CHAPTER 01- Perseveranda Pamintuan
AKO si Perseveranda Pamintuan. Treinta y tres anyos at dalisay, walang bahid dungis at malinis na kamag-anak ni Eba. In short, birhen. Tigang. Walang love life. Walang forever! Bitter!
Hoy, joke lang 'yong bitter, ha. Kahit naman NBSB ako dahil strict ang mother ko na si Mama Jisella. At joke lang din iyong strict sa akin si Mother dahil ang katotohanan niyan ay malupit siya pati na ang aking Ate Bernadeth na ipinaglihi yata sa sandok, mangga at patalim dahil sa tulis ng baba nito na akala mo ay isang nakakamatay na bagay. Deadly weapon, kumbaga. Kung ikukumpara naman ako kay Ate Bernadeth ay di hamak na mas maganda ako doon. Malandi nga lang siya kaya naman kahit chaka ay nakailang boyfriend na. Totoo nga talaga ang kasabihan na: "Daig ng malandi ang maganda, sexy, kahali-halina at maalindog na tulad ko". Charot lang! Baka naman isipin niyo masyado kong binubuhat ang sarili kong bangko. I am so humble kaya. So humble na hindi ko ipinagmamalaki na humble ako.
Okay. Balik na tayo sa kwentuhan natin. Ayun nga, malupit talaga sa akin sina Mama Jisella at Ate Bernadeth. Bakit? Ako lang naman ang sinisisi nila sa pagkamatay ng Papa!
Naalala ko na naman ang Papa Anselmo...
Ang Papa na paborito ako dahil sa kanya ko daw namana ang lapad ng pagmumukha ko. Parehas pa kaming may nunal sa itaas ng labi at ibaba ng ilong. Mahal na mahal ako ng Papa. Lahat ng gusto ko ay ibinibigay niya sa akin kaya naman bata pa lang kami ay inggit na inggit na sa akin ang Ate Bernadeth.
Bakit nga ba namatay si Papa? Naiiyak talaga ako kapag naaalala ko ang bagay na iyan. Kahit ako, hindi ko maiwasan na sisihin ang aking sarili sa kanyang pagkawala.
Tandang-tanda ko pa ang araw na iyon. Kinse anyos pa lamang ako habang si Ate Bernadeth ay disi-otso na. Kapwa nireregla na kami ng mga panahon na iyon. Nagdeklara si Papa na magkakaroon kami ng family outing sa Calatagan sa Batangas. Umaga pa lang ay nagluto na si Mama ng adobong baboy na masabaw at puro patatas. Nagsaing na rin ako. Umarkila pa si Papa ng tricycle. Oo, nagtricycle lang kami mula Laguna hanggang Batangas. Kaya naman ang masabaw na adobo ni Mama, pagdating sa Calatagan ay wala nang sabaw. Natapon sa maalog na biyahe. Pero kahit naubos ang sabaw ng adobo ay masaya pa rin ako dahil first time na nagkaroon kami ng family outing. Maganda ang beach. Maraming sea urchins. Pero hindi ko na iyon pinansin dahil ang importante ay kumpleto kami ng araw na iyon.
Matapos kong magtampisaw sa dagat at umiwas-iwas sa nakaktusok na sea urchins ay tinawag na ako ng Papa para kumain na. Tanghali na rin kasi noon. Habang kumakain kami ay nakaramdam ako ng pagkauhaw. Nag-request ako kay Papa na ikuha niya ako ng buko sa puno ng niyog. Malamang sa puno ng niyog. Wala namang buko sa puno ng mangga, 'di ba? Si Ate Bernadeth lang naman ang mukhang mangga. Ayaw sana ni Papa dahil hindi siya marunong umakyat ng puno ng niyog pero naging mapilit ako. Hanggang sa pumayag siya. Nakita ko pa ngang nakasimangot sa akin sina Mama at Ate. Naiinis sila dahil nauto at napagbigyan na naman ako ng Papa. Inakyat ni Papa ang puno ng niyog. Tapos si Papa... si Papa... Nahulog!!!
Namatay si Papa. At simula noon ay nagbago na ang lahat. Pagkatapos ko ng high school ay pinatigil na ako ni Mama sa pag-aaral. Ginawa nila akong katulong sa bahay. Parusa ko daw iyon dahil ako ang pumatay kay Papa. Habang si Ate Bernadeth ay nagpatuloy sa kolehiyo. Nakatapos siya ng Nursing pero ang ending... tambay siya. Ayaw magtrabaho. Umaasa na rin sa pension ni Papa at sa kita ng ukay-ukay na siyang negosyo ni Mama na ako naman ang nagbabantay.
"Naku, naku, naku! Ang dami yatang bagong bagsak na dress!" Ang tili na iyon ang tulyang gumising sa inaantok kong diwa. Tanghali na kasi tapos katatapos lang ng tanghalian kaya medyo inaantok-antok pa ako ng very very light. Tili ng suki namin sa ukay-ukay na si Charcoal-ang baklang ipinaglihi sa maitim na budhi. 'Yong maitim na budhi, sa balat niya sumingaw. Maitim kasi si Charcoal, bagay naman sa kanya ang pangalan niya.
BINABASA MO ANG
Halikan Mo Ako, Perseveranda Pamintuan
FantasyAng halik na yata ni PERSEVERANDA PAMINTUAN ang pinaka mahiwaga sa lahat ng halik. Dahil sa pamamagitan lang naman ng kanyang halik ay nabubuhay at nagiging tao ang ubod ng gwapo at macho na mannequin na si MIGUEL BUENAFUE. Aba, aba! Instant jowa an...