Ang Iba't-ibang Mukha

2.1K 21 2
                                    

Ang Iba't-Ibang Mukha

Isa na siguro sa pinakamasayang lugar, lalong-lalo na sa ating kabataan ang ating mga silid-aralan—ang kwartong may apat na sulok na punong-puno ng iba't-ibang mukha, na may iba't-ibang ugali at paniniwala ngunit isa pa ring pamilya at hanggang sa dulo ay nagkakaisa. Ngunit gaano n'yo ba talaga kakilala ang isa't-isa? Alam n'yo ba ang katangian ng katabi mo? Nang nasa likod mo o 'yong mismong nasa harapan mo?

Marahil ay iba't-iba ang ugali ng mga estudyante sa loob ng silid-aralan. May kan'ya-kanyang labels o pagkakakilanlan. Atin nang alamin at kilalanin ang bawat estudyanteng ating nakakasalamuha sa tuwing tayo ay papasok sa ating mga silid-aralan. Unahin na natin ang mga clowns. Sino ba sila? Sila ay ang inyong mga kaklase na madalas gumawa ng punchlines at banat na talaga namang magpapahagalpak nang buong klase. Sila 'yong tipong pinapasaya kayong lahat tuwing ang klase ay seryoso. Karaniwan nilang ginagawan ng katatawan ang iba't-iba ninyong mga kaklase o 'di kaya nama'y ginagaya ang mga tinatawag nating mannerisms ng ating mga subject teachers.

Ikalawa, ang mga beauty queens and heart trobs. Sila 'yong tipong pang-Calvin Klein models at FHM cover girls ang dating. Magaganda ang hubog ng mga katawan at karaniwang maraming tagahanga. Sila ang mga karaniwang ipinapambato ng inyong section sa iba't-ibang beauty pageants ng eskwelahan katulad na lamang sa United Nations Day, Mr. and Ms. Intramurals o 'di-kaya naman ay Mr. and Ms. Foundation.

Ikatlo, ang mga teacher's pet. Hindi na bago ang tawag sa kanilang sipsip dahil madalas ay sila ang mga pinapaboran ng guro, karaniwang secretary ng inyong section at parating tagadala ng bags ng teachers. Ganoon pa man, sila din ang mga kaklase n'yong palaging nasa listahan ng topnatchers ang pangalan. Matatalino na may pagka-weirdo—iyan sila.

Ikaapat, ang mga bullies. Hindi naman porket sinabing bullies ay 'yong tipong mga nanlilibak ng kapwa o nanlalait nang pagkatao. Sila lamang 'yong mga taong mahilig sa tinatawag nating 'pang-t-trip'. Pwede silang duo, trio o mas higit pa sa lima, depende sa bilang ng kanilang barkada. Sila 'yong mga kaklase mong tuwing breaktime ay mag-i-ipon ipon sa iisang lugar at doon ay magtatawanan at pagkakatuwaan kung sino ang kanilang mga makita. Sila iyong kahit may seating arrangement na, pilit at pilit pa ring lilipat ng upuan. Karaniwan rin silang sanhi ng ingay ng buong klase.

Ikalima, ang mga easy-go-lucky at mga black sheep. Sila 'yong mga kaklase natin na palaging nakakakuha ng dalawang palakol. Karaniwang walang pakialam sa tinuturo nang guro at walang kasulat-sulat ang notebook. Kung meron man, puro ito drawings at kung anu-ano pang nakasulat katulad na lamang ng "Mahal khita. Fhorever 21" at ang mga palaging punterya ng mga teachers upang tanungin ng mga mahihirap na equations sa Algebra, Geometry o Trigonometry.

Ang ikaanim at huli, 'yong mga loner. Walang barkada at kung may kaibigan man, kakaunti lamang at mabibilang mo sa daliri. Palagi mo silang makikitang nakapasak ang earphones sa tenga o 'di kaya naman ay busy sa pag-te-text o ang pagbabasa ng isang makapal na libro. 'Yong tipong kakausapin mo pero pakiramdam mo ay wala s'yang pakialam at gana. Mahina ang boses at tipid ngumiti.

Iba't-iba man ang mukha at mga pag-uugali, hindi man magkakadugo ngunit higit pa sa barkada ang turingan. 'Yan ang estudyante sa loob ng silid-aralan. Hindi man perpekto ngunit solid at higit pa sa kapatiran ang nabuong samahan. Ikaw? Anong klaseng mukha ng estudyante ang mayroon ka? 


Feature ArticlesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon