Chapter 3.1

582 27 2
                                    

She was sleeping soundly when she was awakened by a phone call. Lazily, she grabbed the phone on the night table. When she looked on the screen, there were seven missed calls, all came from Cecile, Isadora's secretary.

Sinulyapan niya ang relong pambisig, alas-tres nang umaga. Ikatlong araw niya sa resort na ito.

Bigla siyang kinabahan. Bakit biglang tatawag sa kanya si Cecile? At sa oras pang ito? Sigurado siya na hindi work related ang tawag na ito ng secretary dahil bago siya nag-file ng bakasyon sa opisina ay sinigurado niyang tapos ang lahat ng trabaho niya.

Maagap niyang pinindot ang answering button.

"Hello, Cecile? Bakit napatawag ka?" Halos hindi niya mahintay ang sagot sa kabilang linya.

"Hello, Selene? Naku, buti at nakontak kita. Kanina pa ako tumatawag sa iyo..." wika ng tila umiiyak na tinig.

"Bakit nga?" inis na tanong niya.

"Si Sir Ador kasi..."

"Bakit? Ano ang nangyari sa kanya?" Napabalikwas siya nang bangon. Sa isang iglap ay nawala lahat ang antok niya.

Alas-tres y media ng madaling araw ay heto siya at matuling nagmamaneho. Mula sa probinsya ng Zambales ay mabilis niyang binabaybay ngayon ang kahabaan ng Olongapo City. Ni hindi na niya pinalitan ang suot na pink pajama na may mga larawan ni Hello Kitty. At ipinusod lang niya ang mahabang buhok. Mabuti na lang at napakaaga pa, wala halos ibang sasakyan sa kalsada. Nasa 160 kph na siya at gusto pa niyang dagdagan. Alalang-alala siya sa matalik na kaibigan na ayon kay Cecile ay nasa ospital ngayon at nasa malubhang kalagayan.

Natagpuan daw ng mga pulis si Isadora sa tabi ng kalsada sa Old Balara, Quezon City ilang metro ang layo sa Capitol Hills Golf and Country Club. Nakahiga sa damuhan, duguan at tila nag-aagaw buhay na. Sa itsura ay pinahirapan ito nang todo saka itinapon sa gilid ng kalsada. Wala ang mahahalagang gamit tulad ng wallet at cell phone, maging ang mamahaling Montero nito ay tinangay ng mga masasamang-loob na gumawa sa kanya nang ganoong kalapastanganan.

Carnapping daw ang unang tinitingnang anggulo ng mga pulis. Ngunit may iba pa, sa dahilang binugbog ito nang todo at halos patayin pa.

Napakagat-labi siya. Kilalang-kilala niya ang kaibigan. Kung kaya sumasang-ayon siya sa ikalawang suspetsa ng mga pulis.

Maraming atraso si Isadora, hindi sa mga babae siyempre, kundi sa mga lalaki, correction, sa mga naging lalaki nito.

Sa biglang tingin ay hindi mo aakaling bakla si Adorable Ortega. Matangkad at malaki ang katawan nito, at guwapo. Pero yung tipong guwapo na hindi papasa sa panlasa niya. Maputi at sobrang kinis ng katawan, taliwas sa tipo niya sa lalaki na ruggedly handsome. Ngunit kung hindi mo ito kilala nang lubusan ay hindi mo malalamang isa itong bakla. Mahusay itong magpanggap. Sa kanya lang ito naghuhubad ng mascara kapag magkasama sila, and of course, sa harap ng mga boyfriend o mga naging boyfriend nito.

Ulilang lubos na ito. Wala siyang kilala ni isa nitong kamag-anak. At kapag nagha-heart to heart talk sila, palagi nitong sinasabi na siya ang ininuturing nitong pamilya. Kungsabagay, teen-ager pa lang siya nang aksidenteng makita nito na palakad-lakad sa isa sa mga kalye sa Davao noong minsang mamasyal ito roon. Kinausap siya nito, pinakain at nang malamang walang pamilyang uuwian ay nagmagandang loob na isama na lang siya sa Maynila. Pinapag-aral siya nito sa kolehiyo hanggang makatapos at sa bandang huli, nang hindi siya makatagal sa mga trabaho niya ay kinuha siya bilang isa sa mga coordinator ng maunlad nitong wedding planning business, ang The Knots Unlimited.

Walang nakakaalam ng mga pinaggagawa nito sa buhay maliban sa kanya. Isa itong sociopath. Isang uri ng sakit sa utak na kadalasang taglay ng mga taong nabibilang sa third sex.

It was past five when she reached East Avenue Medical Center. Agad siyang nagtanong sa information desk. Sinabi sa kanya ng nurse na inilipat ang kanyang kaibigan mula sa emergency room patungo sa incentive care unit. Parang may pakpak ang mga paa na tinungo niya ang kinaroroonan ng ICU.

Sa labas ng ICU ay nadatnan niya roon si Cecile. Mas bata ito ng ilang taon sa kanya. Maganda ngunit may kaliitan. Agad itong yumakap sa kanya sabay hagulhol. Napansin din niya ang tatlong lalaki na nakatayo rin sa labas ng silid. Nahinuha niyang mga pulis ito base na rin sa anyo at tindig. Nakatingin lang ang mga ito sa kanila ni Cecile. Waring binibigyan sila ng pagkakataon na mag-usap.

Maya-maya ay lumapit sa kanila ang isang pulis. Nakasuot ang dalawang kamay nito sa magkabilang bulsa ng suot na itim na jacket. Bahagya pa itong umubo bago nagsalita.

"Miss Samonte?" tanong nito sa baritonong tinig.

Dagli niyang inilipat ang mga mata sa lalaki. Bahagyang napaawang ang mga labi niya. Paano'y hindi niya inaasahan na ganito kaguwapo ang pulis na nagmamay-ari ng tinig na iyon. Matangkad ito, malapad ang balikat at dibdib, moreno ang kulay ng balat at itim na itim ang buhok, bahagyang singkit ang mga mata na binagayan ng makapal na kilay.

"Miss Samonte? Are you Miss Selene Samonte?" ulit nito.

Narinig niya ang tanong nito ngunit tila wala siyang lakas na sumagot. Napako ang mga mata niya sa kaguwapuhan nito. My goodness! Ito na yata ng pinakaguwapong lalaki na nakita niya sa buong buhay niya.  

My Drifting StarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon