Taong Kasalukuyan, Zombie Day 120 +0330 Hours,
Nang magising ako, napansin kong nakagapos ako habang nakalambitin sa loob ng isang madilim at abandonadong pabrika. Kahit na hindi ko alam kung ano ang lugar na 'yon, sigurado naman akong nasa Subic pa rin ako. Habang nakasabit ay agad ko namang kinuha ang isang maliit na kutsilyo na nakatago sa suot kong leather gloves at nag-umpisa na ako sa paghiwa sa lubid na gumagapos sa 'kin sa grappling hook ng isang crane, kung saan ako nakasabit.
"I won't continue on doing that, if i were you. Unless gusto mong magiling nang buhay," sabi sa akin ng isang pamilyar na boses. Kasabay ng pagpasok niya ay biglang nagliwanag ang lahat kaya doon ko napansin na tanging ang gapos ko lang ang pumipigil sa posibleng pagkahulog ko sa isang malalim na butas, na sa tingin ko ay nagsisilbing daan patungo sa kung anong uri ng makina.
Napatingin naman ako sa kanya. Bagama't pamilyar sa akin ang kanyang boses ay medyo nanibago ako nang husto sa mukha niya, lalo na sa kanyang itim na buhok. "I-ikaw ba 'yan...Kyle?" tanong ko.
Tumango naman siya. "Yeah," sagot niya.
"Thank God you're here," nakangiti kong sagot sa kanya. "Tulungan mo akong makawala dito," sabi ko pa sa kanya.
Tumingin naman siya sa akin na animo'y parang may mali akong nasabi. Mayamaya pa ay umiling naman siya. "Sorry, but it's never gonna happen," sagot naman niya.
Naguluhan ako sa sinagot niya. "Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ko.
Sumandal naman siya sa pader sa likuran niya. "Bakit ko naman gagawin ang gusto mo kung ako naman ang mismong nagtali sa'yo diyan?" sabi niya.
Bagama't lubhang nagulat ay muli akong nagtanong sa kanya. "Bakit mo ginagawa 'to?" tanong ko sa kanya.
Tinutukan naman niya ako ng baril. "Pinatay ng mga kasamahan mo si Papa at ang iba pang mga siyentipiko almost three months ago," sagot niya. "Nagsagawa kayo ng round-up sa lahat ng mga siyentipiko sa buong mundo na dalubhasa sa larangan ng paggawa ng gamot, promising all of us na magtutulungan ang lahat sa paggawa ng bakuna laban dito. Pero ano'ng nangyari? Nilipol ninyo silang lahat," sabi pa niya.
Halos mapaluha naman ako sa sinabi niya. Sa lahat ng mga tao naging bahagi ng buhay ko, isa si Papa Renan, ang ninong ko at ama naman ni Kyle, ang pinakamahalaga at pinakamalapit sa akin. "Sorry...pero sa maniwala ka man o sa hindi, wala akong alam sa ginawa ng World Health Organization," pagtatapat ko.
Tumingin naman siya sa akin habang nanlilisik ang mga mata niya. "SORRY?! SA PALAGAY MO BA AY MAIBABALIK PA NG SORRY MO ANG BUHAY NI PAPA?!" galit niyang tanong.
Umiling naman ako sa kanya. "Masakit rin para sa 'kin ang nangyari, Kyle. At kahit na maging ako pa ang pinakamagaling na siyentipiko dito sa mundo, hindi ko na rin maibabalik pa ang buhay ni Papa," sagot ko sa kanya. "However, may kinuha rin sa 'kin ang World Health na isang bagay na posibleng maging dahilan upang mailigtas tayo sa sakit na 'to at iyon rin ang mismong dahilan kung bakit ako nandito."
"Hindi mo ako maloloko. I know na nandito ka para gamitin ang submarine na nakaparada sa Subic Naval Base para lumabas ng bansa," sabi niya habang nakatutok pa rin ang baril sa akin.
Hindi ko rin maipaliwanag pero nakaramdam ako ng matinding galit sa loob ko nang mga oras na iyon. "SA PALAGAY MO BA AY GANUN AKO KAHANGAL PARA SUMAMA PA SA KANILA, PAGKATAPOS NILANG PATAYIN ANG MGA TAONG MAHAL KO?!" galit kong singhal sa kanya. "PINATAY NILA ANG ISA SA MGA KAIBIGAN KONG TUMULONG SA AKIN SA PAGGAWA NG BAKUNA. NASA ICU RIN ANG ISA KO PANG KAIBIGAN AT NAKUHA ANG BAKUNANG GINAWA KO NANG DAHIL NA RIN SA KAPABAYAAN KO. AT NGAYONG NALAMAN KO PA MULA SA'YO NA PINATAY DIN NILA SI PAPA RENAN, SA PALAGAY MO BA AY SASAMA PA AKO SA KANILA?!" dagdag ko pa. Halos nandidilim na rin ang paningin ko sa sobrang galit, isang katangiang taglay ko na tulad ng iba ay sadyang kinatatakutan ko rin.
BINABASA MO ANG
Undead Chaos: Vendetta (UC Book #3)
Science FictionLEGAL DISCLAIMER: All characters in this work are fictitious. Any resemblance to real persons, living or dead (and in this particular case, UNDEAD), is purely coincidental. "Ngayon ang pinakamasaklap na araw sa buhay ninyo. Wala na nga talaga ang B...