BOX 04

14.8K 516 37
                                    

BOX 04

NAG-AALALA na dinaluhan ni Alona iyong buntis na babae. Para kasing sobra itong nasasaktan. "Okay lang po ba kayo?" tanong niya dito habang inaalalayan ito sa paglalakad.

"M-medyo masakit ang tiyan ko..." nakangiwi nitong turan.

Maya maya ay bumukas na ang pintuan. Isa-isa nang lumabas ang lahat. Nahuli sila ng buntis dahil mabagal itong maglakad. Nilapitan sila ni Mario at nag-offer ito ng tulong sa pag-alalay sa buntis. Hindi na tumanggi si Alona dahil sa totoo lang ay nahihirapan siya.

Pagkalabas nilang lahat ng silid na iyon ay may tatlong lalaki na sumalubong sa kanila. Lahat ay nakasuot ng kulay itim na suit. Nilagyan silang anim ng blindfold at iginiya sa kung saan. Naramdaman ni Alona na sumakay siya sa isang sasakyan. Ngayon ay alam na niya kung bakit sila nilagyan ng blindfold-iyon ay para hindi nila malaman kung saang lugar sila dinala.

Habang lulan ng sasakyan ay nag-iisip pa rin si Alona kung totoo ba ang lahat ng ito. Pero kung isang malaking joke lang ang lahat, paano niya maipapaliwanag ang tila sugat sa ulo niya?

-----***-----

NAKATULOG na si Alona sa tagal ng biyahe. Nang magising siya ay umaandar pa rin ang sasakyan pero ilang sandali lang din ay huminto iyon. May naramdaman siyang kamay na humawak sa kanyang braso. Napaigtad siya nang may karayom na tumusok sa kanyang braso. Matapos iyon ay unti-unti siyang nanghina at nawalan ng malay.

-----***-----

MARAHAN na iminulat ni Alona ang kanyang mga mata. Tila may isang matining na tunog na tumusok sa kanyang ulo kaya malakas siyang napasigaw sa sakit. Saglit lang ang sakit na iyon pero sapat na iyon para masaktan siya ng husto.

"Alona! Salamat sa Diyos at nagising ka na!" Mula sa kung saan ay narinig niya iyon at may yumakap sa kanya. Doon siya nagkaroon ng pagkakataon na pagmasdan ang kanyang kinaroroonan. Nasa kwarto niya siya sa bahay niya.

"M-mama?" Nakilala niya agad ito.

"Saan ka ba galing, ha? Bakit ngayon ka lang nagpakita?" umiiyak na tanong nito sa kanya.

"A-ano pong ibig niyong sabihin?"

"Hindi mo ba alam? Dalawang buwan kang nawala. Hindi namin alam kung saan ka pumunta!"

"D-dalawang buwan?" Hindi makapaniwalang bulalas ni Alona.

Nasapo niya ang kanyang ulo at pilit na inalala kung ano ang nangyari sa loob ng dalawang buwan. Wala siyang maalala kundi iyong may lalaking kumuha sa kanya at nagising siya sa silid na iyon kasama ang lima pang tao.

Bahagyang inilayo ng ina niya ang katawan nito sa kanya para makita siya. "Ano ba talagang nangyari sa'yo, anak?" muli nitong tanong.

Natigilan siya at napatingin dito. Sasabihin niya sana dito ang totoo pero nang bigla niyang maalala ang sinabi ni Miss Black ay hindi na lang niya itinuloy. Wala siyang sinabi sa ina niya. Niyakap na lang niya ito. Mabuti na lang at tila inunawa nito ang pananahimik niya.

-----***-----

MATAPOS masiguro na ayos na siya ay umalis na ang kanyang ina. Sinabi rin niya dito na gusto muna niyang mapag-isa. Katatapos lang maligo ni Alona at tanging isang tuwalyang puti ang nakatapis sa kanyang katawan. Humarap siya sa malaking salamin at nakatulalang pinagmasdan ang kanyang sarili. Dalawang buwan... Ganoon pala siya katagal nakakulong sa silid na iyon.

