Isang taon na ang lumipas. 18 taon na ako ngayon.
Maayos na dumaloy ang kasong isinampa ko. Hindi pala. Ang aking mga magulang ang nagsampa ng kaso. Naparusahan na sila at ngayon binibigyan na ng tuon ang pag-aalaga sa kagubatan ng Encela.
"Yukihana, maghanda ka na. Pupunta tayong Encela ngayon," utos sa akin ni Mommy.
Kinakabahan ako sa pagpunta ngayon. Sabik na akong makita si Meru. At may ipinangako sa'kin ang Reyna. Hinanap ko ang mga pinakamagaganda kong damit at iyon ang dinala. Parang sasabog ang dibdib ko habang papalapit kami sa Encela. Hindi makakalma ang aking mga kamay.
"Mommy, may trabaho po ba kayo ulit ngayon?" tanong ko nang walang ekspresyon.
"Anak, alam mo namang hindi ko masasabi 'yan, diba? Palagi na lang may emergency sa trabaho. Hilingin na lang natin na wala ngayong araw," nag-aalala at wari'y pagod na pagod ang tono ng kaniyang boses.
"May iba pa ba akong magagawa? Mas importante naman 'yang trabaho niyo eh," pabulong kong sabi.
Pagkarating na pagkarating namin sa Encela ay nakatanggap agad ng tawag si Daddy at Mommy. May problema raw sa isang pabrika. Ikagugulat ko pa ba? Humalik sila sa'kin at umalis din agad.
Noong nakaraang taon, hindi na sila bumalik. Ipinasundo na lamang nila ako. Ang saya 'di ba? Inisip kong nakakasanayan lang ang pagiging mag-isa. Hindi pala. Malungkot pa rin.
Habang pinapasok ko ang maleta sa bahay, biglaang bumukas ang pinto at nakakasilaw na aparisyon ang aking nakita. Ang Reyna.
Nagbigay-galang ako sa kanya, "Magandang araw po, Reyna."
"Maligayang kaarawan, Yukihana." Ginamitan ng Reyna ng mahika ang maleta upang maipasok ito nang mabilis. "Naparito ako upang tuparin ang ipinangako ko sa'yo. Sa kadahilanang hindi na babalik muli ang mga taong naninira sa kagubatan, binibigay ko ito sa iyo bilang iyong gantimpala. Baka magalit si Meru sa akin sa ginawa kong ito."
"Salamat po," kinuha ko ang iniabot ng Reyna. "Sigurado naman pong mapapatawad niya kayo. Nasaan po pala siya?"
"Nasa kaharian. May inaasikaso lamang. Sige at may gagawin pa ko. Paalam," ngiti ng Reyna habang unti-unti siyang nawawala.
Nasa akin na ang diary ni Meru. Sa totoo'y pagkaalis ng Reyna ay humalaghak ako. Patawad, Meru. Binuksan ko na ito. Isang pahina lamang ang may sulat.
"Anim na taon ang lumipas simula nang ako'y ipinanganak. Aking kaarawan ngayon. Ikinwento sa akin ng Reyna ngayon ang isang taong ipinanganak kasabay ko. Ang pangalan niya raw ay Yukihana. Isang bulaklak na umusbong sa taglamig. Sinabi sa akin ng Reyna ang kinaroroonan niya kaya pinuntahan ko siya.
Maraming tao sa bahay nila. Nagtago lamang ako sa likod ng mga palamuti nila sa bahay para hindi ako makita. Sa dami ng tao ay paano ko malalaman kung sino si Yukihana?
Nag-ikot-ikot ako at may isang batang babae ang nakapukaw ng aking atensyon. Nginingitian niya ang lahat ng tao at mukhang tuwang-tuwa silang lahat sa kanya.
'Kamusta po kayo?' Ang mataas niyang boses ay paulit-ulit na sinabi ito.
Sa kagustuhan kong makita siya nang malapitan, unti-unti akong lumapit sa kanya. At di ko namalayang nakita na pala niya ako.
'Mommy, may maliit na tao akong nakita,' sabik na sabik niyang sinabi sa kanyang nanay. 'Gusto ko siyang imbitahan ngayon. Bigyan natin siya ng pagkain.' Nagtago akong madali. 'Ah, nasaan na siya?' Nang tignan ko siya ulit, nakatulala siya sa akin. 'Gusto mo kumain?'
BINABASA MO ANG
Niyebe
FantasyIsang maikling kwento. Muli na namang napag-isa si Yukihana sa kanyang kaarawan dahil sa trabaho ng kanyang mga magulang. Malakas ang pagbuhos ng niyebe at may isang binatang hindi niya nakikilala na nagpakilalang kaibigan niyang diwata ang humarap...