WOMB 02
MALAKAS ang pag-asa ni Rocyn na magkakaayos na ulit sila ni Joey dahil pumayag na ulit itong makipagkita sa kanya. Siya kasi ang klase ng tao na hindi mapakali kapag nagkakaroon ng katampuhan. Isa pa ay hindi siya sanay na hindi sila nag-uusap ng kanyang kababata.
Masukal ang daan papuntang ilog. Dadaan muna siya ng tila gubat na daan bago niya iyon mapuntahan. Walang masyadong nagpupunta sa lugar na iyon dahil sa sawa na ang mga tagarito sa kanila. Pero para sa kanila ni Joey ay hindi sila magsasawa sa lugar na iyon dahil doon sila bumubuo ng kanilang mga pangarap.
Sa paglalakad ni Rocyn ay may isang tunog siyang naririnig. Tila kumukulit iyon sa kanyang tenga kaya medyo naiirita siya. Tunog ng lumilipad na langaw. Isang malaking langaw.
Tumigil siya sandali para hanapin ang langaw at nakita niya iyon na lumilipad paikot-ikot sa itaas ng kanyang ulo. Iwinasiwas niya ang kanyang kamay para itaboy iyon pero hindi pa rin umalis ang langaw sa ulunan niya. Hinayaan na lang niya iyon at nagpatuloy na lang sa paglalakad.
Pagdating niya sa ilog ay wala pa roon si Joey. Nakakapagtaka dahil ngayon lang nangyari na nauna siya. Palagai kasi tiong nauuna sa kanya doon kapag napagkasunduan nilang maligo o mamasayal sa ilog. Kaya umupo na lang siya sa malaking bato na nakaharap sa ilog. Pinagmasdan niya ang mabagal na pag-agos ng tubig. Parang nakikini-kinita niya doon ang masasaya nilang alaala ni Joey. Mga alaala na maaring hindi na maulit dahil umibig ito sa kanya at hindi niya ito nagawang ibigin sa paraang nais nito. Hanggang kaibigan lang kasi talaga ang nararamdaman niya para dito. Isa pa ay hindi pa siya handang pumasok sa isang relasyon. Bata pa naman siya at ang gusto talaga niya, ang una niyang pag-ibig ay ang lalaking kanyang papakasalan na rin.
Naniniwala rin si Rocyn na ang pagkababae ay dapat lang na ibibigay sa isang lalaki pagkatapos ng kasal kaya naman ganoon na lang ang pag-iingat niya.
Isang kaluskos ang kanyang narinig kaya naman agad siyang napalingon. “Joey!” Pero walang Joey siyang nakita. Tanging mga puno at nalaglag na tuyong dahon lang ang naroon.
Napabuntung-hininga siya sabay balik ng tingin sa ilog. Pero laking gulat niya nang makita niya na lumilipad sa harapan niya iyong langaw. Sumugod ito palapit sa kanya at pumasok ito sa ilong niya. Muntik na siyang mahulog sa bato dahil sa gulat, mabuti na lang ay nakakapit siya ng maayos.
Nagmamadali na bumaba siya sa bato at pumunta sa ilog. Pilit niyang inaalis ang langaw na pumasok sa kanyang ilong sa pamamagitan ng pagsinga pero walang epekto iyon.
Biglang dumilim ang paligid ni Rocyn at kasabay niyon ay bumagsak ang katawan niya sa ilog.
-----***-----
NAGLALAKAD sa madilim na lugar si Rocyn. Hindi niya alam kung paano siya napunta doon basta nagisnan na lang niya ang kanyang sarili na naglalakad sa lugar na iyon. Mainit. Parang kinakapos siya ng hininga. Natatakot na siya nang nakakita siya ng liwanag. Mukhang iyon na ang palabas sa madilim na lugar na iyon!
Tumakbo siya hanggang sa marating ang liwanag. Isang pintuang nakabukas. Pumasok siya at isang magarang silid-tulugan ang kanyang nakita.
Kaninong silid ito? tanong niya sa kanyang sarili.
Isang malaking salamin ang kanyang nakita. Lumapit siya doon at nanlaki ang mga mata niya nang makita ang sariling repleksiyon sa salamin. May umbok ang kanyang tiyan. Buntis siya!
Kinakabahan na itinaas niya ang kanyang damit at hindi nga siya nagkamali. Malaki ang tiyan niya. Paano nangyari ito? H-hindi! sigaw niya sa isip.
