Nilalang
Bahagi ng aking pagkabata ang pagkamulat sa iba't ibang kwento tungkol sa mga multo, maligno, engkanto, at iba pa lalo na sa mga laman lupa, sapagkat sa aming kasalukuyang tinitirhan ay ilang beses na naming naka engkwentro ang ganitong uri ng mga nilalang.
Ngayong 25 taon na ako, patuloy pa rin naming nararanasan ang mga hindi maipaliwanag na insidente sa aming bahay sa Sampaloc, Maynila. Dito kasi ay maraming elemento ang nakikisama sa amin. Kwento ng aking Lola Fausta nung nabubuhay pa ito, dati raw isang malawak na bakanteng lote ang tinitirikan ng aming lumang bahay. Pinalilibutan daw ito ng matataas na talahib at malalagong halaman. May mga nagsasabi na naging tapunan pa ito ng mga bangkay ng mga sinalvage noon.
Sa aming likod-bahay ay mayroong malawak na lugar kung saan kami nagsasampay ng mga nilabhang damit, kung saan kadalasang nagpaparamdam at nagpapakita ang mga laman lupa.
Minsan, habang naglalaro sa bahaging iyon ang aking 7 taong gulang na pinsang lalaki, nang bigla na lang may sumipol sa kanya at tinawag ang kanyang pangalan. Maliit daw ang boses nito at inakala pa niya na isa sa kanyang mga kalaro na nagbibiro sa kanya. Hinanap niya ang pinanggalingan ng maliit na boses ngunit wala naman siyang nakita. Wala naman kasing tao ng mga oras na iyon dahil katanghalian at kadalasa'y nagpapahinga.
Nakaranas rin ng kakaibang karanasan ang aking Tita Gigi ng isang gabi ay nagsasampay siya ng kanyang nilabhang kumot ng bigla na lang may naaninag siyang maliliit na liwanag sa gilid ng mga paso. Marami kasing paso roon na pinagtatamnan ng mga halamang gamot at orkidyas.
Hindi maipaliwanag ni Tita Gigi kung namamalikmata lang ba siya o nananaginip ng gising. Nilapitan niya ang pinagmumulan ng mga mumunting liwanag. Nagulat siya sa kanyang nakita, mga malilit na sasakyan na kulay ginto na pinatatakbo ng mga maliliit na nilalang. Hindi niya malaman kung dwende ba ang kanyang nakikita o kung anuman. Maliliit sila at may mahahabang tenga. Sa sobrang takot, agad siyang pumasok sa loob ng bahay at nagkulong sa kanyang silid.
Isang araw, ako naman ang nagkaroon ng pagkakataon na maka engkwentro ang isang naiibang nilalang. Alas 5 ng hapon ng utusan ako ni Nanay na magpinaw ng mga sinampay sa likod-bahay. Habang pinipinaw ko ang mga pinatuyong damit ay naisipan kong awitin ang "malayo pa ang umaga".
Malapit na ako sa lyrics ng awit ng mayroon akong narinig na boses ng isang batang babae na sumasabay sa aking pag-awit subalit hindi ko naman maintindihan ang kanyang sinasabi. Hindi ko malaman kung anong lenggwahe ang lumalabas sa kanyang bibig ngunit ang melodiya ay tugma naman. Tinangka kong hanapin kung sino at saan nanggagaling ng boses ngunit hindi ko iyon mahanap. Imposibleng may batang nagbibiro sa akin dahil ang parteng iyon ng aming bahay ay tago at pinalilibutan ng mataas na pader.
Hindi ko iyon pinansin subalit habang tumatagal ay lumalakas ang boses na animo'y sumisigaw na. Muli kong hinanap ang pinanggagalingan ng malakas na boses na iyon nang may namataan akong isang batang babae. Nakatayo siya sa tabi ng malaking puno ng mangga na nasa loob ng aming likod-bahay. Hindi ko nakita ang kanyang mukha dahil natatakpan iyon ng kanyang mahaba at malagong buhok. Nakasuot siya ng kulay gintong bestida at sapatos.
Hindi ko siya kilala, ngayon ko lang siya nakita. Inakala ko na baka anak siya ng isa sa aming kapitbahay kaya tinanong ko siya kung ano ang kanyang pangalan at kung ano ang kanyang kailangan. Hindi siya sumagot, nakatitig lang siya sa akin at marahang hinawi ang kanyang mahabang buhok na tumatakip sa kanyang mukha. Maamo naman pala ang kanyang mukha. Bilugan ang kanyang mga mata, matangos ang ilong at mayroong mamula-mulang labi, subalit isa sa napansin kong kakaiba sa kanyang anyo ay wala siyang kilay na tila ba inahit ito. Walang tinig na nagmula sa kanya, sa halip ay ngiti lang ang kanyang isinukli sa akin. Hindi ko inasahan na ang sumunod na eksena ay makapagbibigay sa akin ng kilabot.
Tinanong ko siyang muli kung siya ba ang narinig kong sumabay sa akin sa pag-awit. Pagkabigkas ko ng aking huling salita ay agad na nag-iba ang kanyang mukha. Ang kanyang ngiti ay napalitan ng seryosong anyo. Naging matalim ang kanyang mga tingin na tila ba kakainin ako ng buhay. Akala ko'y susugurin niya ako sa aking kinatatayuan subalit tumalikod ito at mabilis na nagtago sa likod ng puno. Ewan ko ba kung bakit sinundan ko pa siya sa kanyang pinagtataguan ngunit laking gulat ko ng makitang wala na siya roon. Imposibleng may madaanan siya palabas dahil nga mataas ang nakaharang na pader sa likod nun. Kahit ako'y mahihirapang makaakyat dun. Hindi ko siya nahagilap sa buong lugar. Doon na ako tinayuan ng balahibo sa aking buong katawan at para bang gusto kong sumigaw ng malakas at maghihiyaw. Maraming tanong ang sumagi sa aking isip, sino ang batang iyon?, saan ito nagsuot?, bakit bigla itong naglaho?, anong uri siya ng nilalang? Mga tanong na nais kong mabigyan ng kasagutan.
Naikwento ko iyon sa aking Tita Tess, asawa ng kapatid ng aking tatay. Bukas ang kanyang third eye at sanay na makakita ng multo, at mga laman lupa. Totoo daw na may mga laman lupa. Nagpasama siya sa akin sa likod-bahay at tama nga ang kanyang hinala, mayroong mga laman lupa na naninirahan doon.
Ang batang babae at ang mga maliliit na tao na nakita ni Tita Gigi ay mga laman lupa. Ito daw ang kanilang tunay na anyo, maliliit at kawangis ng dwende. Isa daw sa kanila ang posibleng nagpakita sa akin. Marahil ay nasa anyong bata ito upang maikubli ang tunay nitong kaanyuan.
Sa ngayon ay sanay na kami sa kanila. Hindi na lang namin sila pinapansin. Tanggap na namin na parte na rin sila ng aming pamilya at ng aming pamumuhay.
BINABASA MO ANG
MIDNIGHT HORROR STORIES | COMPLETED
HorrorMIDNIGHT HORROR STORIES Mga kuwentong nakakatakot na likha ng ating malilikot na imahinasyon. Huwag tatangkain magbasa kung hindi mo kakayanin... #2 #Horror #10 #Paranormal