IKATLONG YUGTO – Bilog na ang Utot ni Kabnoy
*Pagsasalaysay ni author na kasalukuyan pa ring nagtatago sa kanal kapiling ang mga diapers, plastics, pinaglagyan ng coke float, supot at kung ano-ano pang garbage:
Gaya ng ibang kabataan, si Kabnoy ay tila nakakaramdam na rin ng paghanga. Hindi maikakailang nagbibinata na siya sapagkat bumibilog na ang kanyang utot. Kung gaano kabilog, walang nakakaalam pwera na lamang kung may mag-eeffort na sukatin ang circumference ng utot niya.
At ang babaeng nagbibigay ng kakaibang ngiti sa kanya walang iba kundi si…
Maria Regina Cristina Jenny Gail Manio Pili….. Mae for short.
Ano nga kaya ang nagustuhan ni Kabnoy sa babaeng ito bukod sa kanyang napakahabang pangalan?
*Point of view ni Kabnoy habang nagko-concert ang mga mata sa sobrang excitement:
Napakaganda talaga ni Mae. Tila isa siyang dyosang biniyayaan ng lahat ng salik ng karikitan.
Mapupungay ang kanyang mga mata na bahagyang pinalalamya ng make-up na simply pretty; maganda ang kurba ng kanyang mga kilay na wari’y umaakit sa akin upang umawit ng old mcdonald had a farm, iyah iyah oh…; mapupula ang kanyang mga labi na tila natural na pinatitingkad ng kanyang salivary glands; matangos ang kanyang ilong na kawangis ng tuka ng isang parrot na tumatambling; mala-rosas ang kanyang pisngi na halatang alaga sa ponds pinkish white glow; at tuwid na may katamtamang haba ang kanyang buhok na hindi mo kakikitaan ng kahit isang split ends.
Tunay na isa siyang anghel na nagplunking pababa dito sa lupa.
Bagamat ni minsan ay hindi pa ako nagkaroon ng pagkakataon upang makausap man lamang siya, hindi ko maitatangging labis-labis ang aking paghanga sa babaeng bumihag sa aking puso. Ito na nga ba ang tinatawag nilang pag-ibig?
Sa tuwing nasisilayan ko siya, para akong kinakagat ng isang makamandag na tarantulla – nakakaparalisa, hindi ako makakilos. Tila may kung anong nilalang ang gumagapang sa loob ng aking sikmura. Nakakakaba ngunit may halong kasiyahan. Nagmimistulang involuntary muscles ang aking mga labi sapagkat hindi ko mapigilan ang pagngiti.
Gusto ko na nga si Mae. Mahal ko nga ata siya.
Pero gustuhin ko mang makalapit, parang ayaw namang kumilos ng aking sariling mga paa; tila umuurong ang aking dila; at tila napapako na lamang ako sa aking kinalalagyan.
Marahil ay dulot na rin ito ng kahihiyan. Nahihiya ako sa kanya sapagkat isa lamang akong basurero samantalang siya ay isang anak-mayaman – may malaking bahay, may magandang sasakyan, at higit sa lahat ay nakakapag-aral. Samantalang ako, heto’t nagtsatsagang maghanap-buhay para may mailaman sa naghahamok kong lalamunan at tiyan.
Siguro mas makakabuti na lamang na magpatuloy muna ako sa aking destinasyon – sa aking sariling “paaralan”, sa lugar kung saan ko natututunan ang tunay na realidad ng buhay, sa kalye at basurahan.
Isa pa ay alam kong kesa gugulin ang aking oras sa pagmamasid sa kanya buong araw ay mas nararapat na mag-umpisa na akong maghanap ng pwedeng ipagbenta nang sa gayon ay makaipon na ako ng pera. At lalong higit ay para mahanap ko na rin ang aking alagang Garapata.
(Kaagad lilitaw si author mula sa tambutso ng magarang sasakyan nina Mae)
Muling nakita ni Kabnoy si Maria Regina Cristina Jenny Gail Manio Pili, labintatlong taong gulang at Grade 7 student sapagkat uso na ang K to 12.
Ano na nga kaya ang mangyayari sa sobrang cliché na istorya ng pag-ibig ng isang mahirap at mayaman? Maipagtatapat na nga kaya ni Kabnoy ang kanyang tunay na nararamdaman? Makakaipon na nga kaya siya ng limpak-limpak na salapi upang tuluyan na niyang mahanap ang kanyang alagang Garapata?
(Masyadong maikli ang exposure ni author kung kaya’t tatumbling muna siya ng labing-anim na beses habang nagpapacute sa saliw ng Gwiyomi bago tuluyang sumuot sa tambutsong kanyang pinagmulan)
BINABASA MO ANG
Hanapin ang Nawawalang Garapata ni Kabnoy
AventuraPakinggan ang mga langitngit ng musmos na sumusuot saanmang singit mahanap lamang ang Garapatang ubod nang liit.