Ibang Paraan

36 1 0
                                    

Pagkadilat ng aking mga mata ay nakatayo na kaming pareho sa tapat ng aming bahay. "Huwag mo na ulit gagawin ang sinabing huwag gawin. May isip ka na dapat nakaiintindi ng mga simpleng panuto."

"Meru, naman. Naiintindihan ko na nga," sinabi ko na wari'y nagdadahilan pa. "Pasensya na, ha? Nadala lang ng kabagutan. Alam mo naman siguro ang sitwasyon ko sa bahay na 'to."

"Basta huwag ka na lalabas. Huwag kang makulit," pinalo niya nang bahagya ang aking ulo. "Kasingtigas yata ng diyamante 'yang ulo mo."

"Tignan mo na. May halaga talaga ang ulo ko. Parang diyamante e," pabiro kong sabi sa kanya.

"Hindi kita pinupuri. Sige na't aalis na ako. Babalikan kita mamaya rito," nagsimula siyang maglakad papalayo. Pagkatapos ng kanyang pansampung hakbang, humarap siya sa'kin at sinabing, "Noong bata ako, may sinabi sa akin ang mahal na Reyna. 'May limitasyon ang kakayahan mo ngunit huwag mong hayaang limitahan nito ang mga bagay na pwede mong magawa.' Huwag ka na malungkot. Paalam!" At bigla na lang siyang naglaho sa kumot ng niyebe.

Para saan naman kaya ang pangungusap na 'yon? Pumasok na ako sa bahay. Nakatutuwa't nakalulungkot na ang katahimikan sa loob ng bahay ay para ng paghinga. Nakakasanayan pala ang pagiging mag-isa.

Pagdating ko sa kusina, nakita ko ang Bulalong kaluluto ko lang kanina na hindi man lang natikman ni Meru. Iinitin ko na lang siguro mamaya. Napatigil ako sandali. Kung hindi pwede ngayon, may mamaya pa. "Kung may limitasyon ako sa isang bagay, humanap ng ibang paraan!"Napasigaw ko. "Ngayon, ano ba ang pwede kong magawa na hindi makasasagabal sa kanila?"

Akala siguro nila hindi ako seryoso nang sinabi kong magsasampa ako ng kaso. Nagkakamali sila. Kailangan ko nga lang ng ebidensya na maipakikita. Naisip kong kunan sila ng letrato pero balot na balot sila. Kailangan ko ring lumabas kapag kukunan ko sila.

"Ano ba kasi ang plano nila? Hindi naman nila sinabi sa'kin ang kahit konting impormasyon," paikot-ikot akong naglakad sa kusina. "Hindi ko tuloy alam ang gagawin ko. Hindi kaya't lalo pa nilang palalakasin ang hangin at pagbuhos ng niyebe? Kung gayon, kailangan nilang humanap ng matutuluyan. Tama! Ito ang pinakamalapit kaya rito sila pupunta. Dito ko makukuha ang mga mukha nila. Pero para makakuha ng ebidensya na nagpuputol sila ng puno, kailangan ko pa ring lumabas. Di bale, hindi naman ako lalayo nang masyado. Ayos lang siguro iyon."

Madali kong kinuha ang aking camera. Nagbihis ng panlamig at lumabas na ng bahay. Hindi lumakas ang pagbuhos ng niyebe bagkus ay humina pa nga, bakit kaya? Nagpaplano pa rin siguro sila. Lumapit ako nang lumapit sa mga lalaking nagpuputol ng puno hanggang sa kitang-kita na sila sa camera. Nagtago ako sa likod ng puno at sinimulan na ang pagkuha. Dinig na dinig ko ang pagkain ng makina sa puno at kitang-kita ang pagbagsak nito. Hindi ako dapat masaya ngunit saktong-sakto ang pagpunta ko.

Pabalik na sana ako ng bahay nang biglang may nakita akong ilaw na lumiwanag mula sa nasirang puno. Ang dalawang lalaki ay silaw na silaw sa liwanag. Pagkalipas ng liwanag, laging gulat namin na parang wala silang naputol na puno dahil ang bumagsak na puno ay bumalik sa kanyang ugat.

"Hoy, ano'ng nangyari rito?" Sigaw ng isang lalaki at tumingin sa kanyang kasama. Pawis na pawis ang kasama niya. "Ano naman nangyari sa'yo ngayon?"

"Ang init," reklamo ng kanyang kasama.

"HA? Kung anu-ano pinagsasasabi mo, e ang problema natin ay itong punong pinutol natin," patuloy siya sa pagsigaw.

"Sobrang init talaga," tinanggal ng lalaki ang mga panlamig niyang kasuotan. "Hindi ka ba naiinitan?"

Pakiramdam ko'y alam na nina Meru na naririto ako. Agad kong kinuhanan ng letrato ang lalaking naiinitan.

