WOMB 01

16.9K 473 57
                                    

WOMB 01

PINAGPAPAWISAN na ang kamay ni Rocyn Tolentino kanina pa. Panay ang lamukos niya sa laylayan ng kanyang palda. Nasa harapan niya si Joey Lorenzo, nasa salas silang dalawa ng bahay nila. Si Joey ay ang pinaka masugid niyang manliligaw. Halos isang taon na itong nanliligaw sa kanya at tila wala itong balak tumigil hangga't hindi siya nito napapasagot. Hindi naman sa pagmamayabang pero sa bayan nila na kung tawagin ay Manhulugin na matatagpuan sa Calauag, Quezon, isa si Rocyn sa maraming manliligaw dahil sa angkin niyang kagandahan. Natural na maputi ang kanyang kulay at mapula ang pisngi kapag naiinitan. Medyo bilugan ang kanyang mga mata na tinernuhan ng malalantik at mahahabang pilik-mata. Maliit at matangos ang kanyang ilong. Alon-alon ang mahaba niyang buhok.

Hindi mayaman, hindi rin mahirap ang buhay na meron si Rocyn. Siya ang nag-iisang anak ng kapitan sa maliit na bayan nila. Kaya naman kung alagaan siya ng mga magulang niya ay ganoon na lang. Mahigpit ang mga ito sa kanya at iyon ang dahilan kung bakit wala pa siyang nagiging nobyo sa edad niyang beinte.

Meron silang maliit na manggahan na ikinabubuhay nila. Meron lang silang limang manggagawa at kabilang doon si Joey.

Kinakabahan si Rocyn. Ngayong gabing ito kasi niya sasagutin si Joey. Pero sagot na sigurado siyang hindi nito gustong marinig. Sasabihin niya kasi dito na wala talaga itong pag-asa sa kanya, na tigilan na nito ang panliligaw sa kanya. Sa totoo lang, wala naman talaga siyang gusto sa binata kahit na gwapo rin ito at mabait. Hanggang kaibigan lang talaga ang kaya niyang ibigay dito. Magkababata kasi sila nito at nasanay na siya sa pagiging magkaibigan nila. Ang gusto niya ay habangbuhay silang ganoon ni Joey.

"Rocyn, gusto mo bang sumama sa akin bukas sa plaza? May pasayaw kasi ang kabataan kaya-"

"Joey..." Putol ni Rocyn dito. Halos hindi siya makatingin dito.

"M-may problema ba? Okay lang naman kung ayaw mong sumama. Naiintindihan naman kita."

"Hindi iyon, Joey..." Sa wakas ay nagawa na rin niyang mag-angat ng mukha. Kailangan na niya itong gawin dahil kung patatagalin pa niya lalo mas lalo itong masasaktan.

Tumayo si Joey at lumipat ng upo sa tabi niya. "May problema ka, nararamdaman ko."

"Tigilan mo na ang panliligaw mo sa akin, Joey. A-ayoko na. Hindi kasi kita kayang mahalin ng higit pa sa isang kaibigan." Sa wakas ay naisatinig na rin niya ang mga salitang matagal nang nasa loob niya.

Nakita niya ang pait sa mukha ni Joey, ang pagkawasak ng pangarap nito na mapapasagot din siya nito. Ilang segundo ring hindi nakapagsalita ang lalaki. Nanatili itong nakatitig sa mukha niya na tila tinatanong siya kung tama ba ang narinig nito o hindi.

Napakagat si Rocyn sa pang-ibabang labi niya. "Joey, sorry... P-patawrin mo ako kung pinatagal ko pa ito. Hindi ko naman kasi-"

"Rocyn. Okay lang. Sige, mauna na ako."

Biglang tumayo si Joey at lumabas ng kanilang bahay nang walang paalam. Alam niya na nasaktan niya ang damdamin nito pero kahit paano ay natututuwa siya na hindi siya nito sinumbatan dahil pinatagal pa niya ang panliligaw nito sa kanya. Natakot lang siyang saktan ito dahil kaibigan niya ito.

-----***-----

SIMULA nang bastedin niya si Joey ay biglang nagbago ang pakikitungo nito sa kanya. Kung noon ay ngumingiti ito kapag nakakasalubong siya, ngayon ay nilalampasan na lang siya nito. Kahit sa manggahan kapag naroon siya ay lumalayo ito. Hinayaan na lang ito ni Rocyn na ganoon. Naiintindihan naman niya kung bakit ganoon nag ikinikilos ng kanyang kaibigan. Nasaktan niya ito. Natural lang na iwasan siya nito.

