6 [Babae at Lalaki]

36 3 0
                                    

6 [Babae at Lalaki]


"Hindi ka marunong magsalita pero naiintindihan mo ako?" masugid na sabi sa akin ni Emil na tinanguan ko naman agad. Nandirito kami sa kubol niya. Isa pala siyang taga-pamahala ng mga naninilbihan sa pamilyang Del Pilar.

Hay, salamat naman at naintindihan na niya ako. Hindi katulad ni Lukas na sa tinagal-tagal ng panahon ay ni hindi man lang ako naintindihan. Hindi ko alam na ganito pala ang gawain ni Emil. Mukhang may pahapyaw na akong alam sa buhay niya bukod sa kaibigan siya ni Lukas. Sa ngayon ay nakaupo kami sa malinis at maayos na papag. Maganda ang kubol niya, iyong may mga desinyo pa.

"Paumanhin kong maliit pero huwag kang mag-alala, maayos naman at magiging komportable ang galaw mo dito sa kubol ko" napakiling ako. Anong maliit, e, sobrang laki nga ng lugar niya hindi katulad ng sa amin ni Lukas. Iyon sa amin kasi, basta may buli lang na pwedeng ipansalag sa ulan, taglamig at sa magiging tag-araw.

Napayuko ako, nangungulila sa piling ng amo ko pero pag-angat ng tingin ko, heto't kamot-kamot na ni Emil ang kanyang ulo. Wari'y konsumisyon sa hindi mo malamang dahilan. "Pa'no, sa labas lang ako ha, hindi magandang tignan na magkasama ang babae't-lalaki sa iisang kubol na wala namang dahilan. Kung may kailangan ka ay ipag-bigay alam mo lang. Na-sasa labas lang ako"

Babae't lalaki? Ano 'yon?

Umaga na, hay, bakit hindi ako ginising ni Lukas? Doon ako napabalikwas, ah.. wala na nga pala ako sa pangangalaga niya. Lumabas ako ng kubol ni Emil. Suminghot ng sariwang hangin at iginala ang aking paningin.

Naks! Taong-tao na talaga ang galaw ko! Minsan, nangungulila ako sa buntot ko, pati na rin sa balahibo ko. Sa tingin mo ba, makakabalik ulit ako sa anyo ko? Humakbang ako ng isa at doon ay napapitlag ako. Hala! Anong ginagawa ni Emil dito?

"Nako, pasyensya na" papungas-pungas na sabi niya. Tumayo ito sa pagkakahiga sabay pagpag ng maduming damit niya. "Nakatulog ka ba ng maayos?" sabi pa niya. Doon ko napagtanto na dito pala siya sa labas natulog. Bakit, dahil ba sa sinabi niyang babae't-lalaki?

"Halika, sasamahan kita sa ilog" humakbang siya ng isa na sinundan pa ng iba. Nakasunod lang ako sa kanya, bagabag ang isip. Minsan talaga, napaka-komplekado ang pagiging tao. Ayon si haring araw na wari'y kumakaway sa aming dalwa ni Emil.

Magandang umaga haring araw!

Lulusong na sana ako sa tubig pero pinigilan ako ni Emil. Heto't sapo-sapo na naman ang ulo. Wari'y kunsumisyon sa bawat gawa ko. "Pano ko ba sasabihin 'to. Halika muna at may iku-kwento ako sayo" iginiya niya ako sa baybay ng ilog.

"Katulad ng sinabi mo ay naiintindihan mo naman ako kagabi diba?" marahang wika niya, muli ay napatango ako ng isa "Base sa obserba ko sayo kagabi, medyo nakalimutan mo ang ilang mga bagay-bagay. Isa kang babae.. ah.. ano bang pwede kong ipangalan sayo?"

Puti! Ako 'to, si Puti!! Halos mapatid na naman ang litid ko pero ayon at "Lu.. Lu.." na naman ang lumabas sa bibig ko. Ang mga sinabi ni Emil ay naghatid sa akin ng pag-asa na pasasaan ba't malalaman niyang ako si Puti! Ang aso ng kaibigan niyang si Lukas.

Kung mayroon man silang pagkakaiba ni Lukas ay iyon ang pagiging maunawain ni Emil sa mga bagay-bagay. Bukas siya sa lahat ng aspeto at mas pinalalawak ang kaalaman sa pamamagitan ng mga nakapaligid sa kanya. Habang si Lukas naman ay panay aklat, papel at pluma ang kaharap para mas paigtingin pa ang karunungan.

Ngumiti si Emil ng galak. Hindi naman siya mapagdamot ng ngiti, hindi katulad ni Lukas na parang kailangan pa ng pilak para lang mapangiti siya. "Sige, 'Lu' na lang ang itatawag ko sayo" doon bumagsak ang parehong balikat ko. Si puti ako, hindi Lu!! Magkaibigan nga sila!!

"Gaya ng sabi ko, isa kang babae. Ah, ganito na lang. Noong unang panahon, may dalwang bathala. Ang bathala ng langit na si Kaptan at ang bathala ng karagatan na si Magwayen. Pinagkasundo ng dalwang bathala ang mga anak nila para magpakasal, doon ay nagkaroon ang mga anak nila ng apat na lalaking anak"

"Ang kaso, nagkaroon ng paghihimagsik sa puso ng mga apo ng dalwang bathala at sinugod si Bathala Kaptan. Pero hindi nagpatalo si Kaptan at pinarusahan ang mga magkakapatid hanggang sa unti-unting humupa ang kanyang galit. Iyong isang apo niya na si Lisuga ay hinati niya sa dalwa. Naging Silalak (lalaki) ang kalahati, gaya ko at iyong lalaki na nakita mo kagabi. Iyong kaibigan kong si Lukas? Ang tawag sa amin, mga lalaki. Patag ang dibdib, matipuno, mahahaba ang kamay at paa at iba pang hindi katulad ng sa babae"

"Tapos, iyong kalahati naman ni Lisuga ay naging Sibabay (babae) Kayo naman iyong.. iyan" sabay turo muli sa akin ni Emil habang panay sipat sa katawan ko "Ah.. mahaba ang buhok tapos may dibdib, mahinhin at iba pa. Sumatutal, magkaiba tayo Lu. May mga bagay na hindi dapat natin ipakita sa isa't-isa. Lalong-lalo na syempre na dapat hindi mo ipakita ang pagkakaiba mo sa ibang mga lalaking makakasalamuha. Nagkakaintindihan ba?"

Masyadong kumplekado pero buti naman at medyo naiintindihan ko. Syempre, sabi ni Inang ay matalino rin ako. Babae pala ako? ibig sabihin ay hindi pala Inang ang tawag sa amin. Ngayon ay alam ko na. Basta ang sabi niya, huwag kong ipapakita ang pagkakaiba ko sa kanila? Tama naman ako diba?

Ako si PutiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon