Walo...

274 22 2
                                    

Napakasakit isipin na kinayang gawin iyon ng sarili kong ina sa aking ama. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya noong mga panahong iyon.

"Mahal na mahal ko 'yang papa mo," yan ang lagi niyang sambit noon.

Hindi ko lubos maisip na ganoon pala kasakit magmahal. Sinubukan niyang angkinin ang pagmamahal ni papa. Iyon pala ang magiging resulta ng pag-angkin niya, ang pagkulong niya sa puso at damdamin ng aking ama ay sumobra. Huwag kang mag-alala Kath. Hindi ko kayang gawin ang bagay na iyon sa'yo. Hindi...hindi ko kaya. Hindi ko puwedeng gawin iyon sa'yo. Hi-hindi.

Makalipas ang ilang linggong paghahanap ng DSWD sa aking mga kamag-anak ay napagdesisyunan na lamang nilang kupkupin ako. Wala na akong kamag-anak. Kinalimutan na nila akong lahat. Hindi ko alam kung bakit kinailangan nila akong pagtaguan. Marami ang nagsasabi na baliw raw ang aming pamilya, salot daw kami na dapat ay iniiwasan. Wala akong alam sa kanilang mga sinasabi. Ang alam ko lang noon ay ang salitang pag-iisa at ang salitang kalungkutan. Bakit ganoon Kath?Bakit ba ako iniiwan ng mga taong malapit sa akin? Bakit ako iniiwan ng mga taong mahal ko? Kung sino pa ang iilang taong nagmahal sa akin ng totoo, sila pa ang lumilisan? Iniwan mo na akong minsan. Pati ang mga magulang ko iniwan din ako. Siguro ganito talaga ang kapalaran ko. Unti-unti ko rin namang natanggap Kath. Iyon ang natutunan ko, ang tanggapin na hindi lahat ng mahalaga sa buhay natin ay nagtatagal. Gaya ng isang malayang ibon, kailangang palayain ang ibon na iyon upang makita niya ang sarili niyang pugad. Pero nasa akin ka na Kath at pinili mong muli akong makapiling at hindi na kita pakakawalan pa.

______________________________

"Ronnie Elipio," tawag ng isang matabang babae sa akin.

Nakaupo lamang ako noon sa isang hilerang upuan sa puting hallway ng isang ospital. Tila tuliro at walang malay. Tila isang patay sa gitna ng dilim. Hindi ko na gustong makita pa ang liwanag noong mga panahong iyon. Hindi ko na rin kilala ang aking sarili.

"Ronnie Elipio!" muling sigaw ng matabang babae.

Sa sigaw na lamang na iyon ako muling nagising. Unti-unting pumihit ang aking leeg, ang aking mata ay dahan-dahang hinanap ang kanyang mukha. May kakaibang takot akong nakita sa kanyang mga mata. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lamang kung titigan niya ako sa aking mga mata. Hindi niya ginustong lapitan ako kaya't tumawag siya ng ilang lalaking nurse upang ako ay kunin. Hawak ang aking balikat ay naglakad kami sa hallway ng ospital na iyon. Masasabi kong hindi iyon isang ordinaryong ospital. Ang mga kwartong iyon ay mayroong naglalakihang mga salamin na nagsisilbing pader. Sa loob ng bawat kwarto ng ospital na iyon ay may isang kama kung saan makikita ang ilang sinturon na nagsisilbing tali sa bawat kamay at paa kung sino mang hihiga doon. Isang pamilya at ilang magkakaibigan pa ang aking nakitang nakatayo sa gilid ng salamin na pader ng isang kwarto. Nag-iiyakan ang karamihan sa kanila. Sinilip ko ang kwartong iyon at nakita ang isang binatang tumatangis. Hindi nakatali ang kanyang mga kamay at paa, tumatangis lamang siya habang nakasara ang kanyang mga tuhod at braso sa kanyang mukha.

"Mrs. Karingal, puwede na po tayong pumasok," wika naman ng isa sa dalawang lalaking doktor.

Muli akong lumingon sa iba pang kuwarto. Hindi nga iyon isang ordinaryong ospital. Isa iyong ospital ng mga baliw. Pero bakit? Hindi ko malaman kung bakit sa ganoong klaseng ospital ako dinala. Sumunod lamang ako sa pinapagawa ng mga nurse sa akin. Pinainom nila ako ng gamot, tiningnan ang aking mata, ang aking paghinga, at ang mga sugat sa aking braso at kamay. Hindi ko nga alam kung paano ako nagkaroon ng sugat sa iba't-ibang parte ng aking katawan. Ang alam ko lang ay hindi ako nakakaramdam ng sakit sa mga sugat na iyon. May kakaibang sakit akong nararamdaman, sa aking kalooban, sa aking puso...sa aking isipan.

Ano nga ba ang ibig sabihin ng buhay? Sapat na bang humihinga lang ang isang tao para masabing buhay siya? Sapat na bang malaman ang pakiramdam ng sakit, saya, at lungkot para lang masabing buhay ka? Paano kung hindi ko na maramdaman ang mga bagay na iyon? Masasabi pa kayang buhay pa ako?Dahil sa totoo lang noong mga panahong iyon...wala na akong nararamdaman.

Maswerte pa ako kung maituturing, pinag-aral ako ng institusyon na bumubuhay sa akin. Hindi man ako nagkaroon ng kamalayan sa pagkakataong iyon ay alam kong may mararating ako. Nakapag-aral ako sa high school at binigyan ng kursong vocational ng isang sangay ng gobyerno na nagseserbisyo sa mga mahihirap. Hindi man pinalad na makapag-aral sa kolehiyo ay tinanggap ko na rin ang kursong mekaniko. Pinagsikapan kong maigi ang aking pag-aaral. Madalas mang tulala ay pinipilit ko na lamang iwaksi ang aking nakaraan.

"Hindi 'yan makakatulong sa 'yo.Kaya't kalimutan mo," iyan ang sabi ng doktor sa akin. Patuloy pa rin ako sa pag-inom ng gamot na ibinibigay nila sa akin noon Kath. Kapag naaalala ko ang nakaraan ay umiinom na lamang ako ng gamot.

"Mag-isip ka ng masasayang bagay," 'yan ang sabi ko sa sarili ko.

Ang masasayang bagay na natira sa aking alaala ay ikaw Kath. Ikaw lang ang naaalala ko sa tuwing gusto kong maging masaya at positibo ang aking araw. Kumusta ka ba noong mga panahong iyon? Kumusta na kaya ang minamahal ko? Matatanggap niya pa kaya ako kung malaman niyang ito na ang buhay ko ngayon? 'Yan ang mga katanungan ko sa aking isipan Kath. Paano nga ba maging masaya kung wala ka? Walang silbi ang buhay na ito kung wala ka. Mahal kita Kath.Mahal na mahal kita. Noon ko lang naisip na hindi pala simpleng damdamin ang nadarama ko para sa 'yo. Mahal kita. Sobrang mahal kita. Kung may pagkakataon lang sana ako...kung may pagkakataon lang na makita kang muli ay lulubos-lubusin ko na. Kung hindi ibigay sa akin ang pagkakataon ay ako na ang gagawa ng paraan. Hahanapin kita Kath. Kung iyon lang ang paraan para mapalapit sa 'yong muli ay iyon ang gagawin ko.

Ngunit dumating ang araw na iyon. Regalo ka talaga ng Diyos sa akin Kath. Muli kitang nakita sa hindi inaasahang pagkakataon at pangyayari.

Tagu-taguanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon