1 [Puti]
"Puti!!"
Tama, iyon ang pangalan ko. Dagli akong lumapit kay Lukas at nagpaikot-ikot sa paahan niya. Nandirito kami sa ilog. Hinugasan niya ang madumi kong balahibo. Natural lang iyon dahil kapag hindi niya ako hinugasan ay hindi na puti ang magiging pangalan ko.
Labing anim na taong gulang na siya. Malaki na ang pinagbago niya at syempre, ako rin. Lagpas tuhod na niya ako pero pasasaan ba't magiging hanggang bewang na rin niya ako. Sabi ni Inang ay matulog lang daw ako ng maaga at lalaki rin ako. Pero nakakapagtakang mas malaki sa akin si Lukas gayong ako palagi ang mas maagap matulog kesa sa kanya.
"Kainin mo 'to" wika niya sabay abot ng isdang nahuli pa namin kanina. Syempre, kasama rin ako. Dapat, kung nasaan siya ay nandoon rin ako. Gaya ng sabi ni Inang ay huwag daw kami maghihiwalay. Tinupad iyon ni Lukas. Hindi niya ako pinabayaan. Sa ngayon ay pinagmamasdan ko siya habang kinakain ang isda ko. Heto't tulala na naman.
Simula ng mamatay si Inang ay hindi na siya masyadong pala-imik sa akin. Medyo naging suplado sa madaling salita. Naiintindihan ko ang wika niya, pero bakit iyong wika ko, hanggang ngayon hindi pa rin niya naiintindihan. Bakit kaya?
"Matulog na tayo" wika na naman niya.
Ha? Tutulog na agad? E diba, sabi ng kaibigan niyang si Emil ay mag-aaral pa sila? Dagli akong pumasok sa kubol na mismong si Lukas pa ang may gawa, sabay kuha ng aklat na laging dinadala ni Lukas tuwing papasok sa eskwela. Ingat pa nga akong dalhin iyon papalapit sa kanya dahil baka matuluan ko ng laway. Pihadong mawawala ang mga tinta nuon.
Tinahulan ko siya habang iniuusod ang aklat sa kanya. Gaya ng dati ay tipid siyang ngumiti. Syempre, hindi na naman aabot hanggang tenga. May hinuha akong may lungkot na naman sa mga mata niya. Siguro ay naalala na naman niya ang boses ni Inang niya.
Mag-aral ng mabuti para makatulong ng maigi.
Mabait si Inang at kahit hindi niya tunay na anak ay inilagaan niya si Lukas. Syempre, kasama rin ako. Sabi ni Inang ay magkatabi raw kami ni Lukas ng kunin niya kami sa basurahan at dalhin sa kubol niya. Kung papaano man nangyari 'yon ay iyon ang hindi ko alam.
"Lukas!" galak na sabi ni Emil. Syempre, galak rin ako't nandiyan na siya. May makakasama na ang amo ko. "May dala akong kandelabra, tira ni aling Marta. Pa'no kasi, kanina ay tinulungan ko siya sa pagbubuhat ng kargada. Pilak nga sana ang ibibigay niya sa akin, ang kaso, nakita ko ito at sa tingin ko'y mas makakatulong sa atin 'to"
Muli ay maliit na ngiti lang ang inihatid ni Lukas kay Emil. Napabuntong hininga tuloy ako. Mabuti na lang at hindi sinusukuan ni Emil ang amo ko.
"Hindi ganyan Emil, pagsamahin mo ito at ito" turo ni Lukas sa kaibigan. Aba! Kung hindi mo naitatanong ay may taglay na katalinuhan ang amo ko. Kung hindi nga lamang hadlang ang kahirapan ay pihadong mas marami pa siyang matututunan.
Papaano kasi'y sa bintana lang naman siya ng eskwelan natututo. Bawal pumasok ang mga aliping gaya nina Lukas sa ganoong kagarang eskwelahan. Syempre, kasama rin ako. Ako ang nagbabantay para tumingin sa mga gwardiyang sibil.
"Naiintindihan mo na?" tanong muli ni Lukas na tinanguan naman ni Emil. Masaya sila pagmasdan lalo na't sa bagong kandelabrang kaharap nila. Mas masugid silang nag-aaral para sa bayan. Ang alam ko'y balak nila parehong maging sundalo o di kaya'y diplomasyang ministro.
Lumapit ako sa kanila at humilig sa amo ko. Hinaplos ni Lukas ang balahibo ko at maya-maya pa'y nakatulog na ako.
***
"Puti, gising na" narinig ko ang boses ni Lukas kung kaya't mabilis pa sa alas-kwatro ang paggalaw ko. Katulad ng nakagawian ay sabay kaming lumusong sa ilog upang maligo. Gaya ng sabi ni Inang ay panatilihing maging malinis ang katawan para hindi magkasakit. Malamig man pero kaya naman.
Napatingin ako sa kabuoan ni Lukas. Wala siyang suot na pang-itaas kaya kita ko ang ilang pilat niya sa katawan. Iyon ang tanda na malupit ang buhay na pinagdaan namin pareho. Wala man akong pilat pero danas ko rin ang kahirapan ng mundo.
Hay, nagugutom na tuloy ulit ako. Tinahulan ko si Lukas at gaya ng dati ay isda na naman ang pinakain niya sa akin. Palagi na lang isda! Hindi ko tuloy mapigilang hindi tahulan muli ang amo ko. Hinaplos niya ang balahibo ko. "Gusto mo pa ng isda?"
Tumahol ulit ako. Ayako ng isda!! Ayako!! "Sige, itong isa, sayo na lang" napabuntong hininga tuloy ako. Kailan mo ba ako maiintindihan Lukas? Umalis ako sa harapan niya't pumasok sa kubol at doon ko narinig ang mumunting tawa niya..
Hay!, ayako talaga ng isda!!