Maaari ko bang hawakan ang iyong malambot na kamay? Minsan ko nang naramdaman ang mga kamay na iyan na para bang hindi nakakaranas ng mabibigat na gawain sa bahay. Naglalaro tayo noon ng luksong baka habang nagtatawanan sa ilalim ng puno ng mangga. Nang mapagod ako ay agad akong humiga sa damuhan habang humahalakhak. Ikaw rin ay humiga sa aking tabi at sa di sinasadyang pagkakataon ay naglapat ang ating mga palad. Wala kang pakialam kung magkapatong man ang ating mga kamay. Wala tayong pakialam. Malaya tayo. Malaya tayong gawin ang mga bagay sa paligid natin at wala rin silang iniisip na ibang kamangmangan dahil mga bata pa tayo. Matapos noon ay kinantyawan mo ako.__________________________________
"Ang bilis mo namang mapagod," sambit mo.
"Ikaw nga riyan eh, madaya ka. Ikaw na nga yung taya eh..."
"Ah basta...sa larong ito ikaw pa rin dapat yung taya!" sagot mo. Tumawa na lamang tayo noon.
Sa laro natin ay lagi akong taya. Bakit nga ba? Gusto mo siguro na masaya ka lang habang ako ay nagdurusa. Pero alam mo? Hinayaan ko lang 'yon. Kasi alam ko mas mapapanatag ang loob ko kapag kasama kita. Mas maigi nang itaya ko ang kasiyahan ko makapiling ka lang.
"May ginagawa ka ba?" tanong mo sa akin isang gabi nang tumawag ka sa telepono habang ako ay nasa bahay. Tila aligaga ang boses mo na para bang nasasabik sa iyong sasabihin.
"Kath? Bakit?"
"Lumabas ka dali! tingnan mo yung moon ang ganda!" sambit mo.
"Moon?"
"Oo dali lumabas ka na kasi!" sagot mo na tila mas lalo pang nasabik.
Ako naman noon ay walang nagawa. Kinuha ko ang telepono. Naalala ko pa noong hinila ko ang kordon ng telepono para lang mabitbit ko malapit sa aming bintana. Tumingala ako at oo. Napakaganda nga ng buwan. Kulay asul ang buwan na iyon at napapaligiran pa ng mga nakakalat na bituin sa kalangitan. Sa sobrang pagkamangha ay hindi na ako nakapagsalita. Huminga na lamang ako nang malalim. Marahil ay narinig mo ang paghinga ko kaya't humagikgik ka.
"Ano nakita mo na 'no?" tanong mo.
"Oo nga. Bakit iba yung kulay?" tanong ko sa 'yo.
"Sabi ni mama blue moon daw 'yan. Minsan lang daw sa ilang taon nagiging ganyan ang moon. Ang ganda 'no?"
"O-Oo ang ganda nga."
Hindi ka na nagsalita noon. Pero alam ko pinapanood mo pa rin ang buwan dahil hindi mo naman ibinaba ang telepono. Ilang minuto rin akong tumitig sa kalangitan. Napakaganda talaga ng ipinakita mo sa akin noon Kath.
"Alam mo balang araw gusto kong pumunta sa moon," bigla mong sambit.
"Ang sabi ni papa malayo raw ang buwan...at mahirap daw makabalik. Bakit mo gugustuhing pumunta sa buwan? Ayaw mo nang bumalik?" tanong ko sa 'yo. Tinawanan mo lamang ako noon.
"Hindi ganun yun. Sabi ni mama kasi pag namatay daw tayo lumilipad daw sa space ang kaluluwa natin. Sabi ko sa kanya na kapag nangyari yun...gusto kong pumunta sa moon," sabi mo.
