Disyembre 25, 1980

92 6 0
                                    

Pasko ngayon, at alam mo ang pinaka-magandang regalo ng Panginoon sa akin ngayon? Ikaw, at ang katuparan ng hiling ko.

Sinamahan mo ako kagabi. Sa panaginip ko, nasa parke tayo, nasa isang nakalatag na kumot. Nanunuod ng mga batang nagpapalipad ng saranggola habang nakahiga ako sa hita mo. Pagmulat ng mata ko, ang maamo mong mukha ang natanaw ko. Nginitian mo ako saka ka na muling tumingala sa langit.

Napaluha ako, at napa-diretso ng upo. Ang nasa-isip ko noon kapag pinalampas ko ang pagkakataong iyon, baka hindi na ako pagbigyang maulit pa.

Hindi mo pa rin inaalis ang mata mo sa langit. Basta niyakap na lang kita. Umiyak ako, sa balikat mo. Wala kang sinabi, hindi mo ako pinatahan. Ang ginawa mo lang ay halikan ang buhok, pagkatapos noon nawala ka na.

Nagising ako, umaagos pa rin ang mga luha. Ngunit isa lang ang nasa isip ko, luha iyon ng pasasalamat. Salamat mahal, salamat Panginoon. Salamat at pinagbigyan Ninyo ako.

Bumangon na ako at pinuntahan si Aivy sa kolong-kolong na sabi mo ay ginamit mo pa noong bata ka at naipasa pa sa dalawa mo pang nakababatang kapatid. Ngayon gamit na ito ng anak mo.

Gising din siya, nakamulat ang mga mata pero hindi umiiyak, tinitigan niya lang ako.

Ito ang unang Paskong wala ka sa tabi ko simula nang ikasal tayo, pero Sebastian, sa titig ng anak mo, sa pares ng matang sobrang magkamukha kayo, alam kong kailanman, hindi mo ako iniwang mag-isa.

Maligayang Pasko. Paki-bati si Hesus para sa amin ng pamilya mo. Mahal kita.


To the Father of My ChildTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon