Puting kumot ng niyebe ang bumalot sa kagubatan ng Encela noong gabing iyon. Gabi ng aking kaarawan. Ako'y nakadungaw sa bintana ng aming bahay bakasyunan naghihintay sa pagdating ng aking mga magulang mula sa kanilang trabaho. Ang sabi nila'y ang araw na ito ay para sa aming tatlo lamang ngunit halatang hindi pa rin talaga nila maiwan ang kanilang trabaho. Palibhasa ay napakalaki na ng kanilang kompanya. Kaya heto ako, mag-isang nagdiriwang sa mala-mansiyong bahay sa gitna ng kagubatan.
Malamig ang hangin at maraming mga bituing nagniningning sa kalangitang pinagkaitan ng init at liwanag ni haring araw. Sa totoo'y mabigat sa loob ko ang ganitong sitwasyon ng buhay. Marami nga kaming pera at ari-arian ngunit ano ang saysay ng mga ito kung hindi ko sila makakasama? Para akong trabahador na sinesweldohan lang... sa kaso ko ay sinusweldohan ako kapalit ng pagiging anak nila.
Yukihana ang ibinigay na pangalan sa akin 17 taon na ang nakalilipas. Nangangahulugang niyebe sa wikang Nihonggo ang Yuki at bulaklak naman ang hana. Sa ganitong klima ng Pebrero nang lumabas ako mula kay Mommy. Tinuring daw akong isang bulaklak na namukadkad(bloom) sa kalagitnaan ng maputing niyebe ng winter. Sa bahay na ito ko unang natikman ang hangin ng kalikasan. Ang sabi pa nga nila'y sa di kalayuan ay nakarinig din sila ng mga nagdidiwang at sanggol na umiiyak. Maari raw na ang mga diwata ng Encela ay masaya sa aking pagkapanganak kaya naman taun-taon kaming dito nagdiriwang. O ako.
Tumingin ako sa grandfather clock namin at isang oras na lang ang natitira bago mag-alas dose ng hatinggabi. Malapit nang matapos ang araw na ito ngunit wala pa ring nagbabago. Dala ng kabagutan, pinili ko na lang na humiga sa sofa at hintaying matapos ang araw kung kailan ako maaaring umasa. Dahil sa araw ng bukas, wala naman na akong dapat asahan.
Sa pagpikit ng aking mga mata, narinig ko ang malumanay na katok mula sa pintuan ng bahay. Dali-dali akong bumangon at bumaba upang buksan iyon sa pag-iisip na baka sina Daddy at Mommy na ang dumating. Ngunit sa aking pagkabigo, isang matangkad na binata ang nakatayo sa harapan ko. Nakasuot ng puting polo at itim na pants. Sa itim na itim na buhok niya'y nakapatong ang isang gray na fedora hat. Gising na gising ang itim niyang mga mata habang nakangiti ang maputla niyang labi.
"Yukihana?" Tanong niya na para bang kilala ako. Ngumiti siya't sinabi, "Maligayang kaarawan," tumigil siya sandali, "Ah! Happy birthday! Ganun ang pagbati niyo hindi ba?"
"Sino ka? Bakit mo ko kilala at paano mo nalaman ang birthday ko?" Tanong kong puno ng pagtataka.
Tumawa siya't sumagot, "Sabi na nga ba'y hindi mo ako makikilala eh. Malaki na ang ipinagbago ko. Literal na malaki dahil hindi na ako isang dwendeng diwata na kaya mong buhatin sa daliri mo."
"Pasensya na po kayo pero hindi ko po talaga kayo kilala," pag-iling kong tugon sa binata. "At hindi ko rin maintindihan ang pinagsasasabi mo."
Huminga siya nang malalim at kumanta, "Sa araw na ito tayo ay isinilang, sa araw na ito ay nagkita tayo, O kaytagal nga ng paghihintay-"
"Sandali, sandali. Maghunos dili ka iho," kinakabahan kong sabi sa kanya. "Sino ka ba talaga? Bakit alam mo ang kantang laging nasa panaginip ko?"
Parang lumungkot ang kaniyang mukha, "Sa tingin mo panaginip lang lahat ng iyon? Natatandaan mo pa ba ang ika-7 kaarawan mo?"
Ang 7th birthday ko? May nangyari ba noon? Yukihana, isipin mong mabuti. Isip. Bakit alam ng taong 'to ang kanta? Isip... isip...
Ah. Naalala ko na. Sa ika-7 kaarawan ko unang umalis para sa trabaho ang mga magulang ko. Katulad ngayon, kaming tatlo lang ang magsasalu-salo ngunit umalis sila habang kumakain. At naiwan akong mag-isa. "Simula noon," tumingin ako sa binata, "naging mag-isa na lagi ako."
"Hindi ka mag-isa noong araw na iyon. Nandun ako. Kasama mo. Ang maliit na diwata na kasabay mong nagdiwang ng kaarawan. Ako 'to,si Meru."
Meru? Diwata? Ano ba ang sinasabi niya? Totoo ba ang mga diwata? Bakit? Paano?
BINABASA MO ANG
Niyebe
FantasyIsang maikling kwento. Muli na namang napag-isa si Yukihana sa kanyang kaarawan dahil sa trabaho ng kanyang mga magulang. Malakas ang pagbuhos ng niyebe at may isang binatang hindi niya nakikilala na nagpakilalang kaibigan niyang diwata ang humarap...