Hindi na ako nakapagsalita noon. Ewan ko ba. Napuno na lang ng lungkot ang pakiramdam ko. Masyado pa tayong bata noon pero iyon na ang iniisip mo. Nagtampo ako sa iyo noon. Ibinaba ko na lang ang telepono at isinara ang bintana namin. Simula noon ay hindi ko na tinititigan ang kalangitan. Halos hindi rin kita kinausap noong mga panahong 'yon. Hindi ko maintindihan kung bakit nga ba masyado akong naging emosyonal dahil sa sinabi mo. May pagkakataon pa ngang kinakausap mo ako sa eskwelahan noon pero ako naman ay tumatahimik na lang.
Kung dati ay sabay tayong naglalakad pauwi, noong mga sumunod na araw at buwan ay hindi na. Hindi ka rin nagsayang ng oras para magtanong kung bakit. Iniisip ko nga noon na wala ka lang talagang pakialam. Masyado kang masaya sa mga bagay-bagay noong mga bata pa tayo. Ako naman yung tipong masyadong malungkutin. Akala mo big deal ang mga maliliit na bagay sa akin.
Isang hapon sa paborito nating lugar sa malaking puno at malawak na damuhan. Lumapit ka sa akin. Ngumiti ka at para bang may itinatago sa iyong likuran. Ako naman ay nakasandal lamang sa punong iyon.
"Hindi mo ako kinakausap...hindi mo ako sinasabayan sa recess. Bakit?" tanong mo.
Pinipilit mo pa ngang lukutin ang iyong mukha masabi lang na nalulungkot ka kahit na sa loob-loob mo ay masaya kang talaga.
"Wala...okay lang ako," sabi ko. Unti-unti ka namang ngumiti at tumitig sa aking mga mata.
"May ipapakita ako sa 'yo," sambit mo.
Dahan-dahan mong ipinakita ang iyong mga kamay. Kapit-kapit ng iyong kanang kamay ang isang maliit na isda. Buhay pa ang isdang iyon at pumapalag-palag pa sa iyong palad.
"Oh...saan galing yan?" tanong ko sa 'yo.
"Kinuha ko do'n sa ilog. Gusto kong alagaan eh. Tulungan mo 'ko. Hanap tayo ng paglalagyan."
Dahil sa labis na pagkataranta ay kinuha ko ang pencil case ko. Itinaktak ko ang laman at nang bumagsak na ang mga lapis at pambura sa damuhan ay saka ko kinuha ang iyong kamay upang ilagay ang maliit na isda na iyong hawak. Agad ko ring kinuha ang maliit kong botelya at nilagyan ng tubig ang aking pencil case. Nagmukhang aquarium pa ang pencil case kong iyon dahil sa ito'y kulay asul at napapalamutian pa ng mga isda at mga halamang dagat. Saka ko muling nakita ang iyong matamis na ngiti. Dahan-dahan mong kinuha ang pencil case na iyon at pinagmasdan ang maliit na isda kung paano ito lumangoy.
"Ang cute," sambit mo.
Hindi na ako nagsalita. Ngumiti na lamang din ako. Matapos noon ay inilapag mo ang aking pencil case sa aking tabi. Umupo ka rin sa damuhan at pinagmasdan ang paglubog ng araw.
"'Wag mo na akong iiwan ulit ha?" sabi mo.
Sa pagkakataong iyon ay kinabog ang dibdib ko. Hindi ko maintindihan kung bakit mo iyon sinabi. Hindi ko alam kung matatakot ako sa narinig ko, matutuwa o sadyang matutuliro. Inangat mo ang iyong kamay at ipinatong sa aking balikat. Sa pagkakataong iyon ay tumingin na lamang ako sa papalubog na araw. Sinilayan mo rin ang napakagandang hapon na iyon. Ang lahat ay nakukulayan ng ginto. Ang scenariong iyon ay malinaw na malinaw pa rin sa akin hanggang ngayon.
BINABASA MO ANG
Tagu-taguan
Romance"Tara laro tayo!" "Anong laro naman ang gusto mo?" "Tagu-taguan...ikaw ang taya ha?" "Haha sige sige gusto ko 'yan!" "Oh dali! Dali na takpan mo na ang mga mata mo tapos bilang ka hanggang sampu ah?" "Tapos hahanapin kita?" "Oo hahanapin mo 'ko. Kap...