Maya maya ay may naramdaman siyang gumagalaw sa kanyang tiyan. Parang sumisipa ang sanggol na nasa loob niyon. Sa una ay mahina lang hanggang sa naging marahas ang paggalaw niyon sa loob. Parang kinakagat na nito ang lamang-loob niya. Malakas siyang napasigaw dahil sa sakit hanggang sa may dugong lumabas mula sa kanyang pagkababae at isang sanggot na mukhang halimaw ang lumabas sa kanyang pagkababae. Matutulis ang itim na kuko, may mautulis din itong ngipin. Kulay pula ang buong mata.
“Hindi!!!” malakas na tili ni Rocyn.
-----***-----
“HINDI!!!” Napabalikwas ng bangon si Rocyn mula sa masamang panaginip na iyon. Ganoon na lang ang pagpapasalamat niya nang malaman niya na nasa sariling silid na niya siya. Humihingal na pinakiramdaman niya ang kanyang sarili.
Ang huli niyang natatandaan ay nang may langaw na pumasok sa kanyang ilong sa ilog at nawalan siya ng malay.
Napatingin si Rocyn sa pinto nang bumukas iyon at pumasok ang kanyang mga magulang. Malalaki ang mga hakbang na nilapitan siya ng kanyang ina.
“Nanay—“
Isang malakas na sampal ang ipinadapo ng ina niya sa pisngi niya. Halos tumabingi pa nga ang kanyang mukha dahil doon. Nagtataka na napatingin siya dito. “'Nay? B-bakit po?” tanong pa niya.
“Paano mo nagawa sa amin ito?! Pinagkatiwalaan ka namin! Hayop ka!” Akmang sasampalin siya ulit nito mabuti na lang at agad itong naawat ng kanyang tatay.
“Celia, tama na!”
“Anong tama na?! Kulang pa iyon dahil napaka landi niya!” Pilit na inabot nito ang kanyang buhok pero nakaawat pa rin ang tatay niya.
“B-bakit po ba? Ano po bang nagawa ko?” umiiyak na tanong na niya. Sa unang pagkakataon ay nasaktan siya ng kanyang nanay. Walang sumagot sa kanya kundi ang galit na galit na mukha ng mga magulang. “Tatay… Sagutin niyo po ako…”
Lumunok ang kanyang tatay. “Pinagkatiwalaan ka namin, Rocyn. Ang sabi mo ay hindi mo sisirain ang tiwala mo sa amin pero ano ito? Bakit buntis ka?! Sino ang hayop na aman ng dinadala mo?!”
“Ano?!” Tigalgal at hindi makapaniwala si Rocyn sa kanyang narinig.
Tama ba ang narinig niya? Siya? Buntis?
“Nakita ka namin sa ilog na walang malay kaya dinala ka namin sa ospital. Nang tingnan ka ng doktor ay wala naman daw ikaw sakit. Tatlong buwan ka na daw na buntis! Ngayon, sabihin mo kung sino ang nakabuntis sa’yo?!”
“Sumagot ka! Malandi ka!” Nakawala ang nanay niya at nasabunutan siya nito. Ipinagwasiwasan nito ang kanyang buhok sa sobrang galit nito. “Kakalbuhin kita! Sinira mo ang lahat ng pangarap namin para sa iyo! Malandi! Haliparot!!!”
Halos hindi na maramdaman ni Rocyn ang pananakit ng sarili niyang ina sa kanya. Totoo bang buntis siya? Paano mangyayari iyon, e, sigurado siya na hindi pa siya nakikipagsiping sa kahit na sinong lalaki. Birhen pa siya dahil pinapangalagaan niya ang kanyang pagkababae.
“Celia! Tama na iyan!” sigaw ng kanyang tatay. Inilayo nito ang ina niya sa kanya.
“Ayoko nang makita pa ang pagmumukha mo dito, Rocyn! Lumayas ka na! Simula ngayon ay wala na kaming anak! Wala kaming anak na malandi!” galit na galit na turan ng kanyang ina habang dinuduro siya nito.
Umiiyak na napatingin na lang siya dito. Nagtataka. Pero wala siyang kasagutan na makita kung paanong nabuntis siya.
TO BE CONTINUED…
-----***-----
NOTE: Kung napansin niyo po ay nabanggit sa chapter 01 ng Womb sina Russel at Vanessa. Ito po ay nangyari noong lumipat sina Russel at Vanessa sa Calauag, Quezon kaya 'wag po sana kayong malilito. Salamat.
BINABASA MO ANG
SICK: Part Two
Horror(Now a published book under LIB) Tatlong kwentong susubukan na pabaligtarin ang inyong sikmura! BOX, WOMB, TWIST!