Caimito
Mahal, naaalala mo pa ba yung paborito nating puno sa dulo ng parke? Paborito natin ang punong iyon dahil sa maraming dahilan. Bukod sa konti ang tao sa lugar na yun at masarap ang simoy ng hangin, naging malaking parte ito ng buhay natin.
Doon, sa mismong kinatatayuan ng punong iyon… Doon ko unang nakita ang babaeng mamahalin ko, hindi lang ng pang habangbuhay ngunit hanggang sa kabilang buhay. Sampung taong gulang lamang ako noon. Anong malay ko sa salitang pag-ibig? Pero nang sandaling nasilayan ko ang mukha mo, bumilis at bumagal ang tibok ng puso ko. Maraming bagay pa ang hindi ko alam sa mundo nang panahong yun pero siguradong sigurado na ako na yung siyam na taong gulang batang babaeng umiiyak sa harap ko dahil nawawala siya; ang batang iyon ang mamahalin ko ng walang hanggan.
Sa punong iyon, doon ko rin unang sinabi sayo ang mga salitang “Mahal kita.” Tulad ng una nating pagkikita sa lugar na yun, umiyak ka. Pero sa pagkakataong ito, umiyak ka hindi dahil sa nawawala ka ngunit dahil natagpuan kita. Niyakap mo ko at sinabing mahal mo rin ako. Naaalala ko, ang punong iyon din ang saksi sa una nating halik. Nagulat nga ako noon e. Bigla ka kasing pumikit at ngumuso. Napangiti ako noon, ang kyut mo kasi. Pero alam mo ba? Ang halik na iyon ang pinakamatamis sa lahat, ang pinaka espesyal.
Hindi lang masasayang alaala ang nasaksihan ng punong iyon. Naaalala mo ba yung panahong nag-away tayo? Sinigawan mo ko habang walang tigil ang pagtulo ng luha sa mga mata mo. Pero ang dumurog sa puso ko ay nang sabihin mong maghiwalay na tayo. Ang gago ko noon kasi hinayaan kitang tumalikod at maglakad palayo. Ang gago ko kasi hindi kita hinabol. Nagkalayo tayo ng maraming taon. Nag-aral ka ng kolehiyo sa Maynila habang ipinadala naman ako ng mga magulang ko sa ibang bansa. Tumahak tayo ng magkaibang daan; nagmahal ng iba. Pero sa huli, tayo pa ring dalawa. Laking tuwa ko nang magkita tayong muli makalipas ang anim na taon, sa harap ng mismong punong iyon. At nang mga sandaling iyon? Ipinangako ko sa sarili kong hindi na kita hahayaang lumayo.
Naging saksi rin ang punong iyon nang lumuhod ako sa harap mo upang hingin ang kamay mo. Ako na yata ang pinakamasayang nilalang sa mundo nang sabihin mong, “Oo, pakakasal ako sayo.” At pakiramdam ko ako na ang pinakamaswerteng lalaki sa mundo sa tuwing panonoorin kong naghahabulan doon ang mga anak natin habang hawak ko ang mga kamay mo. At hindi ka bumitaw, animnapu’t dalawang taon man ang lumipas.
Patawad. Patawad dahil paulit ulit kitang pinaiyak sa harap ng paborito nating puno nang unti-unti na kitang nalilimutan. Hindi ko naman ginusto yun. Pero mahal, ilang ulit mang makalimot ang utak, ang puso ko, kailanman, hinding hindi ka malilimutan. Kaya heto ako ngayon, sumusulat sayo upang sabihing naaalala ko na ang lahat. Naalala ko ang lahat mula nang bumitaw ako sa kamay mo’t hinangin ang dahon ng paborito nating puno. At simula ngayon, hinding hindi na kita malilimutan. Ipinapangako ko sa harap ng paborito nating puno.
Salamat, mahal. Dahil pinasaya mo ko sa loob ng maraming taon. Salamat at binigyan mo ko ng pagkakataong hindi lang maging asawa sayo kundi maging ama sa mga anak natin. Salamat at hindi ka bumitaw kahit kulu-kulubot na ang mga kamay ko. At higit sa lahat, salamat dahil minahal mo ko ng walang sawa.
Gayunpaman, gusto kong humingi ng tawad…dahil iniwan na kita; dahil mag-isa ka na lang ngayon sa harap ng ating puno. Patawad dahil wala na ko para hawakan ang kamay mo. Patawad dahil wala na ako para punasan ang mga luha mo.
Pero…hindi ditto natatapos ang lahat, mahal ko.
Mag-aantay ako.
Mag-aantay ako, Mahal.
Mag-aantay ako sa muli nating pagkikita…sa harap ng puno ng caimito.

BINABASA MO ANG
Heaven's Mailbox
Ficción General...because love continues even if its over. Copyright © 2013 by prettychq18 All rights reserved. NO part of this publication may be reproduced, distributed, or transmitted in any form or by any means, or stored in a database or retrieval system, wit...