Isang pamilyar na mukha ang aking nakita sa gitna ng nagkukumpulang mga tao. Pasakay ako sa MRT noon habang isang babae ang binalya ng isang mamang nakasuot ng dumihing t-shirt. Hindi iyon pinansin ng babaeng naglalakad lamang papasok ng tren. Alam ko ikaw 'yon. Ikaw ang babaeng iyon Kath. Humaba man nang bahagya ang iyong buhok ay hindi naman nagbago ang natural mong ganda. Lumaki man nang kaunti ang iyong mukha ay alam kong mga labi mo ang mga labing iyon na kulay pula at tila napakatamis kung pagmamasdan. Ikaw nga iyon Kath. Tuluyan ka nang pumasok sa loob ng tren, sinubukan kitang habulin at tawagin ang iyong pangalan.
"Kath!"
Ngunit huli na ang lahat. Hindi mo narinig ang aking pagsigaw. Batid kong nakikinig ka ng musika gamit ang iyong cellphone dahil nakakabit sa iyong tenga ang earphone. Natabunan ka rin ng mga nagsisiksikang mga tao sa loob ng tren. Bagamat napuno ang tren na iyon ay sinubukan ko namang isiksik ang aking sarili sa isa pang pintuan. Hindi ako nabigo, nakasakay ako sa tren. Sinubukan kong sipatin ang iyong mukha. Hindi kita makita, alam kong hindi ka katangkaran kaya't nahirapan akong makita ka. Nang sumara ang pintuan ng tren ay doon na nagsimulang pumihit ang aking leeg. Nakipagpalit ako sa puwesto ng iilan upang makapasok at masilayan ka.
"K-Kath," bulong ko sa aking sarili nang masilayan ko ang iyong mukha.
Nakadungaw ka pa noon malapit sa pinto at tila ninanamnam ang init na dulot ng araw. Nasisinagan naman ng araw ang iyong magandang buhok, ang iyong mga mata at nasisilaw sa liwanag at tila iniiwas mo pa ang iyong mga mata, dahilan upang mabigyan mo ng pansin ang aking kinaroroonan.
"Katherine..." sinambit ko ang iyong pangalan ng buo.
Nginitian kita ngunit tinitigan mo lamang ako na para bang isang estranghero sa gitna ng maraming tao. Matapos noon ay agad kang umiwas ng tingin sa akin. Hindi mo na ako kilala sa pagkakataong iyon alam ko. Hindi mo na ako kilala. Marahil ay kinalimutan mo na ang ating nakaraan. Kinalimutan mo na nga siguro ang lahat.
Bahagya na lamang na nalukot ang aking mukha. Sinusulyapan na lamang kita mula sa malayo, ang distansya natin at ang mga taong iyon ang naging harang sa ating dalawa. Sila nga ba ang harang noong mga panahong iyon Kath? O siguro ikaw na rin talaga ang gumawa ng harang sa ating dalawa.
Pero bakit? Bakit noong bababa ka na ng tren ay muli mo akong sinulyapan? May lungkot sa iyong mga mata, yumuko ka at nang bumukas na ang pintuan ng tren ay tumitig ka sa aking mga mata. Kilala mo ako. Naaalala mo ako. Alam kong alam mo. Alam mo ang nararamdaman ko, alam ko hindi mo rin ginusto ang lahat ng nangyari. Alam kong...huli na ang lahat.
Bumaba ka sa tren na iyon. Isang lalaki ang lumapit sa iyo at agad kang niyakap. Agad ka ring yumakap sa kanya at binigyan siya ng isang mainit na halik. Tila bumagal ang lahat sa aking paningin. Ang mga taong nagdaraan sa aking harap upang lumabas ng tren ay tila bumagal. Bumilis na lamang ang lahat nang sumara na ang pinto ng tren. Sa pintuan ako pumwesto at doon ko nakilala kung sino ang lalaking iyong kasama.
"Anton?" tanong ko sa aking sarili.
Talaga palang binalak niyang agawin ka sa akin noon. Mga bata pa tayo noon Kath. Naaalala mo ba? Si Anton? Yung mahilig makialam sa atin. Bakit siya pa? Sa dinami-dami ng lalaki na puwede mong mahalin ay siya pa. Totoo bang kinalimutan mo na ako noong mga panahong nagkahiwalay tayo Kath? Alam ko...sinubukan mo. Pero iba ang nakita ko sa iyong mga mata nang umandar na ang tren at dumaan ako mismo sa inyong harapan. Sinulyapan mo akong muli. Nakita ko na naman ang kalungkutan sa iyong mga mata. Ano ang dahilan? Ano nga ba ang nangyari noong mga panahong nasa Maynila ka at ako naman ay nagdurusa sa Bulacan? Gusto kong malaman ang lahat. Gusto kitang makita.
_______________________________
Napakatagal kong nagtatago sa dilim. Halos mangapa ako sa walang hanggang karimlan at kagubatan ng kalungkutan, halos magnilay-nilay ako araw-araw makita ko lamang ang iyong mukha. Makita ko lamang ng malinaw ang iyong mukha kapag hindi ka mamasdan sa realidad ay masaya na ako. Tila karagatan naman ng luha, pagkamuhi at galit ang aking nararamdaman sa tuwing lumalabo ang imaheng iyon. Halos magwala na ako. Saka ko lang naiisip ngayon kung saan nga ba galing ang mga galos at sugat sa aking katawan. Hindi ibang tao ang may gawa noon...kundi ako.
Pero hindi Kath. Hindi ako naging alipin ng karimlan na unti-unting humihigop sa akin. Pinilit kong lumangoy palayo sa malaipo-ipong kadiliman patungo sa 'yo. Ikaw ang liwanag ko Kath...ikaw lang.
_________________________________
Pinilit kong hanapin ka sa kung saang sulok ng Maynila. Naghintay at nag-usisa sa bawat estasyon ng MRT. Magmukha man akong tanga ay wala akong pakialam. Ang gusto ko lamang ay makasama kang muli, sabihin ang nararamdaman ko at huwag nang itago pa ang lahat. Pero naisip ko bigla ang mga panahon noong naglalaro tayo ng tagu-taguan. Napailing ako nang saglit habang inaalala ang panahong iyon.
"Tara laro tayo!"
"Anong laro naman ang gusto mo?"
"Tagu-taguan...ikaw ang taya ha?"
"Haha sige sige gusto ko 'yan!"
"Oh dali! Dali na takpan mo na ang mga mata mo tapos bilang ka hanggang sampu ah?"
"Tapos hahanapin kita?"
"Oo hahanapin mo 'ko. Kapag nahanap mo ako, ako naman ang taya."
Nakakapanibago yata na sa pagkakataong iyon ay pumayag kang maging taya kung matataya kita.
"Sige! Isa...dalawa...tatlo..."
Nagbilang ako hanggang sampu sa likod ng puno ng ating paboritong palaruan. Noong una akala ko nasa paligid ka lang. Halos isang oras siguro akong naghanap sa 'yo, nakangiti pa ako noon. Mukha nga akong tanga habang naghahanap, pero noong naisip ko ang sinabi mo sa akin dati ay hindi ko na tinuloy ang paghahanap.
"Bakit ba kasi tayo hanap nang hanap sa mga bagay na nagtatago? Kaya nga sila nagtatago...kasi ayaw nilang magpahanap," sabi mo.
"Oo nga 'no? Kasi kung gusto nila magpahanap, magpapakita sila. Kahit gaano katagal 'di ba?" sagot ko naman.
Ewan ko ba. Sa tuwing maaalala ko ang mga panahong 'yon noong mga bata pa tayo, napapangiti na lang ako. Mga bata pa nga tayo noon, wala pang alam.
Pero hindi na tayo bata ngayon. Hindi na siguro natin kailangang magtaguan...ng nararamdaman.
Matagal na rin akong nagtago...ayoko na. Kung pagtataguan mo ako ay hindi ko na kakayanin. Ayoko na ring paasahin pa ako ng tadhana. Ako na ang gagawa ng sarili kong tadhana ngayon. Hindi na ako papayag pang ilayo ka sa akin ng panahon. Alam kong may nararamdaman ka Kath. Ang tingin mong nangungulila sa isang yakap ng matagal mo nang minamahal. Nais mo ulit iyong maramdaman. Alam ko...kitang-kita ko iyon sa iyong mga mata.
BINABASA MO ANG
Tagu-taguan
Romance"Tara laro tayo!" "Anong laro naman ang gusto mo?" "Tagu-taguan...ikaw ang taya ha?" "Haha sige sige gusto ko 'yan!" "Oh dali! Dali na takpan mo na ang mga mata mo tapos bilang ka hanggang sampu ah?" "Tapos hahanapin kita?" "Oo hahanapin mo 'ko. Kap...