[V] Limang Daliring Nakamamatay (Part Two)

106 2 2
                                    

     "At yun na nga," sabi ni Sir. "Hindi kami rapist, isa kaming international agency, at gumagawa kami ng mga makabuluhang trabaho. Itinataguyod namin ang kaligtasan ng bawat bansa -- at ng buong mundo." 

     Kakatapos lang ipaliwanag sa amin nina sir kung ano ba talaga yung Alyansa, yung sinasabi nilang Alliance of the Renaissance Square. Pero hindi naman nila ipinaliwanag kung bakit yun yung tawag dun sa Alyansa, ang sabi lang nila may kinalaman yun dun sa altar at sa organizational structure ng agency.

     Humigop ako ng milk tea.

     Yes naman! Naging mas mabait na sina sir samin kanina. Pinayagan nila muna kaming lumabas at magpahinga bago nila kami ibinalik sa kuta -- este, sa bulwagan -- kung saan nila kami kinakausap ngayon.

      Nakarinig ako ng humihigop din ng milk tea. Si Natasha pala yun. Ang kyut niya habang sinusubukang intindihan ang lasa ng milk tea. Buti na lang napilit ko siyang tumikim. Baka kapag nasarapan siya, magkasundo na kaming dalawa. Maganda yun, hindi na niya ako tatawaging ungas! Tawagin kaya niya 'kong babe? Mas maganda yun!

     Humigop uli ako ng milk tea habang iniintindi ang mga sinabi nina sir. Hay, ang hirap! Mas mahirap pa sa History class ni sir!

     Basta ang sinabi nila, isa sa pinakamahalagang tungkulin ng Alyansa ay ang pangangalaga sa isang sikreto, na -- hindi man lang nila ipinaliwanag sa amin kung ano. 

     Humigop ako ng milk tea. Ang gulo nila, mas gusto ko pa ang math.

     "Ngayon," biglang singit ni Sir Cagouia sa malalim na pag-iisip ko. "Bakit nga ba kayo nandito? Anong pakinabang namin sa inyo?"

     "Kami ang dapat nagtatanong niyan," mataray na tugon ni Uste. Kinakamot niya ang mga sugat niya sa palad. 

     "Ni hindi nga dapat kayo nandito!" tutol ni Troy sabay turo sakin. "Kung hindi lang dahil sa kagaguhan ng isang ito!" 

     Binugahan ko siya ng milk tea ko. Minura ko siya. "Aba!" sabi ko. "Kayo 'tong nangidnap samin. How dare you?"

     Nanggagalaiti na si Troy, pero pinigilan siya ni sir. Tumingin siya sakin ng mahinahon pero istrikto. "Huwag kang bastos Guce," sabi niya sakin. Tae, tinawag pa niya ako sa apelyido. Professor ko nga pala siya. "Ikaw 'tong nagnakaw ng wallet ko at ng artifact ng mandirigma."

     "Ako na naman ang mali?" pagdadrama ko. "Hindi namin ninakaw ang wallet mo 'tol!"

     Biglang bumulong sakin si Philip. "Dre', kinupit mo naman yung pera niya. Ganun na rin yun dre'."

     Umiling na lang si sir. "Basta, aksidente lang ang lahat kung bakit kayo ang nandito ngayon at hindi ang ibang tao," sabi niya. Inarapan kami ni Natasha. "Hindi dapat kayo ang magiging kinatawan ng kagawaran namin."

     "May nabayaran na kaming mga trained assassins para dito," singit ni Troy, pinupunasan niya ang basa niyang mukha. "Kaso ninakaw mo yung pulseras, nagnakaw kayo ng piloncito, at nalaman niyo ang sikretong bulwagang ito."

     Humigop ako ng milk tea.

     "Teka, bakit niyo kailangan ng assassins?" bulalas ni Philip. "Bakit kailangang trained assassins? Ibig sabihin --"

    "Eto na, eto na," sabi ni sir. "Ipapaliwanag na nga o."

     Huminga siya ng malalaim at naglakad-lakad palibot sa bulwagan. Para siyang detective kung umasta.

     "Taon-taon, may ginagampanang paligsahan ang bawat sangay ng Alyansa sa bawat bansa ng mundo," sabi niya. "Sa paligsahang ito, muling nagtitipon ang bawat kagawaran ng Alyansa para pagsamahin ang mga mahahalagang artifacts na kailangan para sa seremonya."

Square OneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon