Bes in Moderation
Ang tunay na magkakaibigan, naglalaitan. Ang tunay na magkakaibigan, nagbibiruan. Ngunit katulad ng pag-inom ng alak, pagbababad sa Facebook at paglalaro ng Pokemon Go, dapat may limitasyon ang lahat. Dapat alam natin kung hanggang saan tayo at kung gaano katalim ang salitang ating ipupukol lalo na't kaibigan natin ito. Sabi nga nila, 'Maglaitan dahil magkaibigan. Magbiruan dahil may pinagsasamahan pero dapat in moderation lamang.'
Isa ang pagkakaibigan sa pinaka-magandang relasyon na nabubuo rito. Bilang isang mga taong mayroong puso at nararamdaman, hindi lamang tayo pumipisil ng taong ating nagugustuhan bagkus, tayo rin ay gumagawa ng isang relasyon sa ibang mga taong itinuturing natin bilang kapatid, kahit na hindi natin kadugo--iyan ang kaibigan. Ang pakikipagkapwa-tao ay nasusukat kung hanggang saan mo kayang makisama. Ang pakikipagkapwa-tao ay nasusukat kung paano ka umakto. Ang pakikipagkapwa-tao ay nakabase sa iyong pagpapakatao. Ngunit isa sa isyu ng henerasyong ito ay kung papaano pa pakikisamahan ang iyong mga kaibigan na walang ibang ginawa kundi ang laitin ka. Oo't napakalago ng iyong social life, nag-po-post ka ng litrato ninyo ng mga kaibigan mong masayang kumakain sa fast-food chains, litrato habang naka-Dab at iba pa.
Marami ang mga kabataan ngayon na mayroong problema pagdating sa kanilang social life. Tila sa dami ng kaibigan nila, unti-unting lumalawak ang kanilang paligid ngunit unti-unti ring tumutubo ang mga halamang may iba't-ibang klase ng matitinik na halaman na kapag dumikit sa iyong balat ay mag-iiwan ng markang napaka-hapdi at napakasakit. Ganito ba ang kaibigan mo? Napipilitan ka lang ba na sila ay pakisamahan sapagkat natatakot kang mawalan ng kasama kapag nagtapat ka sa kanila?
Upang maiwasan ito, kailangan ninyo ng komunikasyon--oo. Tama ka ng nabasa. Komunikasyon ang dapat. Kailangan tapat kayo sa kung ano ang nararamdaman at sentimiyento mo sa kanila. Kailangan ay bukas kayo sa opinyon ng bawat isa. Ikalawa, dapat 'Bes in moderation' mode kayo dahil kahit na sabihin niyong 'Kaibigan ko naman 'yan. 'Di yan masasaktan sa lait ko! Masabihan nga ng mabaho itong si friend! Tsaka ang dami naman niyang pimples. Tsaka malait nga rin ang weight niyang pang-dambuhalang balyena!', may nararamdaman pa rin 'yan. Tao e, may puso, may isip, may nararamdaman. Kaya kahit na gaano kayo ka-close, kailangan ay alam natin ang ating limitasyon.
Kung alam mo naman na hindi ka na masaya sa pagkakaibigan niyo, at kung alam mong hindi na nag-wo-workout ang kung ano man ang pinagsamahan niyo dahil natatakot ka na iwan ka nila, na wala nang sumama sa 'yo pagkatapos, na wala ka nang mai-post sa social media accounts mo na pictures kasama ang mga kaibigan mo, ako na ang nagsasabi sa iyo, maawa ka naman sa sarili mo! Huwag kang maawa sa sarili mo sa pagdedesisyong iwan sila. Maawa ka dahil sugatan na 'yang puso mo at utak mo sa pagpipigil sa kahit na anong lait nila. Maawa ka sa puso mong pagod na pagod nang tumibok sa inis kapag sinasabihan ka nila ng kung anu-ano. Maawa ka sa isip mong isinisuka na ang mga salitang nanggagaling sa bibig nila. Ano ba ang mas pipiliin mo? Araw-araw na maingay kasama ang tinatawag mong kaibigan habang tila nabubuhay ka sa mala-bangungot na panglalait nila, o ang mapag-isa nang walang kahit anong tinik sa dibdib?
Sa dami ng populasyon sa mundong ito, ako na ang magsasabi sa 'yo, mayroon d'yang mas maayos na mga kaibigan. Hindi mo lang nakikita kasi takot ka. Huwag mong limitahan ang iyong pakikipagkaibigan sa mga taong hindi ka itinuturing na tao. Mayroong mas totoo sa kanila, mayroong mas masayang kasama, mayroong mas mabubuti. Huwag mong ikulong ang sarili mo sa kahong masikip, bagkus, lumabas ka at ilibot ang iyong mga mata. Bakit mo ikukulong ang sarili mo sa loob ng isang karton, kung sa pagbukas mo rito'y makikita mo ang mas magandang kabuuan ng mundong iyong pinagtataguan?
At ito ang tandaan mo: Ang pakikipagkaibigan ay parang wika. Ito ay arbitraryo. Hindi ipinipilit. Kusang lumalabas. Natural na naipapakita. Kaya kung alam mong nagiging artipisyal na, kaibigan, bumitaw ka na. Sapagkat marami pang iba na naghihintay lamang na kaibiganin mo sila.
BINABASA MO ANG
Feature Articles
RandomBecause Division School's Press Conference 2015 is near, I decided to create this one. This will be my collections of Feature Articles regarding the latest news and trends. Enjoy everyone! NOTE: Plagiarism is a crime, honey. ;) COMPLETED