at kung ano-anong species ng flora and fauna ang kanilang braso. Para sa karagdagang angas, sando ang suot na may ternong maong at sinturon na may malaking ulong bakal at minsan ay may nakalutang na artwork ng ulo ng nakangangang leon o kaya naman ay mga animo larawang makikita sa mga medalyon ng taong may agimat. Meron din silang makulay na sunglasses na mas malaki sa karaniwan, umaraw man o umulan. Isinusuot ito katerno ng panyo na mahigpit na nakatakip at nakatali sa ulo. Sila ang itinuturing na sinaunang maton. Sa makabagong panahon, ang turing sa kanila ay nag-evolve na rin. Maangas na ang paglalarawan sa kanila. Hindi na gaya ng paglalarawan sa itaas ang kanilang porma. Kahit na naka-amerikana o nakapormal, babae man o lalaki ay maangas na matatawag kung ang istilo nila ng pambubully sa ibang pasahero ng dyip ay may kasamang dahas at lakas. Ika nga sa kasaysayan, para itong mga nilalang sa panahon ng kabangisan. Kadalasan ay nakabukaka ang kanilang pag-upo at hindi alintana kung ang siko nila at tuhod ay may malakas na pwersang lumalaban sa mga katawan, tuhod at braso ng mga katabi. Kung tutuusin, may katwiran naman sila. Kapag medyo may pagtutol sa panig ng kanilang katabi, ang pinakapanlabang linya ng isang maton ay maangas din. "Kung ayaw mong masiksik, bumili ka ng kotse mo" Siyempre, mapapahiya ang katabi at mananahimik na lang. Lalo pa kung tatanggalin ng maton ang kanyang sunglasses at ikukuyom niyo ang kanyang palad kasabay ng pagpukpok nang may kaunting bigat sa kanyang hita.
Gaya noong isang umaga ng 2005 habang binabagtas namin ang makipot na daan patungo sa Sucat sa baybayin ng Laguna de bay. Pumara mula sa isang kanto ang isang maton na nasa mga tatlumpong taong gulang, malago ang bigote, mahaba ang buhok sa ilong at kilikili. Wakwak o sadyang winakwak pababa ang kanyang sanding puti para sa dagdad na angas. Sa pagsalampak niya ay muntik na niyang maupuan ang dalang manggang hinog ng matandang pasahero. Ipinatong kasi nito ang dalang prutas sa bakanteng upuan na kasya pa naman ang dalawang pasaherong nasa katamtamang pangangatawan. Hindi na nagsalita ang matanda nang kunin mula sa puwitan mismo ng maton at iniabot sa naghihintay na kamay ng matanda ang manggang muntik nang mabiktima ng walang patumanggang pag-upo ng bagong pasahero.
Gaya ng biktimang walang kalaban-laban sa isang malakas na nilalang, walang tinig ng pagtutol na nautawi sa labi ng matanda. Magalang nitong kinuha ang mangga na wari'y nagsasabing "pasensiya na sa mangga ko iho, may arthritis kasi ang aking mga kamay na pinanawan na ng lakas." Tiningnan lang siya ng maton. Itinaas muli ang kamay sa tubong hawakan. May butil-butil na pawis sa kanyang kilikili. Tumulay ang dalawang butil ng tubig na mukhang acidic sa lima o sampung hibla ng buhok sa kilikili at tumulay ito pababa sa kanyang tattoo. Animo saktong ininom ito ng ahas sapagkat bumagtas ang maasim asim na pawis sa bunganga ng ahas na tattoo sa bandang tagiliran ng maton. Kagila-gilalas ang sumunod na nangyari. Biglang nagpreno ang drayber. Muntik mapasubsob ang matanda sa gitna ng dyip. Mabuti na lang at nakaharang ang mamasel na braso ng maton. Maswerte pa rin ang matanda kahit na napahid ng kanyang noo ang tumatagaktak na pawis ng maton, at least, hindi siya nasubsob. Maaga rin naman ang pagkilos ng ale sa tapat ng matanda. Pinormahan niya ang prutas na sa wari ko'y nais niyang bawasan ng isa sapagkat mapipintog ang mangga, sadyang nakakatakam. "Hoy! dahan- dahan naman pare. Kaunting ingat naman". Mabait naman pala at may concern ang maton na ito. Hindi gaya ng nakasakay ko sa Munoz na hindi na nga nagbayad (sabi ng drayber) eh minanyak pa ang katabing ale na nakabodyfit. Siya na nga ang nauna sa pagpasok sad yip eh hindi mo siya mapakiusapang iabot ang bayad sa drayber. Mas pinili nito ang maglagay ng earphone at animo magdrum sa loob ng dyip habang pinakikingan ang siguro'y hard metal songs ng Metallica (1990s na band) o ni Bon Jovi. Naninigas ang kanyang mga kamay sa pagmumustra ng beat ng pinakikinggang musika. Papikit-pikit pa. Sa huling paghampas niya sa invisible drum ay natamaan ang kamay na may barya na ipinaaabot sa drayber. Sa halip magsorry, tinitigan ng masama ng maton ang payat na mama. Nawala yata siya sa timing. Hindi rin niya pinulot ang barya sa dulo ng kanyang sapatos. Sinikaran lang niya ito palapit sa direksyon ng mamang payat. Kung may tama lang ako ng redhorse eh pinatid ko siya nang siya'y bumaba. Noon ko lamang napansin ang nakabodyfit na babae. Kahawig siya ng dati kong katrabaho na si Myra. Ito pala ang sinabi ng drayber, pagkababa na tsinansingan (minanyak) ng maton na garapal at bastos.
Ang lesson dito eh simple lang. Huwag tumabi sa maton lalo't ikaw ay babae. Kung walang choice, wala. Ganun talaga. Hindi naman sa atin ang dyip. Hindi tayo makakapamili ng katabi. Siguro magdasal na lang tayo na kapag may nakasakay tayong maton ay biglang magmilagro ang langit at biglang magbuhos ng ispiritu ng kabaitan at kahinahunan sa loob ng dyip.
Wala pa naman akong nararanasang dalawang maton na nagsapakan sa dyip. Lalo na sa mga dyip ng San Pedro na kung saan mas maangas ang mga drayber kaysa sa mga pasahero. Sila ang tunay na maton. Humaharurot sila kahit isang paa pa lamang ng pasahero ang nakatatapak sa lupa. Handa rin silang magmura (hindi naman lahat) sakaling may pasaherong mas maton tingnan sa kanila. Nakaready rin ang kanilang mga pick up lines. "Bawal ang sabit, wag lang sa kabit" at "sa una lang masikip, luluwag din pag naisiksik"
Matagal-tagal na rin ang tagpong iyon. Marahil ang maton na minsan nagpakitang gilas sa loob ng dyip ay siyang napabalitang nasagi ng dyip at nabasag ang bukong-bukong. Kung hindi man siya iyon, natural na may ganti ang langit sa ilang okasyon na maaaring ginawa niyang pananakit na pisikal o pamamanyak sa ibang pasahero ng dyip.
MF
BINABASA MO ANG
Juan's World Is Juan Jeepney
De TodoJuan's World Is Juan Jeepney (istorya atbp. sa loob ng dyip) Maraming kuwento sa bayang ito. Ang ilan ay kathang isip, ang ilan ay katotohanan. Ngunit marami eh walang kabuluhan. Nagkakaroon lang ng kahulugan kung ang konteksto eh akademiko o an...