Kinapa niya ang kanyang ulo at hinawi ang buhok. Nakita niya ang peklat doon.

Napapitlag siya nang may marinig siyang tumutunog na cellphone. Tiningnan niya ang kanyang cellphone na nasa ibabaw ng kama pero hindi naman iyon ang tumutunog. Maigi niyang pinakiramdaman kung saan nanggagaling ang tunog. Sa laundry basket! Nagmamadali na inilabas niya ang lahat ng maruruming damit na naroon hanggang sa may makapa siya sa pantalon na suot niya noong may lalaking kumuha sa kanya. Isang cellphone-at iyon ang tumutunog.

Tama! Natatandaan na niya. Ito ang cellphone na ibinigay sa kanila ni Miss Black.

Ibig ba nitong sabihin ay may iuutos na ito sa kanila?

Sinagot ni Alona ang tawag at nanginginig na dinala ang aparato sa kanyang tenga.

"H-hello? Sino 'to?" sagot niya.

"Miss Alona. Good afternoon!" Isang boses ng babae ang sumagot sa kabilang linya.

"Miss Black..." naniningkit ang mga mata niya.

"Handa ka na ba?" tanong nito sa kanya.

-----***-----

ISANG kulay puting van ang sumundo kay Alona pagkatapos ng tawag na iyon ni Miss Black. Ayon dito ay isasagawa na ang unang pagsubok nito sa kanilang anim. Pagsakay niya sa van ay naroon na rin sina Mario, Jessa, Gio, Jenny at Arvin. Lahat ay may pangamba sa mga mukha. Lahat ay walang ideya kung ano ang gagawin nila o gagawain sa kanila.

"Ang lakas din ng trip ng Miss Black na iyon, e! Kung wala siyang magawa sa money niya, mag-shopping siya!" nakaismid na sabi ni Jenny habang umaandar na ang sasakyan.

Wala silang makita sa dinaraanan nila dahil may takip na tela ang lahat ng bintana. Maya maya ay huminto na ang van at pinababa na sila. Pumasok sila sa isang restaurant na hindi nila alam ang pangalan. Isang mahabang lamesa ang nasa pinaka gitna ng restaurant na may anim na upuan.

"Ano bang gagawin natin dito? Kakain?" naiinis na tanong ni Gio.

Walang kakaiba sa restaurant, iyon ang napansin ni Alona. Katulad lang iyon ng mga normal na kainan na may mga lamesa, iyon nga lang, sila lang anim ang naroon.

"Tama ka, Gio. Kakain nga kayo kaya nandito kayong anim!" sabi ni Miss Black habang pumapasok ito. Nakasuot ito ng black na gown at itim din na maskara. Napaka-sexy nitong tingnan. Huminto ito sa dulo ng lamesa at isa-isa silang tiningnan.

"Bitch," narinig ni Alona na bulong ni Jenny. Katabi niya lang ito.

"Katulad nang sinabi ko nang tawagan ko kayo ay upang isagawa na ang unang pagsubok ko sa inyong anim. Handa na ba kayong... kumain?" ani Miss Black.

Pumalakpak ito nang tatlong beses at anim na lalaki na may dalang tig-iisang tray ang dumating. Isa-isang inilapag ng mga lalaki ang pinggan na may takip sa kanilang harapan. Wala sa oras na napadasal si Alona sa kanyang sarili na sana ay hindi laman ng tao ang nasa loob ng pinggan na iyon.

Muling nagsalita si Miss Black. "Simple lang ang rules ng game na ito... Kung sino ang mahuling makaubos ng nasa pinggan niyo ay sasabog ang ulo! Iyon lang! Game?" At isang nakakalokong ngiti ang pinakawalan nito. "Simulan niyo na!"

Nanginginig at dahan-dahan na tinanggal ni Alona ang takip ng pinggan at nang makita niya ang laman no'n ay hindi niya napigilan ang pagbaligtad ng sikmura niya. Sumuka siya nang sumuka gayundin ang iba pa niyang kasama.

TO BE CONTINUED...

SICK: Part TwoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon