IKALAWANG YUGTO – Perpektibo, Imperpektibo, Kontemplatibo
*Point of view ni Kabnoy habang masusing nagmamasid ng surroundings gamit ang kanyang 20/20 vision:
Parang kelan lang nang iwan ako ng aking nanay. Nakakalungkot at hindi na muli kami magkakasama sa paglalakad sa kalyeng ito na naging saksi ng bawat ngiti naming dalawa. Apat na taon na rin pala ang lumipas.
Sariwa pa sa aking utak, bagamat sabi ni Aling Puring ay bato raw naman ang laman ng aking ulo, ang mga sandaling pinagsaluhan namin ni nanay na tunay na kaysarap balik-balikan.
Gaya ng madalas na paghabol niya sa akin sa banda roon noong ako’y bata pa, habang hubo’t hubad sapagkat ayaw kong maligo; ang madalas na paglalaro ko sa parkeng iyon habang binabantayan niya ako dahil natatakot siyang makuha ako ng sipay; at ang palagian kong pagbili ng plastic balloon sa tindahang ‘yon sa tuwing binibigyan niya ako ng piso na di kalauna’y hahabulin naman niya ako sapagkat nakakalason daw iyon.
Tandang-tanda ko pa rin kung paano niya ako kinakarga sa tuwing sinusumpong ako sapagkat hindi niya ako binibilhan ng naibigan kong mga laruan gaya ng kotse-kotsehan, truck-truckan, jeep-jeepan, espa-espadahan, baril-barilan at baliw-baliwan; kung paanong pinipilit nya akong patahanin sa tuwing umiiyak ako sapagkat gusto kong magpabili ng mga nauusong laruan gaya ng yoyo, beyblade, yugi-oh cards at bakugan; at kung paanong lagi ko siyang pinipilit na bumili ng icecream ngunit palagian rin niyang sinasabing display lamang daw iyon at hindi raw ipinagbebenta.
Bagamat wala man siyang naibigay sa akin na anumang laruan ay labis-labis naman niya akong binusog ng pagmamahal. Literal niya akong pinakain ng pagmamahal sapagkat mahal na ang NFA, mahal na ang sardinas, mahal na ang asukal, at mahal na ang lahat ng matatagpuan sa palengke. Kahit nga ang isang sachet ng betsin ay naging dalawang piso na rin.
Pero alam ko, labis-labis ang pagmamahal niya sa akin. Gustuhin man niyang ibigay ang lahat ng naisin ko ngunit alam kong hindi naman makakasapat ang kakarampot naming kwarta.
Sa katunayan ay ginusto rin niya akong pag-aralin gaya ng ibang bata ngunit talagang hindi na niya kaya. Ang perang ibibili sana ng mongol at neon notes ay ilalaan na nga naman sa aming kumakalam na sikmura. Isa pa ay sabi niya, para sa aming mahihirap ay hindi naman daw uso ang edukasyon.
Nakakainggit sa tuwing makakasalubong ko ang ibang bata bitbit ang kanilang magagarang bag at suot ang plantsadong uniporme. Samantalang ako, sakong pinaglagyan ng pakain sa baboy at bakal na pangalahig ang kailangang bitbitin.
Kung makakapag-aral lamang sana ako, marahil ay makakaalis rin ako sa putik na kinasasadlakan ko ngayon.
Balak araw ay gusto ko ring magkaroon ng kotseng pula gaya nung isang ‘yon! Gusto ko ring magkaroon ng malaking bahay na mayroong terrace sa second floor gaya ng isang ‘yon! Gusto ko ring magkaroon ng isang malawak na bakuran na mayroong magandang hardin at swimming pool gaya ng isang ‘yon! At gusto ko ring magkaroon ng bahay na mayroong doorbell gaya ng isang ‘yon!
Basta lahat ng nakikita ko ngayon, gusto ko balang araw magkaroon din ako nun. Sana nga… Sana.
(Palihim na susulpot si author mula sa kanal na nilalakaran ni Kabnoy)
*Pagsasalaysay ni author habang nagdededicate ng isang kanta para kay Kabnoy…
I believe I can fly… tumalon sa tulay… kinagat ng crocodile… umuwi gutay-gutay…
Mababanaag sa mukha ni Kabnoy ang larawan ng isang binatilyong punung-puno ng pag-asa. Nakakapagtaka sapagkat sa kabila ng kanyang kalagayan ay nagagawa pa rin niyang mangarap nang napakatayog. May pabrika kaya si Kabnoy ng pag-asa? Sa puregold kaya niya nabili ang bungkus-bungkos niyang pagsusumikap? Pero nakapasok na kaya siya kahit isang beses sa loob ng puregold?
Makakasapat nga ba ang pagsisikap at lakas ng loob ni Kabnoy upang mahanap niya ang alaga niyang Garapata?
(Sa isang iglap ay nag-backstroke si author upang makabalik sa kanal niyang pinagmulan)
BINABASA MO ANG
Hanapin ang Nawawalang Garapata ni Kabnoy
AdventurePakinggan ang mga langitngit ng musmos na sumusuot saanmang singit mahanap lamang ang Garapatang ubod nang liit.