TWIST 01
PASILIP-SILIP ang sampung taon na gulang na si Damian sa labas ng kanilang mansion. May katabaan ang batang si Damian. Sa murang edad ay nakasuot na agad siya ng salamin sa mata. Mahilig kasi siyang magbasa ng aklat tungkol sa pagdodoktor. Iyon kasi ang utos sa kanya ng mga magulang niya na sina Donya Guada at Don Ysmael. Nais ng mga ito na maging mahusay siyang doktor pagdating ng panahon. May sakit kasi ang Papa niya. Nakartay na lang ito sa kama at hindi na nakakagalaw kaya sabi ng Mama niya ay kailangan niyang maging mahusay na doktor upang siya ang mismong gumamot sa Papa niya. Kaya naman sa murang edad ay pag-aaral agad ang inaatupag niya. Mayaman ang pamilya nila kaya naman may sarili siyang guro na nagtuturo sa kanya sa bahay.
Buong buhay ni Damian ay hindi pa niya nagagawang makisalamuha sa ibang bata. Hindi pa niya nagagawang makipaglaro sa mga ito kaya naman kapag nakikita niya na naglalaro ang mga batang kapitbahay nila ay naiinggit siya sa mga ito. Katulad ngayon, nakasilip na naman siya. Gusto niyang lumabas ng mansion at makisali sa mga batang iyon. Pero sigurado siya na kapag nalaman ng Mama Guada niya na lumabas siya, mapapagalitan siya nito. Nakakatakot pa naman kapag nagagalit ito!
Tuwang-tuwa si Damian sa nilalaro ng limang bata na nasa labas ng mansion nila. Naka-ikot at magkakahawak ng kamay ang apat na bata habang ang isa ay nakatalikod na nagsisilbing "taya". Pinagbubuhol-buhol ng apat ang mga braso at katawan at kapag sumigaw na sila ng: "Doctor Quack Quack! Tulungan mo kami!" Ay aayusin na ito ng batang nakatalikod. Kapag naayos na ng isang bata ang pagkakabuhol ng mga braso't katawan ay tatakbo na ang apat na bata. Kung sino ang mahabol ng batang taya ay iyon naman ang susunod na taya.
Manghang-mangha si Damian sa larong iyon. Parang gusto na niyang ihakbang ang kanyang mga paa palabas ng mansion at makisali sa limang batang iyon.
-----***-----
"DAMIAN!"
Napapitlag si Damian mula sa pagkakatitig niya sa pagkain na nasa kanyang plato dahil sa pagtawag na iyon ng kanyang Mama Guada. Napatingin siya dito. "Bakit po, mama?" tanong niya. May lahing Espanyol ang kanilang ina kaya naman mestisa ito. Mas lalo tuloy itong nagmumukhang masungit.
"Bakit hindi ka kumakain? Puro gulay ang ipinaluto ko kay manang. Kailangan mo ng masusustansiyang pagkain para tumalino ka. Kumain ka na!"
Hapunan na nila. Kumakain naman ng gulay si Damian pero hindi ang pagkain ang gumugulo sa isip niya kaya siya tila wala sa sarili. Gusto kasi niyang magpaalam sa ina niya na kung pwede siyang makipaglaro sa mga bata sa labas.
"Mama... maaari ba akong maglaro kasama ang mga bata sa labas ng mansion?" lakas-loob na tanong niya.
"Hindi!"
"Pero, mama-"
Malakas na ibinagsak ng ina niya ang kutsara at tinidor na hawak nito sa pinggan. "Damian! Ang mga aklat at pag-aaral mo ang atupagin mo. Wala kang mapapala sa pakikipaglaro sa mga bata sa labas. Isa pa, aawayin ka lang nila. Gusto mo ba iyon?! Kaya hindi pwede. Dito ka lang sa bahay! Bawal kang lumabas! Intiendes?"
"O-opo, mama..." Nanginginig na sagot ni Damian.
-----***-----
ARAW-ARAW, tuwing sasapit ang hapon ay walang ginawa si Damian kundi ang pumwesto sa bungad ng pintuan nila at panoorin ang paglalaro ng limang batang iyon. Alam na nga niya ang pangalan ng lima dahil naririnig niya parati kapag tinatawag ng mga iyon ang isa't isa. Si Jessa iyong maliit pero maganda. Si Jasmine iyong medyo matangkad at mahaba ang buhok. Si Hans naman iyong batang lalaki na payat. Si Angelo ay iyong makulit at Macoy naman ang lampa at palaging nadadapa... Pati mukha ng mga ito ay kilala na rin niya.
"Bata! Hoy! Bata!"
Natigilan si Damian nang tawagin siya ni Angelo.
"Ako?" itinuro pa niya ang sarili.
"Oo. Paabot naman ng bola namin. 'Ayon, oh! Nasa bakuran niyo."
Luminga-linga si Damian. Nakita niya ang bola at pinulot niya iyon. Lumabas ng gate nila at inabot kay Angelo ang bola.
"Salamat! Gusto mo bang sumali sa laro namin?" ani Jessa.
"Papasalihin niyo ako?" Hindi makapaniwalang tanong niya. "Gusto ko sana iyong nilalaro niyo no'ng isang araw. Iyong nagbubuhol-buhol kayo!"
"Ah! Doctor Quack Quack!" sagot ni Jessa. "Sa susunod na lang. Sawa na kami, e. Agawang-bola na lang-"
Biglang hinila ni Angelo si Jessa at binulungan ito. "Ayokong isali ang batang iyan. Sabi ni nanay, sira-ulo daw pamilya niyan kaya hindi lumalabas ng mansion." Bulong lang iyon pero dinig pa rin niya.
Aaminin niya. Nasaktan siya na ganoon pala ang tingin sa kanila ng mga kapitbahay nila. Sira-ulo.
Pero dahil sa kagustuhang makipaglaro ay binalewala iyon ni Damian. "Pasali naman ako..." aniya.
"Ayaw namin!" ani Angelo. "Inuto ka lang namin para kuhain mo bola namin!"
Bigla siyang binato ni Angelo ng bola sa mukha. Nagmamadali na kinuha ni Macoy ang bola at nagtatakbo palayo ang lima. Naiwan siyang umiiyak dahil sa sakit ng pagtama ng bola sa kanya.
-----***-----
NAGPABALIK-BALIK ang limang bata sa harapan ng mansion nila. Ilang beses din na nagpumulit si Damian na isali siya ng mga ito sa paglalaro pero palagi siyang tinatanggihan ng mga ito. Minsan pa nga ay itinutulak siya ng mga iyon kapag nakukulitan na sa kanya. Hanggang isang araw ay nakita ng Mama Guada niya ang pang-aaway sa kanya ng mga bata. Kinaladkad siya nito papasok ng mansion at pinagpapalo ng latigo nito.
"Ang kulit mo talaga! Sinabi ko na sa iyo na bawal kang lumabas! Bawal kang makipaglaro! Nakita mo na! Inaaway ka lang nila! Hindi ka marunong makinig, Damian!!!" Walang tigil sa paghampas sa kanya ang kanyang Mama Guada. Wala itong pakialam kung saan siya tatamaan.
"Tama na po, mama! Hindi na po ako uulit!" umiiyak na pakiusap niya.
Maya maya ay tumigil na ito sa paghampas sa kanya. Binitawan nito ang latigo at masuyo siyang niyakap. "Shhh... Tahan na, Damian... Tahan na. Makikinig ka kasi sa mama para hindi ka nasasaktan..." tila anghel na sabi nito. Hinahaplos pa ang kanyang ulo.
"O-opo..."
Iyak nang iyak si Damian bago siya matulog.
Mag-isa niyang ginamot ang mga latay at pasa sa kanyang katawan.
Simula ng araw na iyon ay nagtanim na siya ng galit sa limang bata. Tinandaan niya ang mga mukha at pangalan ng mga iyon at sisiguruhin niyang hindi iyon mabubura sa kanyang alaala.
"Napakadamot niyo! Ang gusto ko lang naman ay maglaro! Ang damot niyo! Ang damot niyo!" puno ng galit na sigaw ni Damian.
TO BE CONTINUED...
BINABASA MO ANG
SICK: Part Two
Horror(Now a published book under LIB) Tatlong kwentong susubukan na pabaligtarin ang inyong sikmura! BOX, WOMB, TWIST!