Part 8
Greg's POV
Napabalikwas ako ng bangon. Sobra pa rin akong hinihingal na akala mo eh sumali ako sa takbuhan marathon.
Bakit nagpapakita si Wigi sakin? Oo, pinagsisihan ko naman yung mga kasalanan ko sa kanya, e. Pero ang gusto ko munang makausap sa ngayon ay si Fiona. Bakit pa kinailangang sumulpot ni Wigi sa eksena?
"Iho? Nakausap mo na ba si Fiona?" Nilingon ko si Lola na nakaupo sa gilid. Saka lang din ako nakahinga ng maluwag.
Ibig sabihin nagising na talaga ako. Tanginang panaginip iyon.
Umiling ako bilang sagot.
"Ano bang nangyari iho? Tignan mo yung dalawa o," Turo niya doon sa gilid kung saan natutulog nga si Red at Fiona sa magkabilang sofa. "Hindi pa nagigising yang mga yan. Ikaw naunang nagising, ibig sabihin nakuha mo na yung mga sagot sa katanungan mo. Tama ba?"
Umiling ulit ako.
"Ay nakung bata ka, eh bakit ka gumising agad?" Hindi ko pinansin si Lola at akmang tatayo na pero pinigilan niya ako. "Uulitin natin yung sayo. Magpokus ka iho."
"Hindi na ho. Uuwi na ho ako." Tanggi ko doon sa matanda.
"Ay naku, hindi pwede yan iho. Kinailangan nating tapusin 'to kasi nasimulan na."
"Hindi na ho kailangan, kas--- Shit."
Hindi ko na napigilang sunod sunod na magmura nang bumalik na naman ako doon sa lintik na panaginip tulad ng kanina.
Bumalik na naman ako dito sa walang kwentang hardin na 'to.
Kinusot ko pa ang mga mata ko, baka sakaling magising ako pero wala pa rin.
"Lintik talaga," Umupo ako saka nagbunot na naman ng damo.
Kung bakit pa kasi ako sumama kila Red doon kay Lola. Dapat talaga hindi na ako sumama, e.
Napalunok ako nang maramdamang may umupo sa gilid ko.
Kahit pa hindi ko lingunin iyon ay alam ko namang si Fiona ko na iyon.
"Namiss kita." Sabi niya tulad ng inaasahan ko.
Hindi ko na kinuha ang palapulsuhan niya para i-check kung may peklat ba tulad ng ginawa ko kanina dahil baka mayakap ko na naman siya at sa huli, baka si Wigi lang din naman ang magpakita.
"Bakit hindi ka umiimik diyan, Hon?" Doon na ako natigilan nang tinawag niya ako sa endearment namin.
Dahan-dahan ko siyang nilingon at kita ko kung paano niya akong ngitian.
Yang mga ngiting yan. Namiss ko. Sobra.
"I-ikaw na ba talaga 'yan?" Paninigurado ko.
Tumawa siya. "Ano ba sa tingin mo?"
Imbes na yakapin siya ay nag-iwas lang ako ng tingin. Gustuhin ko mang yakapin siya ngayon, pero mas gusto ko pa ring maliwanagan. Gusto ko siyang makausap. Gusto kong malaman ang lahat-lahat.
"Bakit mo ko iniwan?" Hindi ko maiwasang masaktan sa naging tanong ko.
Para kasing mas ginusto pa niyang sundan sa kabilang buhay si Wigi kaysa ang makasama ako.
Iniisip ko lang dati na baka sa sobrang depress kaya niya nagawa iyon pero kahit bali-baliktarin ko talaga, ang nabubuo kong conclusion ay dahil baka nga nagkamali lang ako. Nagkamali lang ako dahil baka nga mas mahal ni Fiona si Wigi kaysa sakin.
Hindi naman siya basta bastang magpapakamatay ng wala lang. Hindi niya siguro matanggap na mawawala si Wigi sa buhay niya kaya niya ito sinundan.
Tangina talaga. Bakit ngayon ko lang naisip na hindi pala talaga ako yung mahal ni Fiona? Baka nga sinagot niya lang ako ng dahil sa awa.