Chapter 8

190 19 3
                                    

"Pasok muna po kayo sa 'min para magamot nina ate Joella at ate Venice ang mga sugat niyo," seryosong sabi ni Fer.

"Pakakainin mo ba kami?" tanong ni Daniel na totoong kumakalam na ang sikmura.

"Opo. Ano po ang gusto n'yong kainin, sinabawang mata ng tao o piniritong laman-loob ng tao?"

Mata at laman-loob ng tao? Napalunok si Daniel. Hindi niya alam kung masusuka siya , mandidiri o susunggaban si Fer. Mas pinili na lang niyang sakyan ang sinabi nito.

"Mas masarap yata ang sinabawang mata ng tao?"

"Bakit para pong hindi kayo sigurado?"

"Oo nga eh," pagsang-ayon ni Daniel sa sinabi ni Fer.

"Tara na po sa loob."

Pagharap ni Fer sa kanilang bahay ay muling naging mabalasik ang mga mata nito at nagkulay dilaw, ngunit kaagad ding nawala ang mala-demonyong itsura nito.

Binuksan ni Fer ang pinto at pinapasok ang magkapatid. Bumungad sa kanilang mga mata ang dalawang dalaga na kasalukuyang may tinatawagan sa mga phone nila. Balisa ang mga itsura nito.

"Fer!" sabay na wika ng dalawang dalaga.

"Sino 'yang mga kasama mo?!" tanong ng nakakatandang babae.

"Mga kaibigan ko, ate Joella. Gabi na raw kaya hinatid na nila ko."

"Ganoon ba! Salamat sa paghatid n'yo sa kapatid namin! Makakaalis na kayo!" mataray na wika ni Joella.

"Huwag ka namang masungit , ate. Dito ko sila pinakain," pagmamakaawa ni Fer kay Joella.

"Nag-imbita ka pa talaga! Tayo nga lang wala ng makain!" inirapan ni Joella si Fer.

"Anong walang makain? Ang dami kayang pagkain sa kusina."

Pinandilatan ni Joella ng mata si Fer.

Titingin-tingin lang ang magkapatid na Daniel at Samuel sa mag-ate.

"Ate, dito na natin sila pakainin tutal naman hinatid nila si Fer," pagsang-ayon ni Venice sa sinabi ni Fer.

Sandaling nag-isip si Joella. "Sige, pero pagkatapos n'yong kumain, umalis na kayo!"

"Hindi mo man lang kami pagpapahingahin?' umandar na naman ang pagka-arogante ni Daniel.

Palihim na tinapakan ni Samuel ang paa ng kapatid. Pinapaalalahanan niya ito na huwag ng magsalita pa ng hindi maganda.

"Pasensiya na sa abala. Aalis na kami," hinatak ni Samuel ang kuya niya patungo sa pintong palabas ng bahay. "Hindi ka na talaga nahiya, kuya. Mas iniisip mo pa ang pagkalam ng sikmura mo kaysa sa kahihiyan."

"Walang magagawa ang hiya kung kumakalam na ang sikmura mo," pagpapaliwanag ni Daniel na may kasamang inis.

Sandaling namayani ang katahimikan sa magkapatid.

Mayamaya'y nagkatinginan sila.

"Sorry sa nangyari kanina," sabay na wika ng magkapatid.

Tinapik ni Daniel sa balikat si Samuel.

Lalabas na sana sila ng bahay ng biglang tawagin sila ni Venice.

"Samuel, Daniel. Dito na kayo kumain. Huwag n'yong pansinin ang pagtataray ni ate Joella. Ganoon lang talaga 'yon. Man-hater kasi."

"Bakit naman naging man-hater si Joella?" umandar na naman ang kuryosidad ni Samuel.

"Lahat kasi ng naging boyfriend ni ate, niloko lang siya. Ipinagpalit siya sa iba kaya ipinangako niya sa sarili na hindi na siya uli maniniwala at magtitiwala sa mga lalaki."

"Kapag ako ang nakasama ng ate mo, maniniwala at magtitiwala siya uli sa mga lalaki," pagyayabang ni Daniel.

"Nagyabang na naman," iiling-iling na sabi ni Samuel.

"May ipagyayabang naman talaga. Mukha ko pa lang gwapo na," hinagod pa ni Daniel ang kanyang buhok, maipakita lang na gwapo siya.

Hindi pinansin ni Samuel ang pagyayabang ng kuya niya. "Venice?"

"Oo," pagkukumpirma ng dalaga.

"Samuel. Siya naman si kuya Daniel, kapatid ko," nagkamay ang tatlo.

