Bata pa lang ako, madali na talaga akong mauto.
Naniniwala ako na dumarami ang kisses kapag nilagay mo sa bulak at pulbo.
Umaasa ako sa mga pamato, na tiyak ang dalang panalo sa'yo.
At takot na takot akong masugatan kapag biyernes santo dahil ang sabi nila, kailanman hindi na mawawala ang sugat mo.Nataong biyernes santo ng iniwan mo ako. At totoo nga ang sabi nila dahil hanggang ngayon, nagnanaknak at hindi pa rin naghihilom ang sugat na iniwan mo sa aking puso.
Bata pa lang ako, madali na talaga akong mauto.
Tumatalon sa bagong taon para madagdagan ang katangkaran.
Naniwalang may mahahaling bato sa gitna ng maliliit na mga ipo-ipo.
At takot na takot akong tumakbo noon dahil ayaw kong madapa at masugatan dahil ang sabi nila, lalabas raw ang isang eroplano, tren, kalabaw at madre sa sugat mo.Kaso ilang beses na rin akong nadapa sa kahahabol ko sa'yo. At napakaraming gasgas at sugat na rin ang natamo ko pero kahit isang ngiti, yakap o halik man ay wala pa ring lumalabas na kapalit mula sa'yo.
Bata pa lang ako, madali na talaga akong mauto.
Tinatapon ko ang nalaglag kong ngipin sa bubongan para kunin ng isang ibon at mapalitan.
Na kapag hindi ako kumain, nanakawin ng kaldero ang kaluluwa ko.
At kapag kumakain ako ng isang prutas, ingat na ingat ako na hindi makalunok ng buto dahil ang sabi nila, tutubo raw ito sa loob ng tiyan ko.Pero kahit napakaraming beses ko ng nilunok ang mga salita ko, wala pa rin atang tumutubo o umuusbong na pagmamahal diyan sa puso mo.
Bata pa lang ako, madali na talaga akong mauto.
At hanggang sa pagtanda, tanga pa rin ata ako.
Wala na atang lunas, mukhang malala na ito.
Kasi umaasa pa rin ako na mahalin mo.
Tanga talaga e, ano?[End]
Salamat sa mga nagcontribute J
Ano ang mga bagay na nauto/pinaniniwalaan/umasa ka noong bata ka?
[Madadagdagan 'to in the future basta may material.]