Chapter Thirteen

139 17 5
                                    

Dahan-dahang lumapit sina Joella at Venice sa lugar na maraming puno at halaman. Nakita nila roon ang isang matandang nananaghoy sa kalaliman ng gabi

"Amang," sabay na wika nang dalawa. Hindi sila makalapit sa matandang lalaki. Binabalot sila ng takot sa buong katawan.

"May maitutulong po ba kami?" tanong ni Joella na naubusan yata ng  lakas ng loob.

"Ate, tara na. Natatakot ako," bulong ni Venice sa kapatid.

Tumingin ang matanda sa magkapatid. "Hinahanap ko ang anak ko. Nakita n'yo ba siya?" nagulat at napaatras ang magkapatid ng makita nila ang hitsura ng matanda. Hindi nila inaasahan na ganoon ang makikita nila. Mayroong butas sa kanang bahagi ng noo ang matanda. Nagkalat rin ang dugo sa mukha nito. Maaaring galing ang butas at dugo sa putok ng baril.

Tumakbo palayo sina Venice at Joella, ngunit pakiramdam nila ay hindi sila umaalis sa kanilang pwesto.

"Anong nangyayari, ate?!"

"Hindi ko alam!"

"Bakit hindi tayo makaalis?!"

"Ewan ko!"

"Pabalik-balik at paikut-ikot lang tayo!"  wika ni Venice na sinakop na ng takot ang buong katawan.

Napahinto ang magkapatid ng muli nilang makita  ang matandang lalaki sa kanilang harapan. Nanginginig ang mga katawan nila sa takot. 

Napalunok si Venice, buong tapang niyang tinanong ang matanda kahit nakakaramdam siya ng takot. "Ano pong kailangan n'yo?"

"Hinahanap ko ang aking anak. Nakita n'yo ba siya?"

"Anak?" tanongni Joella.

"Oo, ang aking anak. Wala siyang katulad. Kakaiba ang kanyang ganda," napahagulgol ang matanda." Ngunit ang taglay niyang kagandahan, ang magiging dahilan pala ng  paghihirap niya sa aking mga kamay."

"Ano po ang ibig n'yong sabihin?" nawala ang takot ni Venice, sa halip ay napalitan ito ng awa.

"Malaki ang kasalanan ko sa 'king anak. Ilan taon din siyang nagdusa at naghirap dahil sa 'kin."

"Ano po ang malaking kasalanan na nagawa n'yo sa kanya?" tanong ni Joella na nawala na ang panginginig ng katawan.

Sandaling tumahimik ang matanda at napayuko. Hindi niya alam kung sasabihin sa dalawa ang katotohanan. Katotohanan na ibinaon na niya sa lupa kasama ang kanyang katawan. Katotohanan na isinama na niya sa hukay, ngunit bakit hanggang ngayon ay hindi matahimik ang kanyang kaluluwa? Parang isang sampal na paulit-ulit na dumadampi sa kanyang pisngi ang kasalanang nagawa niya. Panahon na nga ba para sabihin ang katotohanan?

Itinaas ng matanda ang kanyang ulo at tiningnan ang magkapatid. "Hinalay ko siya. Paulit-ulit. Ilang beses siyang  nagmakaawa sa 'kin, pero hindi ko siya pinakinggan. Pinairal ko pa rin ang kahayukan ko sa laman," muling napaluha ang matanda.

Hindi nakapagsalita kaagad sila Venice at Joella. Hindi nila alam kung anong sasabihin nila. Nagulat sila sa katotohanang isinawalat ng matanda. Bakit nagawa niya 'yon sa kanyang anak? Hindi ba't ang ama ay haligi ng tahanan, pero sa sitwasyong ito, ama ang sumira ng haligi.

"Nasaan na po ang anak n'yo?" tanong ni Joella.

Natigilan ang matanda. Isang katotohanan na naman ang kanyang isisiwalat. "Patay na rin siya katulad ko. Magkakasabay kaming namatay. Ang asawa ko, ang dalawa kong anak na lalaki, ang katiwala namin at ang dalaga kong anak. Isang malagim na trahedya ang nangyari na ako rin ang naging dahilan. Nang-" hindi naituloy ng matanda ang sinasabi. Ayaw na niyang maalala ang lahat. Masakit para sa kanya na siya ang naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang pamilya. Napayuko siya at lihim na naluha.