"Nabanggit na ni Fer ang mga pangalan n'yo bago pa kami pumasok ng bahay. Ang nakakatuwa nga, naihatid namin siya rito ng hindi niya alam ang mga pangalan- Venice!"

Bigla na lang nahimatay si Venice, buti na lang at nasapo siya kaagad ni Samuel.

"Venice," tinapik-tapik ni Samuel ang pisngi ng dalaga.

Dumilat ito at wala sa sarili na tumayo.

Nagtataka namang lumapit si Samuel sa kuya niya. Nagtatanong ang itsura.

"Maghintay ka lang," maikling tugon ni Daniel.

Tinitigan ni Venice ng may lambing si Samuel. Lumapit ito sa binata at inamuy-amoy. Takang-taka ang binata sa inaasta ng dalaga.

Binaling ni Venice ang tingin kay Daniel.Tinitigan ng dalaga ang binata ng matalim."Magkaibang-magkaiba talaga kayo. Isang magalang at isang barumbado. Isang mapagpakumbaba at isang mayabang. Isang matalino at isang nagmamarunong. Sa madaling salita, isang anghel at isang demonyo."

"Hindi ko hinihingi ang opinyon mo, Ilonah. Umalis ka sa katawan ni Venice dahil kung hindi masasaktan ka," galit na babala ni Daniel.

Tumawa nang nakakakilabot si Ilonah. "Tinatakot mo ba ko, Daniel Baltazar?"

"Hindi!" matigas na wika ni Daniel.

Nang mga oras na 'yon, nagngingitngit na sa galit ang kalooban ni Samuel.

"Hindi lang ako ang kalaban ninyo sa bahay na 'to."

"Anong ibig mong sabihin?' tanong ni Samuel na biglang nawala ang galit na nararamdaman dahil sa malaking pagtataka sa sinabi ni Ilonah.

"Bakit hindi n'yo alamin? Mga ghost hunters kayo, hindi ba?"

Susugurin sana ni Daniel si Ilonah, ngunit nalaman ito kaagad ng babae. Pinagalaw ni Ilonah ang pinto sa pamamagitan ng pagtitig dito. Inipit nito si Daniel na kasalukuyang nakapwesto sa likod ng pinto.

Akmang susugurin na rin ni Samuel ang mapaghiganting si Ilonah, ngunit biglang binaling ng babae ang tingin sa kanya. Pinagalaw kaagad ni Ilonah ang isang flower vase na malapit sa kanila at pinuntirya nito ang ulo ni Samuel. Bumulagta ang binata sa sahig at nagtamo ito ng sugat sa noo.

"Mag-isip ka, Daniel, mag-isip ka! Bilisan mo!" bulong ni Daniel sa sarili. Naalala niya ang baril na isinuksok niya sa baywang nang huli nilang makita si Ilonah. Asin ang bala nito kaya tiyak na lusaw si Ilonah kapag tinamaan.

Kinuha niya ang baril at tinutok kay Ilonah. "Mamili ka, baril na may asin o dadasalan kita?!" wika ni Daniel na nagpupumilit na makaalis sa pagkakaipit sa pinto.

"Nagrurunung-runungan ka na naman, Daniel," galit na wika ni Ilonah. "Hindi ako dapat ang pag-aksayahan mo ng panahon."

"Pag-aaksayahan kita ng panahon hangga't nandito ka sa mundo namin," muling babala ni Daniel kay Ilonah.

"Na dating mundo ko," isang nakakakilabot na halakhak ang muling narinig ni Daniel kay Ilonah. Unti-unting nilisan ng babae ang katawan ni Venice. Hanggang sa mawala ito at humandusay sa sahig si Venice.

Kaagad na kumilos si Daniel. Sinaklolohan niya ang kapatid at si Venice. Ngunit nagulat na lamang siya ng biglang sumulpot sa hindi kalayuan si Fer. Mabalasik ang tingin nito. Waring pinag-aaralan ang mga kilos niya. Unti-unting lumapit ito sa kanila.

"Hindi ka si Fer. Kanina ko pa alam. Sino ka?!" tanong ni Daniel na tumayo at hinarap ang isang hindi kilalang nilalang na nasa loob ng katawan ni Fer.

Matalim na tinitigan ni Fer si Daniel. Kasabay niyon ay muling nagkulay dilaw ang mga mata ng bata. Napaatras si Daniel. Kilala niya kung sino ang nagmamay-ari ng kulay dilaw na mata.

SINANIBAN NG DEMONYO SI FER.



Ganti Ng Kaluluwa Ni IlonahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon