Mainit ang umagang iyon ng Marso, bakasyon noon at alam kong sa pagkakataong iyon ay abala si mama sa pagluluto, pero iba ang umagang iyon. Walang ingay, walang kaluskos. Ni hindi ko maramdaman ang mga anino sa apat na sulok ng aming bahay. Nang bumaba ako ay wala nga, walang tao sa loob ng bahay namin. Naiwan lamang ang ilang mga kagamitan sa pagluluto at ang kutsilyong nakatarak sa chopping board kasama na ang hinihiwang sayote. Batid kong may pag-aaway na naganap dahil sa kaguluhan ng gamit sa loob ng kusina. Madalas din kasing mag-away noon sila mama. Mainit lagi ang ulo ni papa at alam kong isa na rin ako sa kinaiinitan ng ulo niya. Pero sa pagkakataong iyon ay alam kong hindi na ako ang dahilan ng pagiging mainitin ng ulo ni papa.
"Ma?" usal ko.
Wala akong narinig na sagot, ang naririnig ko lamang ay ang kaluskos sa likod ng aming bahay. Alam kong may tao doon ngunit hindi ko mawari kung ang mama ko ba iyon o ang aking ama. Sinubukan kong lumabas ngunit nang bubuksan ko na ang pinto ay agad na bumungad sa akin si mama. Pawis na pawis, mugto ang mata at tila ba tuliro.
"Oh kakagising mo lang ba?" tanong niya sa akin.
"Opo ma, saan po kayo galing?" tanong ko sa kanya.
Hindi niya muna sinagot ang aking tanong. Pumasok siya ng bahay at muling lumapit sa kusina at ipinagpatuloy ang paghihiwa niya ng sayote. Napansin ko ang lupa na nakabalot na halos sa kanyang kamay kaya't tinanong ko kaagad siya.
"Ma bakit ang dumi ng kamay mo?"
"Ah wala, may tinanim lang ako diyan sa likod bahay natin, para hindi na ako punta nang punta sa palengke. Ang hirap kasi malayo ang bayan dito. Mas maayos nang may tanim tayo kaysa alis ako nang alis kada umaga," iyon ang paliwanag niya.
Hindi ko na lamang siya kinulit ngunit kapansin-pansin sa mga kilos niya na may mali. Panay ang punas niya ng pawis, ang panginginig ng kanyang kamay at ilang bahid ng kulay pulang likido sa kanyang mga kamay. Nang mapansin niyang tinititigan ko na ang kanyang mga kamay ay saka niya na lamang hinugasan iyon.
Napansin ko rin na halos puno ang aming ref ng mga karneng ibinalot. Marahil binili ito ni papa para sa amin. Alam kong laging abala si papa ngayon sa pagtatrabaho bilang mason sa pinagtatrabahuhan niyang gusali sa bayan. Halos tatlong araw din siyang hindi umuuwi kung minsan. Mabuhay lang ang aming pamilya. Minsan bilib din ako kay papa, pero madalas ay naiinis ako sa kanya at iniisip na sana ay hindi na lang siya ang aking ama.
Sa tagal ko sa pagbukas at pagtitig sa ref nang umagang iyon ay agad akong sinaway ni mama. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang pinto ng ref habang dahan-dahan iyong isinasara.
"Sayang ang kuryente, wala pa tayong pambayad sa bill kaya kapag bubuksan mo ang ref ay isara mo agad. 'Di ba 'yan ang bilin ko sa 'yo?!" pagalit niyang sambit.
Agad ko namang kinuha ang isang bote ng tubig at isinara rin iyon kasabay ng pagsara ni mama ngunit alam kong may iba akong nakita sa loob ng malamig na kahon na iyon. Hindi ko lang agad iyon napansin dahil sa bilis ng pagsara ni mama sa pinto nito. Hindi rin malinaw kung ano nga ba ang aking nakita kaya't nagkibit balikat na lamang ako. Hindi ko inaasahan ang mga sumunod na pangyayari.
Ilang araw ring hindi umuwi si papa sa bahay. Palaging sinasabi ni mama na nasa malayong lugar daw siya, masyado siyang abala. Ngunit kapag sinasabi niya iyon ay iba ang nakikita ko sa kanyang mga mata. Malalim ang mga matang iyon at tila ba patay ang kanyang kaluluwa. Ngingiti na lamang siya sa akin at saka hahaplusin ang aking buhok.
Madalas din siyang tuliro at nakadungaw sa aming bintana sa likod bahay. Minsan iniisip ko na baka hinihintay niya lang si papa. Baka nami-miss niya lang pero bigla na lang siyang ngumingiti at isasara ang kurtina. Wala akong magawa noon kundi ipikit na lamang ang aking mga mata, magtatalukbong ng kumot at magkukunwaring natutulog. Iba ang takot na nararamdaman ko noon.
"Kain na," yaya ni mama isang umaga.
Karne na naman ang ulam. Sa pagkakataong iyon ay ihinalo niya ang karneng iyon sa gata at pinya. Noong una ay inakala kong pininyahang manok ang kanyang niluto ngunit nang sinubukan kong tanungin kung bakit wala ang paborito kong parte na pakpak sa kanyang niluto ay napangisi na lamang siya.
"Karne ng baka ang niluto ko," sagot niya habang nakangisi.
Kung titingnang maigi ay hindi naman itsurang baka ang karneng iyon. Mas malambot iyon kaysa sa karne ng baka. Mas matigas naman ng kaunti sa manok. Hinihimas niya lamang ang aking likod habang kinakain ko ang kanyang niluto. Nakatitig lamang siya sa akin habang tila napapangiti bigla.
Lumipas ang ilang linggo at ang mga linggong iyon ay naging buwan, hindi ko pa rin nakikita ang anino ng aking ama. Mas madalas ko ring makita si mama na nakatulala. Animo'y naghihintay ng hangin sa kawalan. Nagulat na lamang ako nang sumapit ang araw na iyon ng Mayo. Dumating ang mga pulis sa aming tahanan, hinuhukay naman ng iba ang aming likod bahay at ang iba ay inuusisa at kinukuhanan ng litrato ang laman ng aming ref. Akala ko noong umagang iyon ay natutulog pa ako, akala ko ay nananaginip lang ako.
Hindi pumapalag si mama noon Kath. Nakaupo lang siya sa kanyang paboritong pwesto sa tabi ng aming bintana. Nakangiti at tila tinatanggap ang kanyang kamalian. Dumating din ang ilang tauhan ng DSWD sa aming tahanan, kinakausap ako ngunit ang atensyon ko ay nakatuon lamang sa nangyayari. Ang hinala ko noon na nabubuo lang sa isip ko ay nagiging totoo. Natagpuan ang mga buto ni papa sa likod ng aming bahay. Halos mapatili ang mga kapitbahay dahil sa kanilang nasaksihan. Ako naman ay napatulala lang. Nawalan na lamang ako ng malay nang ilabas na ng ilang mga pulis ang laman ng aming ref. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Malinaw pa ang ilang parte ng katawan ng tao na nakabalot sa plastic. Halos wala akong nakita kundi kadiliman nang masaksihan ko iyon.
BINABASA MO ANG
Tagu-taguan
Romance"Tara laro tayo!" "Anong laro naman ang gusto mo?" "Tagu-taguan...ikaw ang taya ha?" "Haha sige sige gusto ko 'yan!" "Oh dali! Dali na takpan mo na ang mga mata mo tapos bilang ka hanggang sampu ah?" "Tapos hahanapin kita?" "Oo hahanapin mo 'ko. Kap...