Pagkababa ko ng aking camera ay may bumulong sa'kin, "Ngayon, bumalik ka na sa bahay. Kami na ang bahala rito." Lumingon ako at nakita si Meru na nakaupo rin sa likuran ko. "Dyamante talaga 'yang ulo mo."

"Ano ba'ng plano niyo?" Tanong ko.

"Hindi ko maaaring sabihin at hindi mo rin maaaring makita. Balik na!" bulong niya. Kinaladkad niya ang aking mga braso paalis at tinulak ako nang bahagya. "Bilisan mo. Ayaw naming mapahamak ka."

Tumakbo na ako pabalik sa bahay gawa ng kaba na naramdaman ko. Pagkasara ko ng pinto ay parang bagyong bumuhos ang niyebe. Sobrang lakas. Nakakatakot. Parang lalamunin ang buong kagubatan.

Ilang minuto na ganoon ang sitwasyon habang naghihintay lang ako sa loob ng bahay na nag-aalala. Iniisip kung ano na ang nangyari sa dalawang lalaki. Iniisip kung ano ang planong hindi ko maaaring malaman.

Biglang bumukas ang pinto at nakita ko ang pagod na pagod na si Meru na nakatayo. "Salamat naman at umalis na sila," sinabi niyang parang naghahabol pa ng hininga.

"Meru!" Tumakbo ako papunta sa kanya. "Ayos ka lang ba? Ano ba kasi ang ginawa ninyo?"

"Ayos lang ako. Siguro naman sa gagawin mo ay hindi na sila babalik sa kagubatan ng Encela," pangiti niyang sinabi sa'kin habang naglalakad papuntang kusina. "Kainin na natin ang niluto mong Bulalo."

"Ang gagawin ko? Ibig mong sabihin ang sampahan sila ng kaso?" Tumakbo na ko papuntang kusina para initin ang Bulalo. "Ilang beses na ba silang bumalik dito?"

"Sa sobrang daming beses ay hindi ko na mabilang. Kailangan pa kasi na burahin ang mga alaala nila sa tuwing pinapaalis namin sila," pagod niyang pagsagot. "Hindi dapat malaman ng sinomang tao ang paraan na ginagawa namin."

"Kaya pinaalis mo ko kanina, ganoon ba?" Inihapag ko na sa kanya ang bulalo.

"Oo, tama." Sa wakas ay nakasubo na siya. "Masarap." Iyon lamang ang sinabi niya sa buong oras na kumakain siya. Nakakatuwa siyang tignan kumain. Halos hindi na niya inalis sa pagkain ang paningin niya. Hindi pala halos. Hindi na talaga niya inalis.

Pagkatapos niyang kumain, tinanong ko sa kanya, "Hindi ko na talaga mababasa ang diary mo ngayon?" Halos mahirinan siya sa pag-inom niya. "Kapag ganyan ang reaksyon mo lalo kong gustong mabasa iyon."

"Kahit kailan ay hindi ko iyon ipapabasa sa'yo," napataas ang boses niya. "Kaya nagtiis ako ng ilang taon na hindi ka lapitan upang walang mangyaring hindi kanais-nais sa paglaki ko. Isa pa, pribadong bagay iyon. Hindi mo dapat pinipilit na basahin iyon."

"Ayan ka na naman sa pagsermon mo," kinuha ko na ang plato niya't hinugasan. "Oo na po. Hindi ko na ipipilit."

"Buti naman. Siyanga pala, hindi pa ba tumatawag ang mga magulang mo?" Tanong niyang may kalungkutan sa kanyang boses.

"Hindi," binagsak ko ang plato. "At ayaw kong umasa. Nandito ka naman." Humarap ako sa kanya, "nasaan ang puting rosas ngayon?"

"Ah," bigla siyang tumayo, "oo nga pala." Tinanggal niya ang sumbrero niya at may kinuha sa loob. Lumabas ang mga puting rosas at lumapit siya sa'kin, "Labing-pito ito. Maligayang kaarawan sa'yo, Yukihana."

Parang napalitan lahat ng kalungkutan ng aking kaarawan sa nakalipas na sampung taon ng nag-uumapaw na kasiyahan. Nakakapagtaka't simpleng mga rosas lamang iyon pero nakapagbigay sa'kin ng sobrang kasiyahan. Tinaggap ko ang mga rosas, "Salamat, Meru. Pasensya na at wala akong regalo para sa'yo. Ito na lang kung pwede," niyakap ko siya nang mahigpit. "Maligayang kaarawan, Meru. Maraming salamat sa pagdating sa buhay ko. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya ngayon."

Niyakap niya rin ako. "Ikaw ang may hindi alam kung gaano ko katagal hinintay ang araw na ito. Wari'y isang siglo ang lumipas. Iniibig kita, Yukihana."



NiyebeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon