Agad na tumayo si Meru at naglakad patalikod, "Yukihana, dito ka lang sa bahay ninyo. Huwag na huwag kang lalabas dahil lalong titindi ang buhos ng niyebe." Hindi man lang ako nakapagsalita at nakalabas na nga siya ng pintuan ng bahay.
Alam niyang lalakas ang pagbuhos ng niyebe. Ang mga diwata ng Encela ay malamang na may kapangyarihan sila ukol sa klima ng kagubatang ito. Kaya pala parang kakaiba ang lamig at ihip ng hangin ngayon kaysa sa mga nakaraang taon. Sigurado akong may kinalaman ito sa "sila" na nanggugulo sa kapayapaan ng kagubatan.
Iniligpit ko na ang natapong Bulalo at dumeretso sa bintana kung saan ako nakadungaw kanina. May nakita akong anino ng isang malaking bagay na nagtatago sa malakas na pagbuhos ng niyebe.
May sumisira sa kapayapaan sa kagubatan. Positibo akong tao muli ang kalaban ng mga diwata dahil sila lamang ang may lakas ng loob at pagka-arogante na guluhin ang kagubatan sa ganitong panahon. Maliban na lamang kung may ibang diwata na kalaban ang Encela ngunit ipinapahiwatig nito na ang kalikasan mismo ang sumisira sa kanya. Dahil ang diwata'y tagapangalaga ng kalikasan.
Tulad ng sinabi ni Meru, lalo ngang lumakas ang pagbuhos ng niyebe. Kasama nito ay ang malakas ding hangin na humampas sa bintana kaya't pilitan itong nasara.
Punong-puno ang aking isip ng pag-aalala habang nakaupo sa sofa, at tinititigan ang mabagal na pagtakbo ng kamay ng grandfather clock. Ano na kaya ang nangyari kay Meru? Bakit ba palagi ko kailangang maghintay? Sa totoo lang, nakakasawa na ang sobrang paghihintay.
Kaya naman, tumayo ako mula sa aking kinauupuan na marahil ay makapagrereklamo na kung ito'y nakapagsasalita. Kinuha ko ang makapal na jacket at botas, madaling isinuot at binuksan ang pintuan sa baba. Taliwas sa sinabi ni Meru lumabas ako upang obserbahan ang mga nangyayari sa kagubatan. Hindi pwedeng maghihintay na lamang lagi ako.
Halos hindi na ko makaalis sa aking kinatatayuan dahil sa lakas ng ihip ng hangin at sa kalamigan ng niyebe. Sa di kalayuan ay nakarinig ako ng tumatakbong lagare. Tumakbo ako papunta roon sa takot na baka tama ang aking hinala. Na sinisira ng ibang tao ang kagubatan.
Sa pagdating ko sa tunog ng lagare, natuklasan ko ang malaking traktura at dalawang matatangkad na lalaki na balot na balot ng mga damit na panlaban sa lamig. Nang ako'y nakalapit, nakita ko ang lagare na kumakain sa puno sa pamamagitan ng matutulis nitong mga ngipin.
"Itigil niyo yan," sigaw ko sa kanila na may usok pang lumalabas mula sa aking bibig, "may permiso ba kayo na putulin ang mga puno rito?"
Lumapit ang isang lalake sa'kin na para bang tinatakot ako, "Sino ka ba? Delikado rito sa kagubatan. Umuwi ka na!"
"Hindi niyo po sinagot ang tanong ko. Wala po kayong permiso, di po ba?" Pabalang kong sabi.
"Aba'y makulit pala 'tong batang 'to eh," tumingin siya sa kanyang kasama. Inituon niya sa'kin muli ang kanyang mga mata at lumapit, "Neng, kung ayaw mong masaktan, umalis ka na rito at may trabaho pa kaming gagawin."
"Hindi na po ako bata," tumayo ako ng matuwid. "Kung kayo po ang hindi aalis, magsasampa po ako ng kaso. Illegal po ang ginagawa ninyo."
"Matapang kang bata ka. Sa tingin mo ba hanggang saan ka dadalhin ng tapang mo?" Itinaas niya ang kanyang kamay at pinisil ang kanyang kamao. "Magsampa ka ng kaso kung makakarating ka pa sa pulisya," pabulong niyang sabi na nakatingin nang masama sa akin.
Nang susuntukin na niya ako, mabilis akong yumuko upang sipain sana siya. Ngunit biglang may yumakap sa'kin at parang may pumalo sa aking ulo sa sobrang pagkahilo ko.
"Ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba? Yukihana. Yukihana! Gumising ka," isang pamilyar na boses ang narinig ko habang inuuga ako. "Sinabi ko na kasi sa'yo na manatili ka lang sa bahay!" Sigaw niyang may pag-aalala.
Idinilat ko ang aking mga mata at nakita si Meru na nakatingin sa akin. May luha ang kanyang mga mata. "Meru? Bakit ka umiiyak?" Tanong ko sa aking pag-upo.
Hinaplos niya ang aking mukha at sinabing, " May masakit ba sa'yo? Sinaktan ka ba nila?" Sa pagkabigla ko kay Meru, ilang sandali akong nakatulala lang sa kanya. "Ano? Ano? Sumagot ka naman, Yukihana."
"Ah, ayos lang ako. Ni hindi nila ako nadaplisan," ngiti ko. Napabuntong-hininga siya. " Meru, patawad kung pinag-alala kita. Pero kasi-"
"Kung humihingi ka talaga ng tawad, hahayaan mo na ang kaharian na umayos nito," seryoso niyang sinabi sa akin.
"Tama siya, Yukihana," isang malambing na boses ang aking narinig mula sa aking likuran. "Trabaho namin ito kaya't kami ang dapat na kumilos." Sa aking pagtalikod ay nakita ko ang isang magandang babae na may nagniningning na balat at mahaba't tuwid na puting buhok. Suot niya ang gintong bistida na parang pangkasal at sa ulo niya'y nakapatong ang koronang pinapalamutian ng makikinis na mga dyamante. "Matagal na rin tayong hindi nagkita. Mabuti na lang at tuwing nandirito kayo sa Encela ay lagi kang binabantayan nitong si Meru. Lagi niya akong binabalitaan tungkol sa'yo."
"Reyna," agad akong tumayo at nagbigay-galang. "Sandali lang po, ano pong ibig sabihin ninyong binabantayaan ako ni Meru?"
Nagtatakang tinanong ng Reyna si Meru, "Hindi mo pala sinabi kay Yukihana. Sabagay ganun nga ang gagawin mo; pasensya at nadulas ang aking dila."
Yumuko si Meru, "Huwag niyo na pong isipin iyon mahal na Reyna."
Tunay ngang lubos na ginagalang ang mahal na Reyna. Sa pagkakita sa Reyna ay saglit na dumaan muli sa mga mata ko ang mga masasayang oras ko noon sa kaharian. Mainit nila akong tinanggap na parang isang masayang bayan na lahat ay nagkakaisa. Sa lahat ng taong nakasasalubong ng Reyna, wala akong nakita ni isa man ang hindi nagbigay-galang sa kanya.
Bumaling sa akin si Meru, "Yukihana, pinupuntahan kita lagi sa inyong bahay dahil natatakot ako na baka isang araw hindi na kayo bumalik. Nagbibigay sa'kin ng sobrang pag-aalala na hindi ko na magagawa ang pangako ko sa'yo. At," lumungkot ang kaniyang mga mata, "hindi ko nais na iwan kang mag-isa sa iyong kaarawan."
"Ganun pala," tugon ko. "Bakit hindi ka man lang nagpakita? Kung hindi pa nasabi ng Reyna, hindi ko pa malalaman."
"Pinapadalhan kita lagi ng puting rosas. Natatanggap mo, hindi ba?"
Mga puting rosas? Totoong sa tuwing hinihintay ko ang aking mga magulang nang nakadungaw sa bintana laging may lumilipad na puting rosas papunta sa'kin. "Ikaw ang nagkokontrol sa hangin na nagdadala sa'kin ng rosas?" Ngumiti siya at tumango. Nakaramdam ako ng sobrang kasiyahan, "Salamat Meru. Laging napapagaan ng mga rosas na iyon ang loob ko. Pero bakit hindi ka nagpakita?"
"Dahil hindi maari. Sensitibo ang ilang taon sa buhay ng isang diwata at ang konting interaksyon sa tao ay magbibigay ng malaking pagbabago sa aming paglaki," paliwanag ni Meru. "Nalayo na ang usapan. Ihahatid na kita sa bahay ninyo. Doon ka lang at huwag kang aalis," seryosong utos niya sa akin.
Ngunit sinabi ko na ngang sawa na ako sa puro paghihintay. "Ayaw ko. Tutulong ako sa ayaw at sa gusto mo. Reyna," hinawakan ko ang mga kamay ng Reyna, "pakiusap pahintulutan niyo na akong tumulong."
"Yukihana," malambing na sinabi ng Reyna sabay paghaplos sa aking ulo, "wala kang magagawa sa kapal ng niyebe ngayon. Ayaw kong sabihin ito ngunit makasasagabal ka lamang sa aming plano."
Sa totoo lang, masakit ang mga salitang narinig ko mula sa kanya. Pero kung nakapagsalita ng ganoon ang Reyna, seryoso talaga siya. Wala nga siguro akong magagawa. Pinipilit ko lang ang kagustuhan ko kahit wala namang maibubungang maganda. Kinailangan pa nga akong protektahan ni Meru mula sa mga lalaki kanina. Pinag-alala ko pa siya. "Reyna, naiintindihan ko na po ang nais niyong iparating. Bilang isang karaniwang tao, may mga limitasyon ako. Pasensya na po sa pagpipilit ko."
"Huwag mo na alalahanin iyon dahil ang kagustuhan mong tumulong sa pagligtas sa kagubatan ay tunay na nakatataba ng puso. Salamat, Yukihana, sa pag-intindi mo," niyakap akong mahigpit ng Reyna. "Masaya akong may mga taong katulad mo na nagpapahalaga sa kalikasan. Hindi mo alam kung gaano na ang naitutulong mo."
"Halika na," hinila ni Meru ang kamay ko, "pumikit ka na."
BINABASA MO ANG
Niyebe
FantasyIsang maikling kwento. Muli na namang napag-isa si Yukihana sa kanyang kaarawan dahil sa trabaho ng kanyang mga magulang. Malakas ang pagbuhos ng niyebe at may isang binatang hindi niya nakikilala na nagpakilalang kaibigan niyang diwata ang humarap...