Pero umaasa pa rin siya na babalik sila sa dati. Iyong palagi silang magkasama sa paliligo sa ilog, sa pangunguha ng bungang-kahoy at pagpunta kapag may pasayaw sa plaza. Miss na miss na niya ang dati nilang samahan ni Joey.

Isang linggo pa ang lumipas at hindi na nakatiis pa si Rocyn na kausapin si Joey. Habang inilalagay nito ang mga mangga sa isang box ay nilapitan niya ito at kinausap.

"Hi, Joey. Kumusta ka na?" Nakangiti niyang bati sa lalaki.

Bahagyang natigilan si Joey pero hindi man lang siya nito tinapunan ng tingin. Nagpatuloy ito sa ginagawa.

"Joey, g-gusto mo bang maligo tayo mamaya sa ilog? Ang tagal na kasi nating hindi nakakapunta doon. Ang natatandaan ko ay last month pa tayo huling pumunta doon. Nakaka-miss iyong malamig na tubig ng ilog!" Pilit niyang pinasigla ang boses niya.

Tumingin si Joey sa kanya. Ang seryoso ng mukha nito. "Sige. Pagkatapos ng trabaho ko dito, pumunta tayo sa ilog." Binuhat na nito ang box na puno ng mangga at saka siya iniwan nito.

Nagtataka man ay wala na siyang nagawa kundi ang sundan na lang ito ng tingin.

-----***-----

MATAPOS ang maikling pag-uusap nila ni Joey ay umuwi na siya sa bahay nila. Doon ay nadatnan niya na kumakain ng suman ang kanyang mga magulang sa salas. Nagmano muna siya sa mga ito at saka nagpunta sa kusina. Kinuha niya ang basket na nasa itaas ng aparador. Nilagyan niya iyon ng ilang piraso ng suman at nagtimpla siya ng orange juice at inilagay niya iyon sa plastic na bote na pinaglagyan dati ng softdrinks. Iyon na lang siguro ang babaunin nila sa paliligo sa ilog.

"O, saan ang punta mo, Rocyn?" tanong ng nanay niya pagkalabas niya ng kusina.

"Maliligo po kami sa ilog ni Joey." aniya.

Kilala naman ng mga ito si Joey kaya tiwala ang mga ito sa kaibigan niya. Kahit ang panliligaw nito sa kanya ay hindi rin naman lihim sa mga ito. Ayaw ng mga magulang niya si Joey para sa kanya dahil hindi ito mayaman. Tama na raw na magkaibigan silang dalawa.

Tinanguhan na lang siya ng nanay niya at muli nitong kinausap ang tatay niya. "Nakita mo ba iyong bagong lipat diyan sa kabilang bahay, Romeo? Mukhang nagtanan ang dalawa. Sa pagkakaalam ko ay Vanessa at Russel ang pangalan."

"O, ano naman ang mero sa dalawang iyon?" tanong ng tatay niya sa nanay niya.

"Hindi ko lang alam kung bakit ganoon na ang kabataan ngayon. Magtatanan at magsasama. Hindi ba nila alam na malas ang ganoon dahil wala silang blessings mula sa mga magulang nila. At pagkatapos, mabubuntis ang babae nang hindi sila kasal. Nakakakilabot!"

Napailing na lang si Rocyn sa sinabi ng kanyang nanay. Sadyang ganoon ito magsalita. Aminado naman siya na masyado itong mapanghusga at inaayon nito ang panghuhusga base lang sa nakikita nito. Perfectionist kasi ito kaya wala rin itong ka-close na kapitbahay nila. Kaya hindi na rin siya nagtaka na hinusgahan na nito ang bago nilang kapitbahay na sina Vanessa at Russel kahit hindi pa nito kilala ang mga iyon.

"Kaya ikaw, Rocyn! Ingatan mo ang sarili mo. Ayokong malalaman na mabubuntis ka ng kung sino-sino lang. Dapat ay magpakasal ka muna sa isang lalaking gusto namin para sa'yo bago ka magkaroon ng anak. Isipin mo na lang ang sasabihan ng mga tao dito sa Manhulugin kapag nangyari iyon? Tandaan mo, kapitan ang tatay mo. 'Wag mo kaming bigyan ng kahihiyan."

"'Wag po kayong mag-alala, 'nay... Hindi ko po sisirain ang tiwala niyo sa akin ni tatay. Sige po, aalis na po ako, ha." Humalik muna siya sa mga ito bago niya tuluyang nilisan ang kanilang bahay para pumunta sa ilog. Hiling niya ay bumalik na sila ni Joey sa dati-kung ano sila bago niya tanggihan ang inaalok nitong pag-ibig.

TO BE CONTINUED...

SICK: Part TwoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon