Noong unang panahon may dalawang kahariang pinaghiwalay ng isang malawak na ilog. Ito ang kahariang Bernaglia at kahariang Beranya. Ang hari ng Bernaglia ay may napakaganda't maalam na anak, si prinsesa Krisana. Ang prinsesang mahilig sa kulay dilaw. Habang sa kahariang Beranya ay hinahangaan ang matapang at matapat na prinsipeng, si Antalo, ang nag-iisang anak ng hari. Ang dalawang hari ay magkaaway at ipinagbabawal nila ang pakikihalubilo ng bawat nasasakupan. Maging ang kanilang anak ay dinaldalan nila upang maging magkagalit.
" Dapat mong talunin ang anak ng hari ng Bernaglia. Ito'y prinsipeng mahina at makitid. Tandaan mong lahi nila ang pumatay sa iyong ina", agak ng hari ng Beranya sa anak. Samantala, gayon din ang sabi ng kabilang hari sa kanyang anak.
" Ang anak ng hari ng Beranya ay isang prinsesang mahinhin at mayumi. Talunin mo sya nang maipaghigante mo ang iyong ina.", ani naman nito. Walang kaalam-alam ang dalawang anak sa pagsisinungaling ng kanilang ama kung saan kabaliktaran ang bawat pahayag. Galit ang umiiral sa kanilang puso at nais harapin ang isa't isa upang hamunin ng labanan. Kaya lang palaging sinasabi ng kanilang amang hari na may tamang panahon sa lahat.Isang araw, masayang namasyal si Prinsesa Krisana sa gitna ng kagubatan. Maya-maya may narinig syang humihingi ng tulong. Pinuntahan nito ang pinanggalingan ng tinig. Laking gulat nya ng makita ang isang makisig na lalaking may sugat dahil tinuklaw ng ahas. Tinulungan nya ito sa pamamagitan ng paggamot sa sugat.
" Ako si Antalo, ang nag-iisang anak ng hari ng Beranya", pagpapakilala ng lalaki. " "Salamat sa iyo, magandang binibini", dagdag pa nito.
Nagulat naman ang prinsesa.
" Ano ang iyong ginagawa sa lugar na ito?", tanong ng prinsesa ng nakakunot ang noo.
" Nais kung hamunin ang inyong prinsipe sa isang duwelo ng matapos na ang gulo. Maaari mo ba akong ihatid sa kanya?", sagot nito." Ikaw ay isang sinungaling! Paano nangyaring ikaw ay isang prinsipe ng Beranya?", pagtatakang tanong ni Krisanta.
Nagulat ang prinsipe sa kanyang inasta kaya ipinakita nito ang sibat ng patunay na isang prinsipe. Namangha ang prinsesa dahil alam nyang nagsasabi ito ng totoo.
" Maaari mo na ba akong ihatid sa inyong kaharian?", magalang na pakiusap ng prinsipe." Sabi ng aking ama'y nag-iisa lang ang anak ng hari ng Beranya at ito'y isang... prinsesa papaa-", hindi nito natapos ang sasabihin.
" At sino ang iyong ama?", tanong ng prinsipe. Sinabi ni Krisana ang katotohanang anak siya ng hari at kapwa sila hindi makapaniwala. Hanggang di nila namalayang kapwa sila nagtatawanan sa katotohanan. Naging magkaibigan ang dalawa.
Hanggang sa umusbong sa pag-iibigan. Lihim silang nagkikita sa pusod ng ilog kung saan may magandang haplos ng hangin at kagubatang bininyagan ng kagandahan. Lingid sa kaalaman ng dalawang hari ang pagkabubutihan ng kanilang anak.Dahil nainggit ang kapalaran, dumating ang araw na nalaman ng dalawang hari ang lihim na pag-iibigan ng kanilang anak. Pilit na pinaglayo nila ang kanilang anak. Naging dahilan ito ng labanan ng dalawang kaharian. Ngunit, naghilom ang lahat nang malamang nagdadalang-tao si Prinsesa Krisana. Pinag-isa ng dalawang hari ang dalawa at pilit na kinakalimutan ang galit sa isa't-isa. Lumipas ang ilang buwan at isinilang ang isang napakaamong sanggol at pinangalanan nila itong "Krisanta".
Iyon ang simula ng kapayapaan ng dalawang kaharian. Naging masaya ang lahat sa pagdating ng sanggol. Isang napakaganda, napakabait at magalang na bata na kinagagalakan ng lahat. Ikinatuwa ito ng dalawang hari, katulad ng kanyang ina ito ri'y mahilig sa kulay dilaw.
Ngunit isang araw, nagkasakit ang munting prinsesa at di-matukoy ang sanhi nito. Ginawa na nila ang lahat ngunit walang makitang lunas dito. Takot na takot ang lahat na mawala ang munting prinsesa lalong-lalo na si Krisana. Kaya lihim nitong ipinasyal ang anak sa kagubatang bininyagan ng kagandahan para makalimot ito sa kalungkutan. Kaya lang nang gabi na'y hindi pa rin sila nakauwi. Nag-alala na ang haring si Antalo. Lumipas ang mga araw, gabi, buwan ay hindi na nakita pang muli ang mag-ina. Labis na nalungkot si haring Antalo. Kinalaunan, pinahalughog niya ang buong kagubatan at doon natagpuan ang malagintong talutot ng bulaklak- mula sa madilaw-dilaw na kulay. Animo'y nagyakapan ang mga ito. Umiyak siya't niyakap ang mga ito. Naramdaman nyang ito ang pinakamamahal nyang asawa't anak. Kinuha ito ni Antalo at ipinatanim sa buong kaharian. Anumang okasyon sa kanyang nalalabing buhay ay naroon ang presensiya ng mga bulaklak. Sa kaarawan, tagumpay sa labanan, o maging palamuti sa kaharian. Bulaklak na nagbibigay pag-asa sa malungkot niyang buhay. Nang namatay si Antalo ay pinalibutan siya ng naggagandahang bulaklak na ito. Maraming mga taong nagustuhan ang bulaklak na ito kaya nagtanim sa kanilang tahanan.
Hindi naglaon tinawag itong "Krisantimum" o " Chrysanthemum" ibig sabihin sa konotasyong - lihim na buhay ni "Krisanta".