UNANG YUGTO – Nagmamaganda si Aling Puring
*Pagsasalaysay ni author, na kasalukuyang nagpapabango upang matanggal ang amoy ng sardinas:
Maganda at banayad ang sikat ng araw na wari’y umaakit kay Kabnoy upang kumanta ng …shine bright like a diamond. Kaaya-ayang tingnan ang mga cumulus clouds na mumunting nasisinagan ng magkahalong kahel at pulang sikat ng araw. Malamig rin ang simoy ng hangin na mukhang pansamantalang nakaligtas sa excessive emission of Carbon Dioxide. Isang napaka-aliwalas at kahali-halinang araw.
*Point of view ni Kabnoy, bitbit ang isang sako with periodic table of elements at bakal with tatlong kilong kalawang:
Isang bago at kaygandang umaga. Mabuti na lamang at napaaga ang aking gising ngayon, marami-rami siguro ang aking makokolektang mga kalakal. Salamat sa mga boarders kong ipis na silang gumising sa akin sa pamamagitan ng pagkiliti sa butas ng aking ilong. Inakala ata nilang may mina ng pagkain na matatagpuan doon.
Sa isang saglit pa’y tila napawi ang kagandahan ng umaga sapagkat biglang sinalubong ako ng mga tuma-tumbling na wrinkles ni Aling Puring.
“Hoy bata! Ang aga-aga ganyan na ang paghihitsura mo. Tingnan mo nga yang damit mo, napakadungis! Huwag kang pahara-hara sa karinderya ko at tiyak na mamalasin ako. Peste!”
Gusto ko sanang sagutin si Aling Puring na parehas lang kami ng nararamdaman, mukhang mamalasin din ako dahil kaagad bumugad sa akin ang kanyang mukhang lubos na biniyayaan ng kasungitan. Bagkus ay pinigil ko na lamang ang aking sarili sapagkat ayaw ko rin namang makipag-away.
“Kabnoy, matagal nang nauso ang pagligo! Aba, linis linis din ng katawan pag may time!”
Bakit, hindi naman ako marumi ah. Anong palagay niya sa akin, hindi marunong maligo? Nagkataon lamang na natapunan ng sardinas ang aking damit. Sus, malaki lamang ang mata ni Aling Puring kung kaya’t kitang-kita pa rin niya ang mantsa dito sa aking suot.
“Kailan ka pa napipi? Ha Kabnoy!? Magaling ka lang kapag manghihingi ng tirang pagkain dito sa karinderya ko eh!”
Nakakahiya naman kay Aling Puring, sa loob ng katorseng taon na paglanghap ko ng hangin ay isang beses lang naman ako nanghingi ng pagkain sa karinderya niya. Nagkataon lamang na nagkasakit ako noon kaya hindi ako nakapangalakal. Sapalagay ko’y hindi na rin naman iyon mauulit, wala na lang talaga ako mapagpipilian noon, hindi naman talaga masarap ang tinda niya at bukod rito’y may lumalangoy pang buhay na mga pasas.
Hindi na talaga ako makapagpigil dito kay Aling Puring kaya iimik na ko.
“Isang beses lang naman po ako nanghingi ng tirang pagkain sa inyo. At ito pong damit ko, malinis naman po talaga ‘to kaya lamang po ay natapunan ng sardinas nang mag-almusal ako.”
“At sumasagot ka pang bata ka?! Wala ka talagang modo.”
Hindi ko talaga maintindihan itong si Aling Puring. Sinabihan niyang kung kailan pa raw ako napipi tapos nang sagutin ko naman siya ay bigla namang palalabasing wala akong modo. Ewan ko nga ba. Kaysa muli siyang imikan ay mas nakabubuti sigurong tumahimik na lamang ako.
“Hala! Lumayas ka na nga sa harap ko at pumunta ka na sa basurahan kung saan ka nababagay!”
Kung pwede ko lamang kausapin ang namatay kong nanay, hihilingin kong baka pwede niyang multuhin itong si Aling Puring para naman hindi na niya ako pag-initan. Marahil ay labis na titindig ang kanyang busargang buhok dahil sa takot.
Ansarap ding ipukol nitong hawak kong kalawanging bakal na pangalahig sa bilbiling katawan ni Aling Puring. Pero syempre, kahit paano nama’y may awa pa rin ako kung kaya’t hihintayin ko na lamang siyang atakihin ng highblood dahil sa labis na pagkain ng kanyang sariling tinda, na kung susumahin ay mas marami pa ang kanyang nakakain kaysa naibebenta.
Ayokong magpaapekto kay Aling Puring. Alam kong mas mahalaga ang mga kumikinang na basurang naghihintay sa akin kaysa sa pagpatol sa kanya na alam ko namang sa huli’y ako pa rin ang magiging kawawa.
Mas mabuti pa’y lumakad na ako sa aking ruta nang sa gayo’y mapuno ko itong sako na aking dala.
(Biglang lilitaw si author sa kaserolang nilalagyan ng tindang bopis ni Aling Puring)
*Pagsasalaysay ni author habang nirereview ang periodic table of elements na nakalagay sa sakong bibit ni Kabnoy:
Nagpatuloy si Kabnoy sa paghakbang ng kanyang mga paang ni minsan ay hindi pa nakatikim ng pedicure.
Saan kaya siya dadalhin ng kanyang kapalaran? Malabhan pa kaya niya ang kanyang namantsahang damit gamit ang Tide? Mumultuhin nga kaya si Aling Puring ng nanay niya? Kailan kaya niya matatagpuan ang kanyang hinahanap na Garapata?
(Makatapos umepal ni author ay muli siyang nag-dive sa kaserolang lalagyan ng bopis)
BINABASA MO ANG
Hanapin ang Nawawalang Garapata ni Kabnoy
AdventurePakinggan ang mga langitngit ng musmos na sumusuot saanmang singit mahanap lamang ang Garapatang ubod nang liit.