Kaya pala! Natanggap ko na yaong tawag ng kaibigan mo kanina. Hayop ka. Hindi mo man lang inisip ang mararamdaman ko? Dalawa kami dito ng anak mo!
Para akong sinasaksak mula sa loob. Gumuho ang mundo ko. Galit na galit ako sa mundo. Kung kailan magiging dalawa na kami saka mo kami inabandona?
Awang-awa na sa akin sila Mama. Alam mo bang kanina pa ako umiiiyak, humahagulgol. Namaos na din sila sa kakatawag sa akin dito sa kwartong kinakukulungan ko. Kaya pala hindi ka na sumagot sa sulat ko. Bakit ang bilis naman ata? Kailan ka lang napunta diyan ah.
Ni hindi ko na nakuhang ipadala sa iyo ang sulat na inulit ko. Hindi ko nga alam kung saan ako kumuha ng lakas ng loob para isulat pa ito. Umiiiyak pa rin ako. Nanginginig ang mga kamay ko habang sinusulat ko 'to. Panay ang patak ng luha ko sa papel na gusto kong makuha mo, para madama mo yaong sakit, para malaman mo kung paano mapunta sa sitwasyon ko.
Nakaka-asar. Galit na galit ako sa lahat, sa kaibigan mo, sa magulang ko, sa magulang mo, sa ibang tao pero hindi ko makuhang magalit sa iyo!
Mahal naman kita ah. Bakit kailangang mangyari sa atin ito. Hindi mo na ba ako mahal? Minahal mo ba ako?
Magagalit sila Mama kapag nalaman nilang sinusulatan pa kita pero wala na siguro akong pakialam. Ipaliwanag mo naman sa aking kung bakit. Sabihin mong mali sila. Huwag mong gawin sa amin ito.
Mahal na mahal kita Sebastian.