.
The Bodyguard
CHAPTER 2
Pabagsak niyang isinara ang pintuan ng kaniyang kuwarto. Wala siyang pakialam kung ikinagulat iyon ng ilang PSG na noon ay nakatayo sa pasilyo ng kaniyang kuwarto. Humiga siya kaagad sa kaniyang kama na hindi nagpapalit ng damit o kahit nagtanggal ng sapatos. Pumikit at hinilot ang kumikirot niyang sintido kasunod ng pagpapakawala niya ng malalim na hininga. Madaling araw na kasi siya nakauwi at kanina nga ay maaga pa siya ginising ng Mommy niya para i-remind siyang kailangan niyang pumunta sa office ng Daddy niya tungkol sa naging usapan nila nang nakaraang araw. Pakiramdam nga niya hindi pa tuluyang nawawala ang pagkalasing niya. Ngayon lang naniningil ang alak sa pagpapakasasa niya dito kagabi. Pagbukas niya ng kaniyang mga mata ay kaagad niyang nakita ang litrato ng President eng Pilipinas niyang ama. Naglakbay ang kaniyag diwa. Kasabay iyon ng muli niyang pagpikit ng kaniyang mga mata.
Hindi niya alam kung kanino siya maiinis at magagalit kasi napakalaki na ng ipingabago ng buhay niya, ng buhay nilang pamilya. May tinuturing nga siyang Daddy ngunit pakiramdam niya, nakikihati lang siya ng katiting na oras nito sa malaking porsiyentong panahon nito sa buong bansa. Magpasalamat na siya kung matapunan niya sila ng kakarampot nitong oras. Hindi niya alam kung paano natanggap ng dalawang ate niya at ng Mommy nila ang ganoong set up ng kanilang buhay.
Maaring kinaiinggitan siya ng karamihan dahil galing siya sa kilalang angkan ng mga pulitiko. Oo nga't hindi niya naranasang dumaan sa kahit anong hirap ng buhay. Nang ipinanganak siya ay para na siyang Prinsipe dahil lahat ng kakailanganin niya o kahit mga ka-pritso lang ay madali sa kaniyang makamit. Ngunit hindi nila alam na hindi lang material na bagay ang nagpapasaya at nagpapakumpleto sa buhay ng isang tao. Higit niyang hinangad ang simple lang at madalas sanang buong pamilya. Simple lang naman din kung tutuusin ang kailangan niya bilang isang normal na bata, iyon ay ang maibalik ang kinasanayan niyang atensiyon at panahon ng kaniyang ama. Bata pa kasi siya nang huling nakasama niya ang Daddy niya tuwing may school activities. Musmos pa siya nang nakakasabay niya ang daddy niya sa pamamasyal, paglalaro at kahit simpleng panonood lang ng TV. Sinanay siyang naroon lagi ang daddy niya ngunit nagbago ang lahat nang naisipan nitong maglingkod sa bayan. Doon na nagsimulang nawala sa kanila ang dati ay buong oras at pagmamahal ng kaniyang Daddy. Nagkaroon nga ng tapat, responsable at mahusay na Pangulo ang Pilipinas ngunit kapalit naman no'n ang pagkawala ng kaniyang ama sa kanilang pamilya.
Bumangon siya at umupo siya sa gilid ng kaniyang kama. Binuksan niya ang drawer at nakita niya doon ang kumpul-kumpol niyang mga medalya noong Elementary at High School siya. Huminga siya ng malalim. Isa-isa niya iyong pinagmasdan. Ni isa yata sa mga medalyang hawak niya ay hindi nagawang isabit ng daddy niya sa kaniya. Maraming mga pangakong napako. Maraming mga araw na umasa siyang darating ito at masabi ng daddy niya na proud na proud ito sa mga karangalang nakakamit niya. Ngunit walang Daddy na dumadating. Ang rason? Inagaw na siya ng tuluyan ng Pilipinas. Salat na salat na siya ng pagmamahal at ang pag-ibig na lang sa bayan ang pinakamahalaga sa isip at puso ng daddy niya. Muli niyang kinumpol ang mga medalya at ibinalik sa lagayan nito.
Hinubad niya ang sapatos niya at itinabi iyon sa nakahilera pa niyang mga sapatos. Kumuha siya ng tuwalya ngunit napansin niya ang naka-frame na picture nilang pamilya sa taas ng kaniyang maliit na aparador. Hinawakan niya iyon at nag-init ang paligid ng kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ang litrato.
Noong Congresman at Senator ang Daddy niya, kahit papaano ay nakakabakasyon pa sila ngunit madalas na siyang hindi napapansin. Hinahanap niya kasi yung samahan nilang mag-anak noong simple pa ang kanilang buhay. Naging consistent honor student siya noon ngunit Mommy lang niya at mga kapatid ang nakapansin sa kaniyang katalinuhan, ang daddy niya madalas tulog na siya kung umuuwi ito at paggising niya sa umaga ay nagmamadali ding aalis dahil sa out of town engagements nito o kaya kung may mga sakuna at maraming kailangang tulungang tao. Daig pa nga niya yata ang pinagsama-samang sina superman, spiderman at batman kung magligtas ng kababayan ngunit sarili niyang mag-isang lalaking anak ay napababayaan. Kulang na nga lang yata na tumira siya sa Senado. Dahil mukhang wala namang mangyayari kung magiging ordinary intelligent student lang siya ay naisipan niyang sumama sa agos ng buhay ng ibang mga kabataan. Nagsasawa na kasi siya sa pagiging mabuting anak. Naboboring na siya sa buhay na school at bahay lang na madalas wala naman ang Mommy o Daddy niya na naabutan niya sa bahay dahil nga abala silang pagsilbihan ang bayan at hindi ang mismong pamilya nila.
![](https://img.wattpad.com/cover/46332551-288-k229376.jpg)
BINABASA MO ANG
The Bodyguard
RomancePaano kung isa ka lang Bodyguard ng guwapo, sikat at matalinong anak ng Presidente. Isa pa'y alam mo sa sarili mong "straight" ka ngunit ngayon ay may gumugulo na sa iyong pagkatao. Paano ang girlfriend mo? Paano ang "career" mo kung ang tibok ng pu...