Hindi alam ni Joella kung maiinis o maaawa siya sa matanda. Mali ang ginawa nito, pero nakikita niyang nagsisisi na ito. May simbolo ng karangyaan ang matanda kung pagmamasdan. Ang nakakapagtaka ay wala sa mukha nito na gagawa ng masama.

"Bakit po kayo ang naging dahilan ng pagkamatay nila? Ano pong trahedya ang tinutukoy n'yo?" sa kaibuturan ng puso ni Venice ay nais niyang malaman ang natatagong lihim ng matanda.

Muling itinaas ng matanda ang kanyang ulo. Pinagmasdan at pinag-aralan ang magkapatid. Nang matantiya niyang wala namang problema ay itinuloy niya ang naudlot na sinasabi kanina. "Ako ang pumatay sa kanila."

Lalong nagulantang ang magkapatid sa nalaman.

"Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko noong araw na 'yon. May kung ano sa loob ng katawan ko na nag-uutos na gawin ko 'yon. Hindi ko kayang kontrolin kaya nagawa ko ang hindi dapat," nasa mukha ng matanda ang lubos na pagsisisi. "Patawarin ako nawa ng Diyos, pero huli na ang lahat."

"Saan naman po galing ang sugat n'yo sa noo?"  hindi pa rin nawawala ang pagkagulat ni Joella sa nalaman.

"Matapos ko silang mapatay, kinitil ko ang sarili kong buhay gamit ang baril na pinampatay ko sa kanila."

Rumehistro sa mukha ni Venice ang matinding awa. "Ano pong pangalan n'yo, amang?"

"Noong nabubuhay pa ko, ang tawag nila sa 'kin ay Don Federico Madrigal."


Binuhat ng magkapatid na Daniel at Samuel ang katawan ni Fer. Pagbalik nila sa sasakyan, naabutan nilang tulala sina Joella at Venice.

"Anong nangyari sa inyo?" tanong ni Daniel na pinitik pa ang mga daliri sa harapan ng magkapatid.

"Nakakita kami ng isang kaluluwa ng matandang lalaki, banda roon," nahihintakutang wika ni Joella.

"Hinahanap niya ang kanyang anak. Nagsisisi siya dahil hinalay niya ito," dugtong ni Venice sa sinabi ni Joella.

"Pinatay niya ang kanyang buong pamilya, kasama ang kanilang katiwala," wika ni Joella na tulala pa rin dahil sa nararamdamang takot."

"At pagkatapos niyang mapatay ang buong pamilya niya, nagbaril siya sarili,"muling dugtong ni Venice sa sinabi ng kapatid.

Napaisip si Daniel. Pamilyar sa kanya ang ikinuwento ng magkapatid. "Ano ang pangalan ng matandang lalaki?"

"Don Federico Madrigal," sabay na wika ng magkapatid.

Napanganga si Daniel sa narinig. Sa pagkakatanda niya sa ikinuwento ng kanyang mamang, si Don Federico ay ang ama ni Ilonah Madrigal. Hindi siya maaaring magkamali dahil tandang-tanda pa niya ang bawat detalye ng kwento. Unti-unti nang lumilinaw ang lahat.

"Sumakay na kayo sa sasakyan," kunot-noong wika ni Daniel.

"Ano na naman ba ang problema,tol?" sumingit na sa usapan si Samuel.

"Pupuntahan natin si mamang. Kailangan ko na siya talagang makausap," sumakay ng sasakyan si Daniel na problemado ang hitsura.

Iiling-iling namang sumakay si Samuel ng sasakyan. "Pinipilit kitang intindihin, tol. Alam kong may problema ka."

"Sa bahay na natin pag-usapan."

"Kasama si mamang?"

"Oo dahil siya ang magbubunyag ng isang malaking sikreto."

abangan bukas ang chapter 14..








Ganti Ng Kaluluwa Ni IlonahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon