Hi Honey. I miss you. Kamusta ka na diyan? Oo nga pala, natanggap ko na yaong padala mong pera. Sabi mo nga first salary mo. Sinunod ko din yaong sinabi mo.
Nagbawas ako ng utang kay Nana Maria. Sayang kasi malaki-laki din iyon. Kaso wala e. Hindi ba kailangan nating lakarin yaong mga papel at placement fee mo para makapag-trabaho ka diyan sa Dubai?
Nakapamili na din ako ng mga gamit at pagkain para dito sa bahay. At siyempre yaong kaunting natira nilaan ko para sa ipon natin sa panganganak ko. Ang bilis nga honey. Parang kailan lang tuwang-tuwa pa tayo noong malaman nating buntis ako. After years of trying, finally binigay na din ng Diyos ang hinihiling natin, malapit na siyang lumabas mahal. Konting panahon na lang.
Sayang lang at wala ka dito, ang sama kasi ng schedule ng trabaho mo. Pero alam mo? Sumipa si baby kanina. Ang likot niya talaga, lalo pa nga ata siyang lumikot. Siguro hinahanap na din ang Daddy niya. Nami-miss na niya boses mo. Ang tagal mo na daw siyang hindi kinaka-usap.
Oo nga pala, noong isang araw dumalaw si Mama dito sa bahay. Inaalok ako na tumira na lang sa bahay namin. Mag-isa lang daw kasi ako dito sa atin. Huwag kang magagalit Honey ah. Pumayag ako. Kasi hindi ba nga malapit na akong manganak? Mahirap na baka wala akong makatulong pumunta sa ospital, o tumawag man lamang ng isang kumadrona. Pero bukas pa ako lilipat ayaw ko kasing marumi yaong bahay natin kapag iniwanan ko. Saka yaong mga supplies na pinamili ko, dadalhin ko na din muna sa amin.
Mahal, mag-iingat ka lagi diyan ah. Huwag mong papabayaan ang sarili mo. Oo nga pala, pangalawang sulat ko na ito. Siguro hindi mo natanggap yaong nauna kaya hindi ka na naka-sulat pabalik. Inulit ko na lang yaong laman para sa iyo.
Matutulog na ako mahal. Magpapahinga na kami ni baby. Lagi mong tandaan na mahal kita ah. Mahal ka naming dalawa.