Ayos ka lang ba? Pasensya na. Okay na ba sa 'yo ang ganitong view? Tahimik...langhap mo ang sariwang hangin at ang hampas ng alon sa malawak na kalangitan ay nakaharap sa 'yo. Nag-aanyaya sa iyong mga mata. Alam ko...oo napakaganda niya. Napapangiti na lang ako habang pinagmamasdan ang asul na langit. Alam ko ito ang gusto mo. Naaalala ko pa noong mga bata pa tayo. Ganitong panahon talaga ang gusto natin para makapaglaro sa labas. Nakaka-miss talaga ang mga pagkakataong iyon. Pero alam mo, lubos akong nagpapasalamat at sa wakas kasama na kita ngayon.
Maaari ba akong maglagay ng upuan sa iyong tabi? Gusto ko kasing silayan ang magandang tanawin na ito kasama ka. Gusto ko rin kasing isandal mo ang ulo mo sa aking balikat. Gaya nang ginagawa mo noon. Alam ko nahihirapan ka ngayon. Marahil ay dala ng pagod, ng antok...ng anumang bumabagabag sa iyong isip. Gusto ko sanang kalimutan mo muna ang mga problema. Na'ndito tayo sa lugar na ito upang magsaya. Tanggalin muna natin ang lungkot, takot at agam-agam. Walang lugar ang mga ganoong bagay sa ganito kagandang lugar. Alam kong ito ang pangarap mo. Ang makapunta sa lugar na ito. Naaalala mo ba dati? Noong mga bata pa tayo. Lagi mong sinasabi na gustong-gusto mong makakita ng ganitong klaseng lugar. Natatawa ako sa 'yo kasi ang sabi mo noon ay nakita mo sa TV ang ganitong klaseng view. Alam mo kung ano ang sinabi mo?
"Na-inlove talaga ako sa lugar eh!"
"Huh? Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng inlove?" tanong ko sa 'yo.
Tumitig ka lang sa akin nang matagal. Nalukot ang iyong mukha at ilang segundo kang hindi nakasagot. Tawa ako nang tawa noon. Marami ka na sigurong natutunan noon pa sa TV, kahit ang salitang love. Pero noon...talagang hindi pa natin alam kung ano nga ba ang pagmamahal, kung ano ang pakirmdam ng mahalin at magmahal. Mga bata lang tayo noon. Walang kamuwang-muwang sa buhay. Walang inatupag kundi ang maglaro, ang magsaya, magpawis magdamag sa kakatakbo at halos hikain na sa kakatawa. Napakasarap balikan ano? Pero mas masarap namnamin ang ganitog pagkakataon na kasama kita. Sana hindi na umikot ang mundo, dahil ang gusto ko lang ay magpahinga sa piling mo.
Ayos ka lang ba? Nahihilo ka ba? Huwag kang mag-alala. Maiibsan din ang sakit na nararamdaman mo. Pumikit ka lang. Isandal mo ang ulo mo sa aking balikat. Pakinggan mo lang ang himig ng alon, yayakapin kita sa aking bisig para hindi ka lamigin. Ikukwento ko sa 'yo lahat. Ang lahat ng bagay na nagpasaya, nagpalungkot at nagbigay sa atin ng dahilan upang maniwala na totoo nga ang kapalaran. Na minsan tayong pinaglaruan...at pinagtagpong muli.
_____________________________
Katherine D. Gil. Napakasimpleng pangalan. Iyon ang pangalan mo. Una ko iyong nakita sa malaking ID na sinusuot mo noon sa school. Grade 1 pa lang tayo noon sa isang eskwelahan sa Bulacan. Naka-pony tail ka pa noon at parang hiyang-hiya dahil panay ang yuko mo sa tuwing titingnan ka ng iba nating mga kaklase. Tahimik lang din ako noon at pasimpleng sumusulyap sa 'yo. Napakaamo kasi ng mukha mo. Ang cute mo pang tingnan dahil sa mga kilos mo ay parang ang liit-liit mo samantalang ang laki naman ng classroom natin. Nakakatuwa kang tingnan noon. Hindi ko nga lang pinapahalata sa iyo na natutuwa ako. Minsan mo na akong tiningnan noong unang araw natin. Hindi ko alam kung sinadya mo ba iyon o aksidente lang. Bigla ka kasing yumuko nang makita mong nakatingin ako sa 'yo. Ako naman ay bigla ring umiwas. Hindi ko nga alam kung pagkatapos noon ay tiningnan mo pa rin ako. Nakaupo ka kasi sa likuran ko kaya hindi ko makita kung ano na ang ginagawa mo.
Ang mga sumunod na pangyayari ang higit na nakapagpasaya sa akin noong araw na iyon. Pinaghanay ng ating teacher ang mga upuan sa tigdalawa. Ang ayos ay naaayon sa magkakatabing lalaki at babae. Hindi ko alam kung tadhana ang humalili sa mga pangyayari dahil pinagtagpo tayo ng dalawang upuan na iyon. Dalawang upuan na magkatabi sa gitna at hulihang bahagi. Nakakatuwang isipin pero hindi ako umimik noon. Nahihiya ako, hindi ako makakilos nang normal...o siguro hindi ko pa talaga alam kung paano nga ba ang kumilos nang normal.
Hindi ka rin makaimik noon. Nilalaro mo lang ang mga kamay mo at pinipisil nang paulit-ulit. Alam kong kinakabahan ka. Alam ko ang pakiramdam dahil iyon din ang ginagawa ko noong mga panahong katabi kita. Tinitingnan kita pero kapag ipapaling mo na ang ulo mo sa direksyon ko ay agad akong umiiwas. Napapasimangot ka pa noon at unti-unti mong inilalayo ang upuan mo sa akin. Siguro iniisip mo na ang weird ko. Huwag kang mag-alala. Iyon din naman ang iniisip ko tungkol sa sarili ko. Baka mas malala pa nga. Pero naging ganoon siguro ako dahil sa 'yo. Torpe, duwag, mahiyain...lahat na siguro. Ikaw ang pinagsimulan ng kamalayan ko.
Napansin ko ang paglayo mo noon sa akin kaya't inabot ko ang aking kamay sa 'yo.
"A-ahh...Ronnie, Ronnie ang pangalan ko."
Hindi ka nagsalita. Tinitigan mo lang ang kamay ko nang halos tatlong segundo. Matapos noon ay iniwas mo na ulit ang tingin mo.
"Katherine? Taga-saan ka?" pinatay ko na ang hiya ko.
Pero sa totoo lang ay daig pa ng mga nagtatakbuhang klabaw sa bukid ang pagkabog ng dibdib ko. Hinihingal pa nga ako noon habang nakatingin sa 'yo.
"Paano mo nalaman ang pangalan ko?" tanong mo.
Doon ako napangiti. Marunong ka rin naman palang sumagot. Marahil ay nahihiya ka dahil unang araw lang natin sa bagong mundong ginagalawan. Napangisi ako. Hindi dahil sa natutuwa ako dahil sinagot mo ang tanong ko. Dahil siguro sa nakasulat na pangalan mo sa pagkalaki-laki mong ID.
"Nakakapagbasa ka na?" tanong mo sa akin.
"A-ah oo. Si nanay kasi ang nagtuturo sa akin. Dapat daw marunong na akong magbasa at magbilang. Ikaw?" tanong ko sa 'yo. Hindi mo sinagot ang tanong ko. Lungkot lamang ang ipininta ng iyong mukha habang umiiling.
Hindi ko ginustong malungkot ka noon. Siguro masyado lang akong dinidisiplina ng mga magulang ko kaya't maaga kong natutunang magbasa, magsulat at magbilang. Hindi mo dapat ikalungkot ang mga bagay na gusto mong matutunan. Kasi sa huli, matututunan din naman natin ang mga bagay na kailangan nating malaman. Gustuhin man natin o hindi.
Para lang maibsan ang naramdaman mong kalungkutan ay binigyan kita ng isang candy. Agad mo iyong kinuha, nginitian mo ako nang matamis at inilapit na sa akin nang bahagya ang iyong upuan.
"Puwede ba kitang maging kaibigan?" iyon ang tanong mo sa akin. Ngumiti ako, hindi ko alam kung paano ko sasabihin. Basta ang alam ko ay ngumiti lang ako.
BINABASA MO ANG
Tagu-taguan
Romance"Tara laro tayo!" "Anong laro naman ang gusto mo?" "Tagu-taguan...ikaw ang taya ha?" "Haha sige sige gusto ko 'yan!" "Oh dali! Dali na takpan mo na ang mga mata mo tapos bilang ka hanggang sampu ah?" "Tapos hahanapin kita?" "Oo hahanapin mo 'ko. Kap...